The Philippine Online Chronicles

The POC
Thursday
May 24
Home Features Buhay Pinoy Features Aba, ginoong nanay! (Not so desperate housebands)

Aba, ginoong nanay! (Not so desperate housebands)

man_and_childSa tradisyonal na mundo ng tahanang Pinoy, markado ang mga papel ng lalaki at babae. Dito, ang Ginoo ang lumalabas upang makibaka sa mas malaking mundo. Ang Ginang naman ang mapagpalang kamay na nagpapatakbo sa tahanan upang maging maaliwalas at kaaliw-aliw paguwi ni Mister.

Sa machong mundong ito, isang kalapastanganan ang konsepto ng "tatay na nanay."

Nguni’t dati lang yun. Umikot na ang mundo ng bahay Pinoy. Nalindol na din ang mas malaking mundo. Naalog na ang mga pagtingin at papel sa buhay. Dahil sa pagbabagong dala ng mas bukas, mas praktikal, at mas makatarungang pananaw.

Sa nakaraang 20 taon, naimbento ang salitang "house husband" o, di naglaon, "houseband."  Mayroong mas kyut na tawag sa kanila -- "ginoong mom" o "mister mom." Basta, ano man ang bansag, sila ang mga lalaking maybahay -- mga ginoong nag-aasikaso sa anak at sa bahay habang si ginang ay naghahanap-buhay.

Nang mabuksan sa mga kababaihan ang mga pintong dating nakasara  -- halimbawa sa military, sa engineering, at iba pang technical fields, sa matataas na position sa bisnis  -- aba, kayang-kaya na nilang maging breadwinner ng pamilya. Lalo pa nang lumobo ang demand sa ibang bansa para sa mga Pinay na caregiver at domestic helper.

Ayon sa isang Nielsen survey, seven percent ng mga tahanan sa mga siyudad ang pinatatakbo ng mga "male housewives." Ang bilang nila ay dumarami taun-taon, ang susog pa ng report.

Ngunit, kailangan pa ba natin ang mga numero at porsyentong galing sa NSO o sa Nielsen upang makitang talamak na nga sila?  Maglakad ka lang sa umaga, halos mabunggo mo sila.  May nagdidilig ng halaman,may nagwawalis ng bakuran, may nagpapasyal ng aso.  May makakasabay ka sa palengke, sa paghahatid na anak sa eskwela.  Meron namang kay aga pa, nakikipag-inuman at nakikipaghuntahan na.  Yung iba, nasa basketball court o billiard hall, mag-isa o may kalaro.

Kahit marami na sila, wala tayong makikitang nagpapaskel ng "HOUSEBANDS UNITE." Dahil kaya bihira sa kanila ang minamaltrato ng kanilang mga ginang? Wala pa akong nababalitaang "battered houseband" (malamang may mangilan-ngilang verbally abused lang). Kayo?

Ang mga ginoong mom ay di na "big deal" sa maraming komunidad sa Maynila. “Marami kami,” sabi ni Anastacio Caubalejo na ang asawang si Jennifer ay isang domestic sa Dubai. Ilang taon ding naging OFW si Mang Taz  – napagod na siya. Ngayon, masaya niyang linalasap ang "role reversal." Walang kiyeme siyang sumali sa Kanlungan, isang organisasyon na nagbibigay ng counseling sa mga asawa ng mga OFW. "Dalawa lang kaming lalaking miyembro," pagtatapat niya.

Pagod siya sa dami ng gawain sa bahay.  Pero okay na 'yun, sabi ni Mang Taz, dahil sa wakas, nakakapag-bonding sila ng kanyang mga anak.

May pananaw naman na may kapilyuhan. Ang mga babae daw ay walang tigil na nakikipaglaban sa kanilang karapatan at ekwalidad. Puede na silang bumoto; ngayon naman nais nila maging kapantay ng mga lalaki sa trabaho. Kaya tama naman daw na ang mga lalaki ngayon ay maghangad ng ekwalidad, -- ang mag-ambisyong maging tatay na nanay. Matamis na paghihiganti!

Astig ang maging houseband, sabi ni Ryan Erickson Canlas, sa kanyang Joy of being a houseband. "Tigas! - tiga-saing, tiga-laba, tiga-hugas ng pinggan." "Spermdude," in a comment, agrees: "Machismo is not just about doing all-male stuff.  It is doing household chores at its best."

Klase-klase ang mga houseband.

