Noong nasa Thailand ako, lumalampas lang ang Semana Santa. Nagsisimba kami, oo, pero hanggang doon lang. Pagkatapos noon, gimik na ulit. Karamihan kasi ng tao doon ay Buddhist, kaya banyaga sa kanila ang Semana Santa.
Noong nasa Alemanya naman ako, ang pinagtuunan ko ng pansin ay ang Easter Sunday celebration. Karamihan doon ay Kristiyano naman at meron silang tinatawag na Grün Donnerstag o Maundy Thursday at Karfreitag o Holy Friday. Pero hindi panahon iyon para sa pagmumuni-muni. Busy ako parating mamili ng regalo sa mga mahal ko sa buhay. Sa paghahanda sa salu-salo. Malaking celebrasyon ang Easter Sunday doon. Masaya! Exciting! Parang ikalawang Pasko kung ituring nila.
Pagkatapos ng halos 15 taon kong pamamalagi sa ibang bansa, ngayon ko lang ulit mararanasan ang mag-Semana Santa dito sa Pilipinas. At dahil sa iba ang katahimikang bumabalot dito sa panahon ng Kuaresma, nagkakaron ako ng pagkakataong mag-isip-isip, magmuni-muni. Nagbalik-tanaw ako sa tila panaginip na nangyari sa amin mula nang bumalik kami sa Pinas noong Hunyo 2009.
Matindi ang dating sa akin ng Semana Santa ngayong taon. Dahil matindi rin ang mga pagsubok na naranasan ng aming pamilya mula nang nagbalak kaming lumipat mula sa Alemanya at magpasyang dito na ipagpatuloy ang aming buhay.
Maraming nagtaka, nagulat, nagalit, at nagbitiw ng mga salitang hindi naman dapat. Hindi namin iyon dinamdam. Salita lamang iyon; marahil nasaktan sila; bumugso ang damdamin. Lilipas din iyon. Maiintindihan din nila kami. Ngunit hindi kami nagpaawat sa aming plano. Ang nakikita namin: ang mas magandang buhay ang naghihintay sa amin sa Pilipinas.
Maraming mga taong nagpakita ng mabuti sa amin sa simula. Ngunit di nagtagal ay tinarakan kami ng patalim sa aming likuran. Maayos na nga ang pagtingin namin sa kanila. Pinakain pati buong pamilya nila. Binigyan ng pagkakataong magbagong-buhay. Pero ang ipinalit sa amin ay ang pait ng kanilang pandaraya. Idinamay pa kami sa mga panggagantso sa mga taong walang malay at nais lamang kumita nang matino. Mahirap hindi magpa-apektuhan, pero pinilit namin. At pinanindigan naming ipagpatuloy ang paglusong sa nakikita naming mas magandang buhay na naghihintay sa amin sa Pilipinas.
Isa kami sa sinalanta ni Ondoy noong Setyembre. Parang pangitain ang mga nangyari, lalo na sa mga bata. Ngunit madali naming tinanggap. Hindi na kami nagdalawang isip: lahat ng gamit na nasira o nasalanta ay di na namin ninais pang makitang muli. Pinamigay naming iyong maari pang gamitin; tinapon namin iyong wala nang silbi. Lumipat kami ng bahay. Bahay lang iyon. Gamit lang iyon. Materyal na bagay lang iyon. Maaring palitan. Ang mahalaga, buo at walang galos ang aming pamilya. Ang mahalaga, maghilom ang sugat sa kalooban -- ang alaala ng karanasang umalog sa dating nakikita naming magandang buhay na naghihintay sa amin sa Pilipinas.
Sa halos 40 taon ko dito sa mundo, ngayon lang din ako nakaranas ng makipagbalitaktakan sa barangay; magkaroon ng hindi lamang isang kaso sa korte kundi madami; makipagtalo sa mga taong baluktot ang paniniwala; at makipagdiskusyon nang paikot-ikot sa mga taong harap-harapang lumalabag sa batas. Kung baga ay sunod-sunod ang naramdaman kong dagok sa buhay. Pero nagyaya ba akong bumalik sa Alemanya kung saan smooth-sailing ang aking buhay -- ang aming buhay? Hindi po.
