Bakit mo titiisin ang init, ang ingay, ang amoy, ang gitgitan, at ang mga bangaw at langaw sa Nepa-Q Mart o sa Farmer’s Market, eh mayroon naming Shopwise at Hypermart, na mabango, malinis, tiyak ang timbang, at kung saan hindi ka na kailangang makipag-tawaran?
Laman ako ng palengke dati-rati. Pagkagaling sa opisina sa Diliman, daan muna ng palengke sa Cubao. Umuuwi akong bitbit ang dalawang mabigat na plastik bag sakay ng dyipni. Kaya yata hindi ako tumaba noong araw. Nguni’t mula nang magtayo ng mall sa may labas ng aming subdibisyon, ang ginang palengkera ay natutong sumampalataya sa 'we got it all for you.'
Nguni’t iba pa rin ang palengke. Binabalik-balikan ko ito … lalo na kung may malaking kainan sa bahay.
Pag pupunta ka ng palengke, dapat maaga! Mas luntian ang mga gulay – kababagsak pa lang. Mas sariwa ang karne – kabubuwal pa lang. Mas mapula ang hasang ng mga isda – kararating pa lang mula fish port. At hindi ka gaanong magpapawis – mababa pa ang araw.
Nasa Farmer’s ako noong isang linggo. Alam mo ba na may Dampa na din doon – yung ‘bilhin mo, iluto ko’ istayl. Maraming kainan, walang iniwan sa food court sa SM o sa Robinson’s.
Akalain mo, may trolley na din sa palengke. Asenso! Humila ako ng isa at tinulak ko pataas sa rampa. Sosyal! Di ko na kailangan ang taga-bitbit.
Diretso ako sa meat section. P170 daw ang kilo ng kasim ng baboy, P280 ang laman ng baka na pang-mechado. Nagbilang ang utak ko. Mas mura ng 15-20 porsyento kaysa sa supermarket. Hindi na masama.
Aba, magaling pa rin akong tumawad! -- walang kiyeme. Iba din siguro ang may gatla na sa mukha at may puti na sa buhok. Bihirang tindero ang pumapatol sa katarayan ko. Pero sa sa totoo, pinalulumanay ko naman ang boses ko, kase mahirap kalabanin ang mga mama at aleng may hawak ng matatalim na kutsilyo.
Iba-iba ang istayl sa tawaran sa palengke. Pero ang unang dapat mong matutunan, huwag kang magtanong kung 'May tawad ba?' Pag pilosopo ang tindero, tutudyuhin ka nya: 'Hindi po naman ako pare.' Sa halip: 'May bawas ba?' O subukan mo ang walang gatol na: 'Eighty pesos na lang, puwede?' Huwag kang magpahalatang nahihiya ka. Iwasan mo din ang pa-humble epek. Kapag sinabi mong, 'huwag kang magalit ha, puwede bang singkwenta na lang,' eh malamang pagbigyan at simangutan ka.
Puwede ka namang mag-bluff, na tila ba naglalaro ng poker. Aalis ka kunwari para maghanap sa iba. Sana pigilan ka. Pero pag hindi, huwag kang magpahalata. Tumuloy-tuloy ka na muna. Bumalik ka na lang pag wala kang mahanap na better deal.
At huwag na huwag mong sabihin: 'Bakit sa Nepa-Q, ganito lang ang presyo nyan?' Pag bastos ang kausap mo, baka abutan ka ng pamasahe papunta duon sa sinasabi mong mas mura.
Noong araw, ang rule of thumb sa tawaran ay pag tinuringan ka ng 200, tuturingan mo naman ng 100. Kalahati agad. Tapos, pataas ka ng pataas ng pa-sampu-sampung piso hanggang mainis sa iyo ang tindera at ibigay na sa iyo, matigil ka na lang. Pero hindi na garapal magturing sa palengke ngayon. Kaya kaunti na lang ang tawaran. Tingin ko, hindi magtatagal, baka fixed price na din. Ay, hindi na exciting. Wala nang challenge.