May lalaki na bukal sa loob ang pagiging lalaking maybahay.  Pinag-usapan na nila ito ni Misis. Maaring manager si Misis, ‘bisor, empleyada sa multinational, kaya mas mataas ang kita. O maaring si Misis ay pinalad na maging OFW na siyempre "spokening dollars" kaya nagbitiw sa trabaho si Mister para may tumingin kay Pepe, kay Pilar, kay Bantay, at sa bahay. Hindi masama ang loob ni Mister dahil gusto naman niya sa kusina. Trip niya ang namimili. Malapit siya sa mga bata. Tunay na ginintuang Ginoo ng Tahanan.  Di kasi, kasama sa kategoryang ito si Mang Taz.

Sabi ng Nielsen report na binanggit ko, 41 percent ng mga houseband ang ganito. May galing at talino upang magtrabaho ngunit pinili ang tumigil ng bahay dahil ito ang mas praktikal na gawin para sa kanilang pamilya.

Hindi problema ang ganitong klaseng houseband.

Ngunit pag ang Mister ay alanganin sa role reversal, kung may nararamdaan syang kahintulad sa castration – yung bang tingin niya ay nababawasan ang kanyang pagkalalaki o kung napakahalaga sa kanya ang kanyang propesyon  at hinahanap-hanap niya ito, o kung natural na para bang sinasalab ang puwet niya at hindi makatagal sa bahay – iyan ang sitwasyong hitik sa problema.

Kadalasang ipakita niya na buong-buong macho man pa din siya sa maraming paraan. Maaring talikuran niya ang gawaing bahay o kung sakali, patago niya itong gagawin, at sukal sa loob. Mas aatupagin niya ang pambabarkada, halimbawa. Pinakamasakit para sa kanyang ginang, maari pa siyang maltratuhin ni Macho Man pag dating niya mula sa trabaho.

Nagagalit. Nag-dedemand. Nagseselos.  "Bakit ang tagal mong umuwi?" "Bakit wala kang dalang ulam?" "Ang kapal naman ng make-up mo!"

Ayon sa Nielsen report, 45 percent sa mga houseband ang ganito. Napilitan lang.

Si Pareng Vic (hindi niya tunay na pangalan) ay napilitan lang.

Dati siyang masipag na ahente ng gamot, ngunit na-lay off siya sa multinational pharmaceutical company na pinagtrabuhan nya nang mag-retrench ito. Sinubukan niyang mag-ahente ng mga generics. Para siyang naka-jackpot nang makuha niyang kliyente ang isang sikat na doktor sa Laguna na pinipilihan ng mga pasyenteng galing pa sa Maynila at kung saan-saang lugar. Duon pa lang kay Dr. Aragon, kaya na ni Vic buhayin ang kanyang pamilya. Nguni’t malas, hindi nalaunan, nagkasakit ang sikat na doktor at tuluyang pumanaw. Dahil one-customer based, ded na rin ang negosyo ni Pareng Vic.

Kaysa maghanap pa siya ng bagong pagkakakitaan, kinausap niya ang kanyang maybahay na guro sa isang unibersidad – tawagin nating siyang Edna. Pinaalis niya ang kanilang katulong at linuklok niya ang sarili niya bilang "ginoong mom." Magaling magluto si Vic kaya naaliw siyang magpakain sa mga anak niya. Listo siya sa pa-sideline-sideline at iba pang income opportunities. Pumasok siya sa pagrarasyon ng pagkain sa opisina ni Edna. Nang mangailangan ang unibersidad ng taga-interbyu, buong gilas siyang nagprisinta.

Nguni’t hindi perpekto ang mundo ng Mr. Mom na si Vic.  Marahil may frustration siya na minsan naibabaling niya sa kanyang mga anak. Baklain ang panganay nilang anak, isang bagay na mahirap tanggapin ng kanyang machong tatay. Laging nabubulyawan at paminsan-minsang nasasaktan ni Vic si Junior. Damay pa si Misis. Kaya daw may pagka-malambot si Junior ay kagagawan ni Misis na magaling mang-i-spoil. Pero sa mga anak, babae o lalaki o alanganin, talagang magagalitin si Vic. Palasigaw. Magaang ang kamay. Madaling mapatid, wika nga. Miserable ang mga bata at lumuluhang madalas si Edna. Sana daw, bumalik na sa trabaho si Vic dahil sukal sa loob nito ang pagiging houseband.

(Maganda naman yata ang naging ending ng istoryang ito.  Nag-migrate ang mag-asawa sa Australia, kung saan naging cook si Vic sa isang employees' canteen ng isang non-government organization duon.  Si Edna ay muling naging maybahay, habang nag-aaral.  At abot-tenga ang ngiti ng buong mag-anak sa Christmas card na pinadala nila sa akin noong nakaraang Pasko.)

