The Philippine Online Chronicles

The POC
Friday
May 25
Home Features Buhay Pinoy Features Sa pagpapalit ng taon

Sa pagpapalit ng taon

new_yearKapag nagpapalit ng taon, marami sa atin ang nagkakandumahog na lapitan ang mga taong may alam diumano sa pagyayakag ng swerte na maging malapit sa atin sa buong taon. Kabilang na dito pag-aalam ng ating Feng shui na nakabase sa taon ng kapanganakan samantalang ang iba naman ay sabik na malaman ang mangyayari sa kanya sa susunod na taon kung kaya’t lumalapit sa mga manghuhula.

Sa araw naman ng pagsalubong sa pagpasok ng taon ay hindi mabilang na bilog na prutas ang nasa hapag kainan, madidikit na pagkain para sa magandang relasyon na pamilya, pinalibutang pera sa paligid upang hindi maghirap at pag-ihip sa torotot upang itaboy ang mga malas o negatibong enerhiya sa bahay. Ang pag-iingay ay ginagawa sa pamamagitan ng mga pagsindi ng mga paputok ay may kaparehong eksplanasyon samantalang ang anuman daw na pakiramdam na meron ka sa araw na iyon ay kinakailangang maganda upang maging maganda ang buong taon sa iyo.

Iba-iba man ang ating ritwal sa pagsalubong ng taon, nananatiling ritwal ang mga ito hangga't hindi ipinagsasabay sa pagbabago ng isip, kilos, at gawa na tunay na makapag-eengganyo ng mga positibong enerhiya bagong taon man o hindi. Samantala, ang pagsulat ng resolusyon bilang kabahagi ng ating ritwal ay may higit na potensyal para sa pagbabagong nais matamo bunga ng ating personal na relasyon sa ating sinusulat at pinapangarap na matupad.

***

Kakain lang ako kapag nagugutom ako. Kadalasan ay kasama ang pagbabawas ng timbang sa mga resolusyon ng karamihan. Numero uno kasing pinoproblema ang pagdagdag ng timbang sa panahong ito kung saan kaliwa’t kanan ang mga selebrasyong dinadaluhan. Sa totoo, ang hindi pa nakita ay ang pagkain kahit hindi naman nagugutom o kaya naman ay pagkain ng higit sa kinakailangan ng katawan.

Susubukin kong unawain ang pamilya ko. Ang hindi pagkakasundu-sundo ng mga kapatid at alitan dahil sa ilang bagay na pwede namang pag-usapan o di naman kaya’y palipasin ay gagawan ng paraan. Ang hindi rin magandang relasyon sa magulang ay susubuking ayusin sa pamamagitan ng pananalamin at pagtingin sa sariling kamalian. Sa paraang ito, naka-sentro ang isyu sa sarili at sa kung ano pa ang pwedeng magawa at kung sakali namang hindi ito maging epektibo ay at least masasabi mong nagawa mo na ang bahagi mo.

Maghahanap ako ng trabahong makapagpapasaya sa akin. Marami ang nananatili sa kanilang trabaho dahil kailangan nila ito. Ang iba’y hindi man masaya ay tinitiis na lamang ang mga tsismoso at tsismosong ka-opisina maging boss na ang akala mo ay nagkakaunawaan kayo dahil halos parehas naman kayo ng eskwelahang pinasukan. Dahil nalulungkot ka at tila hinahatak na lang ng kadena ang iyong mga paa papasok ng opisina, mas magandang tingnan ang iba pang opsyon sa paligid saka magdesisyon. Maganda ring alalahanin na maikli ang buhay para pagtyagaan ang nagdudulot ng sakit sa pakiramdam.

Pipiliin ko ang mga pagkakatiwalaang kaibigan at pahahalagahang mabuti ang mga matitira. Ang iba’y sandamakmak na Facebook friends ang mayroon subalit kagaya nga ng sinasabi palagi, bilang lang din sa daliri sa katawan ang talagang mananatili sa iyo sa oras ng kagipitan. Halimbawa, kapag na-delay ang sweldo mo o kaya naman ay naharap sa isang problema kagaya ng pagkakasakit sa pamilya na nangangailangan ng malaking halaga, iilan lang ang talagang makikisimpatiya sa iyo at tutulong dahil gustong tumulong. Sa mga tutulong at nakidalamhati sa iyo mapa-moral man o iba pang porma ng pagsuporta, pahahalagahan ko sila sapagkat alam kong sila ang tunay kong yaman.

Aalagaan kong mabuti ang mga nagmamahal sa akin. Sa romantikong aspeto ng buhay, palaging kahilingan ang pagkakaroon nito base sa ideyolohiyang nilikha ng isip base sa pelikula, telenovela, librong nabasa, modelong ama o ina. At upang matupad ito, higit ko pang bubuksan ang isip na walang perpektong nilalang subalit may mga nilalang sa paligid na kawangis ng ideyang binuo ng isip mo at ang tanging paraan upang makita sila ay buksan maigi ang puso at isipan. Sa oras na makita sila, aalagaan ang mga ito gaya ng pag-aalaga ko sa mga kaibigan kong sinubok ng panahon at pagkakataon.

Mas mamahalin ang sarili. Sa taong darating, aaralin ko pa ang ilang bagay na dapat kong matutunan. Lilinangin ko ang aking mga talento at ibabahagi sa mga nangangailangan nito. Pagbubutihin ko pa ang sarili upang higit na maging kapaki-pakinabang sa kapwa at sa lipunang ginagalawan. Sa paraang iyon, mas maeengganyo ko pa ang mga positibong enerhiya na pumasok sa lahat ng aspeto ng aking buhay dahil sa kaibuturan ko nananalaytay ito.

 

Photo: “New Years Eve 2010 - Dubai Fireworks” by , c/o Flickr. Some Rights Reserved



Add this page to your favorite Social Bookmarking websites
Digg! Reddit! Del.icio.us! Google! Live! Facebook! StumbleUpon! Newsvine! TwitThis
 
Comments
Add New RSS

Disclaimer: Comments posted here reflect our readers’ views and not the opinion of The Philippine Online Chronicles.

Write comment
Name:
Email:
 
Title:
Please input the anti-spam code that you can read in the image.

!joomlacomment 4.0 Copyright (C) 2009 Compojoom.com . All rights reserved."

Share on facebook

Buhay Pinoy Videos


Get the Flash Player to see this player.
Disclaimer