Ang maganda sa palengke, kahit anong parte ng baka at baboy may makikita ka. Pang-karekare, pang-dinuguan, pang-bachoy, pang-bopis, pang-papaitan. Pati yata pang-soup No. 5.
'Eh utak ng baka, meron kayo?' tanong ko habang tumitingin ng lamang-loob. Matagal na kasi akong di nakakapagluto ng brain omelet (tsalap!). 'Sandali lang po,' pasintabi ng mamang tindero. Walang isang minuto, may dala na syang malaking bungo. Hindi ko na inusisa kung paano niya minadyik.
Nakakaaliw ang mga isda sa Farmer’s. Malaki, maliit, katamtaman. Buo, sliced, panay ulo, panay buntot panay filet, panay tiyan, panay tinik (siguro para kay Muning). May tumpok-tumpok na maliliit na isda na di ko kilala– “P30 lang po.” Hmmm, puede nang pang-ulam kung nagtitipid ka. Para sa malalim ang bulsa, may blue marlin, Norwegian salmon, apahap, lapu lapu, sugpo. Sariwa at di malansa – puedeng pang-sashimi o kinilaw. Lahat ng mahirap hanapin nanduon – lobster, ulang, kuhol, mameng, alamang na pang-bagoong, damong dagat (sea weeds).
Hinihintay ko ang pinakaliskis kong tilapya nang may kumalabit sa akin. Isang batang babae, marahil walong taong gulang. “Bili po kayo sa akin,” sabay taas sa isang plastik ng kamatis na mamula-mula at maberde-berde.
'Magkano?' tanong ko.
'Disi-otso na lang po.'
'Kinse na lang.' Second nature na yata sa akin ang tumawad.
Napanguso ang bata: 'Sige na nga po.'
Inabot ko sa kanya ang bente pesos. Habang nagbibilang ng sukli ang maliit na tindera, may pumitik sa budhi ko. Sabi ko: 'Sige na, Ne’, sa ‘yo na ang sukli,' sabay talikod.
Di ko na liningon ang bata. Nagkamot siguro ng ulo at bumulong: 'May tiwang ang ale.'
Puwera biro, magaan ang loob kong mamili sa palengke. Kasi, naglipana ang mga entrepinoy doon. Micro-entrepreneurs, sa wikang Ingles. Tiyak ko na ang tumutubo ay mga kababayan kong mga masisipag at maliliit na negosyante. Hindi yung mga mayayaman at malalaki na. At lalong hindi ang multinationals.
Dati marami akong suki sa palengke. Minsan, tatawag lang ako: 'Suki, paki-reserba mo naman ako ng goto at bituka. Ipili mo lang ako ng maganda. Papakuha ko sa anak ko bukas ng umaga.'
Ang ayaw ko sa Farmer’s -- napakamahal ng gulay at prutas. Presyong supermarket. Nang itanong ko kung bakit, mahal daw kasi ang puwesto, sagot ng aleng mag-gugulay. Sa luob-loob ko, di ba mahal din ang puwesto sa isdaan dito? Eh, bakit mura ang isda dito? Kung magulay ang pamilya mo, duon ka sa Munoz o sa Pasig o sa Balintawak mamalengke. Ano kamo, taga-Baguio ka? Wow, puwedeng pabili?
Ang ayaw ko sa palengke, kahit digital na din ang timbangan nila, sasabihin lang sa iyo ang suma total ng babayaran mo. Kailangan maki-usap ka pang bigyan ng itemized na listahan. Tapos, siempre, kailangan mong i-audit isa-isa. Eh, hindi naman arithmetic ang favorite subject mo.
Ang pinaka-ayaw ko sa palengke: malutong na malutong ang tawagan ng 'Nanay' at 'Mommy.' Mommy, maganda ang kasim namin. Nanay, sa akin ka na bumili. Che! Anak ba kita?
Sa Hypermart, ang tawag sa akin ay 'Ma’am.'
Photo: “Woman shopping at seafood stall in Pike Place Market, 2001” by Seattle Municipal Archives, c/o Flickr. Some Rights Reserved
Twitter
Digg
Del.icio.us
Reddit
Yahoo
Googlize this
Facebook