Tanggap ko na sa mundo, may mga pagkakataon talaga na may darating na unos. Na tayong lahat ay dadaan sa pagsubok. Ang sabi ko: hindi naman ibibigay sa iyo ng Maykapal ang mga bagay na hindi mo kaya o hindi namin kaya.
At lalagpas ka ba sa mga ganyang pagsubok ng walang leksyong natututunan; nang walang taong natulungan; nang walang utang na nabayaran; nang walang magandang naibahagi sa mga nakasalimuha; at nang walang naipong mas malaking pananampalataya sa Kanya?
Magmula nang nagsimula ang aming pagsubok dahil sa desisyon naming umuwi ng Pilipinas, mas lalo akong naging masiglang kausapin Siya. Mas lalo akong nagkaroon ng lakas ng loob na hatakin ang buong pamilya ko na tanggapin Siya. Mas lalong nanaig sa aking isipan na magsumikap hindi lamang para sa aming pamilya, kundi para itaguyod ang pangalan Niya.
Hindi ko naman sinasabi na sa isang iglap ay naging relihiyosa ako. Hindi naman ako nagsimba araw-araw. Pero umaga at gabi akong nagdarasal, na dati ko namang ginagawa at medyo nalimutan noong mga nakaraang taon. At bawat desisyon na ginagawa ko ngayon, binibigay ko muna sa Kanya. Ibinubulong ko muna sa Kanya. Kaya naman nagiging maginhawa na din ang aking pakiramdam.
At may ibang paraan akong ginagawa para ibalik din ang lakas na nakukuha ko sa Kanya. Sa pamamagitan ng pagsusulat ng magandang balita tungkol sa ating bayan, sa pamamagitan ng mga advocacy na sinusuportahan ko, sa pamamagitan ng pagbibigay-tulong sa kapwa-tao, sa pamamagitan ng pagiging totoo.
Dahil sa sunod-sunod na mapait na karanasan, doon ko nakita kung gaano ako kalakas. Hindi ko alam iyong noong araw. At doon ko ulit tinanggap na kinakalabit lang ako ng Maykapal para mabalik ang nanlamig kong pakikitungo sa Kanya.
Nakita kong may lakas pala sa pananampalataya at sa paniniwala. Sa pananampalataya sa Maykapal, at sa paniniwala sa sariling lakas at gawa. At isa pa, mas may lakas ang kabutihan kaysa sa kasamaan. Naniniwala ako diyan, kaya naman patuloy naming nakikita ang kagandahang dulot ng pasya naming sa Pilipinas mamalagi.
Ngayong Semana Santa, tanggap ko nang buong-buo ang mga nangyari at mga mangyayari pa; may kasama mang tinik pero hindi na siya nakabaon. Unti-unti na itong nabubunot. Nakahihinga na ako nang maluwag. At sa Pasko ng Pagkabuhay, handa na akong huguting tuluyan ang tinik at masayang kalimutan.
Tutoo, walang laban ang dusa sa tagumpay ng (Pasko ng Muling) Pagkabuhay!
Photo: “577” by AdA Durden, c/o Flickr. Some Rights Reserved
___
A former stay-at-home mom in Germany who loves to share her parenting and expat stories by blogging about them at Homeworked; Raquel Erhard is now back in the Philippines where she is a publisher of The International Filipino, a newspaper for overseas and migrant Pinoys; and has an advocacy to promote the Philippines as a tourism haven and is deep into creating a model community for retirement and healthcare of expatriates in the Philippines.
Twitter
Digg
Del.icio.us
Reddit
Yahoo
Googlize this
Facebook









