The Philippine Online Chronicles

The POC
Friday
May 25

Tsokolate mmm!

chocolate_drinkHindi lamang ang kusinera ni Padre Salvi ang marunong magluto ng tsokolate ah at eh. Tayo din. Ang kaibahan lamang, bihira sa ating mga Pinoy ang nanunuri kung sino sa ating mga bisita ang hahainan ng tsokeh (tsokolateng malapot) at sino ang aabutan ng tsokah (tsokolateng malagnaw). Ang alam ko, pag kaunti na ang tableya sa kusina mo, magtiis kang uminom ng tsokolateng malagnaw, hindi b-ah? Kung marami naman ang istak mo nito, eh di suert-eh.

Hindi ako sigurado kung ang tawag sa tsokolate eh noong panahon ni Padre Salvi ay tsokolate batirol na. Hindi naman yata nabanggit sa Noli (Noli Me Tangere).

Ayon sa isang Spanish-English dictionary, "bater" ay "to beat or whisk" at "batedera" ay "whisk," "beater," o "mixer." Dahil mahilig tayo sa short cut, ginawa natin itong "batidor" o "batirol."

Ang mga Mehikano daw ang nag-imbento ng batirol -- isang kitchen implement na gawa sa kahoy, may ulong bilugan at ukit-ukit at buntot na mahaba at makinis. Muchas gracias, senyores.

May Pasko bang walang umuusok na tsokolate, mapait-pait, manamis-namis, at mabula-bula? Para sa akin, wala! Hamon at tsokolate ang Noche Buena ng aking kabataan. Aali-aligid ako habang nagpapakulo na ng tsokolate ang Nanay ko, sa pag-asang ako ang mauutusang magbati ng tsokolate. Eh hawak ko na ang batirol -- ganyan ako kakulit -- may magagawa pa ba siya? Dahan-dahan kong ibababad ang batirol sa tsokolateng wala na sa apoy, at paiikutin hanggang lumapot at bumula. Bilib sa akin ang Nanay ko -- napapataas ko ang bula. Walang iniwan sa kape espresso.

Sabi ng iba, ang batirol daw ay hindi ang kahoy na ginagamit na panghalo at pambati ng tsokolate. Umano'y "mollinero" ang tawag dito. Ang batirol daw ay ang malalim at makitid na lalagyan ng tsokolate na kung titingnan mo ay mas korteng pitsel kaysa kaserola. Tinatawag din itong "chocolatera." Ngunit para sa karamihan ng mga Pinoy, batirol pa rin ang panghalong ito.

Tsokolate tableya ang gamit sa tsokolate batirol. Hinihiwa ang mga tableya ng manipis at dinudurog upang madaling matunaw. Hindi ang pulbos na Cocoa Ricoa, at lalong hindi Hershey Cocoa. Antonio de Pueo daw ang brand ng tableya na pinaka-sikat. Ngunit nang magpunta ako sa Davao, nakilala ko ang Davao Cacao. Tingin ko mas puro, mas grainy, mas mapait-pait. Wika nga, it spoiled all other cocoa tablets for me.

Pinalaki ko din ang aking mga anak sa tsokolate batirol. Ang kaibahan lang, hindi kami naghihintay ng Pasko upang makainom nito. Isa sa paborito naming merienda ang donut -- yung prinito na nabibili sa kanto at piso lamang ang isa. Isasawsaw namin ang mainit-init pang donut sa umuusok pang tsokolate. Mmm! Medyo nakakalapnos ng dila pero masarap ang dala niyang init sa tiyan.

Kami, masaya na sa tableya na pinakuluan sa tubig at hinaluan ng gatas at asukal. Sabi ng kumare ko, subukan ko daw lagyan ng dinurog na biscocho. Sa Tsoko.nut Restaurant sa Eastwood naman, sa katatanong, nalaman ko na linalagyan nila ang kanilang tsokolate ng mani at kasoy. Hmmm, mas malasa nga ngunit medyo nakakaumay. Kung may purist sa kape, may purist din marahil sa tsokolate. Ako 'yun.

1995 yata nang magpunta kami ng mister ko sa Davao, kung saan ko nakilala ang masarap nilang tableya. May research ako doon at lumiban siya sa opisina upang tulungan ako sa sandaang interbyu na dapat kong tapusin sa loob ng dalawang linggo. Tumira kami sa Menseng Hotel na hindi pa ang magarang grand hotel na turing sa kanya ngayon. Siempre, hindi kami sa hotel nag-aalmusal. Pa-Jolibee-jolibee lang kami noong una. Di naglaon -- salamat sa kasama kong mas ginustong suyurin ang kasulok-sulukan ng Davao kaysa mag-interbyu -- doon kami sa loob ng palengke nag-aagahan. Order kami ng tsokolate batirol at puto maya (sinaing na malagkit na may budbod na linga). Perfect combination!

Masarap din ang tsokolate sa suman, hot pandesal, biscotcho at biscotti, at ensaymada (lalo na yung Dizon's na tustado sa grill). Sa ngayon, wala na akong mahagilap na Davao cacao. Pag nakakaramdam ako ng di-masaway na paglalaway sa paboritong ito, dumadayo ako sa Dulcinea. Sosyal ang tsokolate nila dahil ang kapartner niya ay churros. Kaya kong ubusin ang dalawang order nito, oo, DALAWA -- isang bagay na pinagaawayan namin ng aking anak na doktora.

Tsokolate trivia
1. In Pampanga, the wisking implement is called batirol while the chocolate itself is known as betirul.
2. Children like to use the batirol as play microphone.
3. Tsokolate is called sikwate in Cebu and most other southern provinces.
4. "My mother ... called the vessel batirol and the wooden implement bolineo/boloneo. We are even apt to describe a curvaceous woman an 'awas daw batirol.'"
5. "Tsokolate is great every morning ... sabaw sa kanin together with budo (burong isda). Kung ang mga Tagalog, nagsasabaw ng kape sa kanin, kami (mga Waray), tsokolate."

More trivia:
1. The word chocolate comes from the Aztec word "chocolatl" which means "bitter water." 
2. The botanical name of the chocolate plant is Theobroma cacao which means "food for the gods." 
3. Cacao is native to American rain forests. 
4. Columbus brought cacao beans to Spain on his fourth voyage in 1502.
4. According to some accounts, the Spanish brought cacao to the Philippines in 1683. 
5. The Philippines is the first Asian country to plant cacao.
6. When feeling low, we can improve our mood by eating chocolate.  It is also said to prevent our skin from ageing.

 

Photo: “A company to warm the heart & a cup of hot chocolate to warm the tummy.” by , c/o Flickr. Some Rights Reserved


Add this page to your favorite Social Bookmarking websites
Digg! Reddit! Del.icio.us! Google! Live! Facebook! StumbleUpon! Newsvine! TwitThis
 
Comments
Add New RSS

Disclaimer: Comments posted here reflect our readers’ views and not the opinion of The Philippine Online Chronicles.

Rachel Yapchiongco 13 March 10, 11:04 PM
Masarap nga ang tsokolate. Tulad mo, gusto ko din inumin ang tsokolate kapag kumakain ako ng suman.

Kakabigay lang sa akin ng kaibigan ko ng isang bote ng tableya. Sabi niya masarap daw yung ihalo sa oatmeal. Masubukan nga.
Write comment
Name:
Email:
 
Title:
Please input the anti-spam code that you can read in the image.

!joomlacomment 4.0 Copyright (C) 2009 Compojoom.com . All rights reserved."

Share on facebook

Buhay Pinoy Videos


Get the Flash Player to see this player.
Disclaimer