May ikatlong klase ng houseband, ayon pa din sa Nielsen. Ito ang mga ginoong may napaka-taas na standard sa homemaking at home management at bihirang ginang ang makakaabot nito. Kaya makakabuting bayaan ang mga perfectionist na ito na sumige na at siyang magmaneho ng kanilang tahanan sa pamantayan na gusto nila. Mga 14 percent ng mga houseband ang ganito.

Sa kabilang dako, hindi lubusang absuelto ang mga babae sa mga kaso ng mga desperadong houseband.

Sa isang internet forum, may mga nagsabing ayos lang sa kanila na ang esposa nila ang kumikita o mas malakas kumita.  Basta huwag lang daw ipagyayabang sa iba o ipamumukha sa kanila. Gusto nila, pag walang pasok, "housewife" pa din ang dating ni Misis. Masarap sa kanila na paminsan-minsang ibalik sa kanilang kabiyak ang walis, ang sandok, ang plantsa, at ang nagpapalahaw na sanggol.

Si Misis, kahit magaling kumita,  ay dapat ding matutong tumawid sa lubid ng pag-balanse sa debosyon niya sa hanapbuhay at sa atensyon niya sa kanyang mag-aama.  Sana magaang din sa loob niya ang kanyang piniling papel at huwag niyang makalimutan ang dating paglalambing, ang pagpapakita ng pagmamahal, at ang pagtingala sa kanyang Mister at sa mga katangian nito na maaring lalo pang tumingkad nang inako nito ang pagiging ginoong mom. At higit sa lahat, maging sensitibo din sana siya sa pagiging sensitibo ng kanyang esposo sa posibleng panunudyo ng mga makikitid ang ulo.

Makitid din ang lubid; pag nalingat, maaring mahulog.  Wala yatang magandang bagay na di pinaghihirapan.

 

Photo: “Manon” by André Mouraux, c/o Flickr. Some Rights Reserved


Add this page to your favorite Social Bookmarking websites
Digg! Reddit! Del.icio.us! Google! Live! Facebook! StumbleUpon! Newsvine! TwitThis
 
Comments
Add New RSS

Disclaimer: Comments posted here reflect our readers’ views and not the opinion of The Philippine Online Chronicles.

Rachel Yapchiongco 19 March 10, 09:13 PM
Hangad ko din na maging mabuti at mapalad ang buhay nila Vic at Edna. Sa hirap ng buhay ngayon, nararapat lamang na magtulungan ang mag-asawa at suportahan ang isa't isa.

Hanga ako sa mga housebands na magaling magasikaso ng pamilya at tahanan.
annk 25 March 10, 11:06 PM
nakakarelate ako dito! houseband dati ang daddy ko. according to him, tinanggal siya ni pagdanganan sa trabaho. mapride at medyo may katamaran tatay ko so di na naghanap ng trabaho. kabaligtaran naman ng nanay ko na sobrang hardworking at masipag. talagang kahit may sakit na, pinilit pa rin umabot sa retirement para mabigyan kami ng magandang buhay. unfortunately, mabigat sa loob ng daddy ko na houseband siya. napapalo kami minsan pag mainit ang ulo, para nga siyang si vic. sobrang bait naman ng nanay ko. nung fourth year highschool ako, nagaway sila at naghiwalay. kaya sana hindi mangyari yan kina vic at edna. pinakaapektado hindi silang magasawa kungdi mga anak nila.
chesca silva 26 March 10, 08:01 AM
Kadalasan, ang 'houseband' ay minamata ng mga ibang kalalakihan dahil sa paniwalang hindi ito "macho."
Sa aking palagay, kung mas makabubuti sa buhay ng pamilya kung ang nanay ang may hanap-buhay sa labas ng tahanan--
ang lalaking marunong magasikaso ng pamilya bilang houseband ay siyang tunay na lalaki.
thecoffeegoddess 26 March 10, 02:54 PM
magandang artikulo!

nasa genetic memory ng mga pinoy ang "alpha female". bago pa man dumating ang mga mananakop, pantay ang babae at lalaki. isang banyagang impluwensya ang "amor propio" sa kalalakihan.
Write comment
Name:
Email:
 
Title:
Please input the anti-spam code that you can read in the image.

!joomlacomment 4.0 Copyright (C) 2009 Compojoom.com . All rights reserved."

Share on facebook

Buhay Pinoy Videos


Get the Flash Player to see this player.
Disclaimer