Uy, ika-28 ng Disyembre na. Mag-ingat at baka ma-Ninos Inocentes ka!
Ano na nga ba ang Ninos Inocentes? Ang Ninos Inocentes ay katumbas ng April Fools Day sa Pilipinas. Kasama pa rin ito sa tradisyong ng Kapaskuhan at ginaganap ito tuwing ika-28 ng Disyembre.
Pero sa totoo lang, hindi masyadong maganda ang takbo ng istorya ng Ninos Inocentes. At ayon sa Wikipilipinas:
Sa ibang bansa, ang tawag sa araw na ito ay Holy Innocents' Day. Ang kuwento ay bumabalik sa panahon ni Haring Herodes ng Judea. Siya ang hari na nag-utos na patayin ang lahat ng batang lalaki mula sa edad na dalawang taon pababa. Nangyari ito dalawang taon makalipas nang mamataan ang Star of Bethlehem. Pinag-utos ito ni Haring Herodes dahil inakala niy na aagawin ng Messiah ang kanyang kaharian. At dahil hindi niya alam kung saan makikita ang batang si Hesus, pinapatay niya ang lahat ng mga batang lalaki sa kanyang lugar. Ang hindi niya alam, ang pamilya ni Hesus ay nakatakas na patungong Ehipto bago pa man nagsimula ang massacre.
Siyempre, ibang tradisyon naman ang nagsimula sa Pilipinas tuwing dumarating ang Disyrembre 28. Sa mga simbahan, may misa para sa mga inosenteng bata na nagsakripisyo ng kanilang buhay para sa bagong silang na sanggol na si Hesus. Meron ding tradisyonal na pamaskong dula sa Maloco, Aklan, kung saan medyo iniba nila ang kuwento. Tungkol pa rin sa pangingidnap ng mga batang lalaki na utos ni Haring Herodes ito, pero ang bagong dula ay may bagong istorya. Ang mga batang kinidnap ay binabalik sa kanilang mga magulang kapag may pambayad na isang sakong bigas o mais.
Sumasang-aryon naman ako na ibahin ang istorya dahil pumapasok pa rin ang tradisyon na ito tuwing Kapaskuhan. Ang ating masayang selebrasyon para sa kapanmganakan ng ating taga-pagligtas.
Mabalik tayo sa aking babala na mag-ingat kapag ika-28 ng Disyrembre. Alam ba ninyo kung bakit? Kasi nga parang April Fool's Day ito sa ating bansa. Sa madaling salita, Araw ng Kalokohan.
Dahil nga Araw ng mga Inosente, naging daan ito upang gumawa ng konting kiliti sa mga taong madaling maloko. Sige na nga, kawawa ang mga taong uto-uto o madaling maniwala sa araw ng ito. At kund hindi mo alam na Araw ng mga Inosente, sa tingin ko, kawawa ka din.
Sa pamilya namin, ang kadalasang naloloko sa araw na ito ay yung mga telebabad. Kunyari ay may tawag sila sa telepono. Siyempre, naka-angat yung telepono na naghihintay sa pagdating nila. Pag angat ng telepono, dial tone ang maririnig nila. Doon na kami sisigaw ng "Happy Innocents Day!" Nakakainis, siyempre, kasi kadalasan may ginagawa sila na iiwan para lang sumagot. Tapos lolokohin lang pala sila! Pero kadalasan ay game naman sila.
Minsang nangungutang kunyari ng pera. Tapos, mag-papasalamat dahil Ninos Inocentes nga naman. Wala nang balikan ng pera. Pero ang kadalasang gumagawa nito ay yung mga kabataan, dahil na rin sa engganyo ng mga matatanda.
Kasama na sa mga panloloko namin ay yung kunyari ay may darating na bsita sa bahay na wala naman. Kami ang kakain ng handa para sa mga bisita. Sarap!
Nung malaman ng mga anak ko ang tungkol sa Ninos Inosentes, ilang beses din nila akong niloko. Pero yung mga inosenteng mga kalokohan tulad ng pagtataguan nila ako. O kaya naman itatago nila ang gamit ko. O kaya naman magda-drama sila sa harap ko.
At hindi sila titigil ng kanilang kalokohan hangga't hindi ko ma-aalala na Ninos Inocentes nga pala. Unfair, di ba? Kasi depat sasabihin agad na Ninos Inocente, pero itong mga anak ko, uutuin ako nang todo dahil hindi talaga sila aamin kung hindi ko malalaman.
Masaya nang ang magdiwang ng Ninos Inocentes kasi dapat creative. Tulad ngayon, nag-iisip na ako kung anong gagawin kong sorpresa sa mga anak ko. Yun ay kung hindi ko malimutan at maunahan na naman nila ako!
Pero, pasintabi lang po, panatilihin nating inosenteng kalokohan ang ating gagawin sa araw na ito. Yung may sayang dulot, yung may kiliti. Iwasan natin ang makasakit ng damdamin, isip o katawan. Dahil ang Ninos Inocentes ay Kapaskuhan pa rin. Give love on Christmas day!
Photo: “A-maze-ing Laughter” by Chris Huggins, c/o Flickr. Some Rights Reserved
Twitter
Digg
Del.icio.us
Reddit
Yahoo
Googlize this
Facebook









