Sa temang Pinoy a
t sa taas ng ating kakayahang panatilihing maging kalmado sa kabila ng mga hindi magandang pangyayari sa ating buhay, ang pagiging malumbay sa kapaskuhan ay tiyak na may matinding dahilan o pinagdadaanan.
Sabi ng nanay ko noon ay dapat daw mag-ingat kapag nalalapit ang kaarawan o din naman kaya ay kapaskuhan. Dito daw kasi ang mga panahon na pinaniniwalang may matinding hamon ng seguridad sa di mawaring pwersa kung saan malaking bilang ng mga tao ang nasasaktan o hindi naman kaya’y namamatay.
Kabilang na dito ang sunog na gumupo sa aming compound noong 1996, kamatayan ng lola at tiyo sa magkahiwalay na taon subalit parehong Disyembre. Ang mga kalamidad naman sa bansa ay di maikakaila kabilang na ang mudslides at pagbaha sa Quezon noong Nobyembre-Disyembre, 2004; Typhoon Reming sa rehiyon ng Bicol noong Disyembre, 2006; Typhoon Lando at Mina (Ketsana) noong Nobyembre 2007; at ngayon naman ang Typhoon Sendong na kumitil ng mahigit 1,000 buhay at ilan pang nawawala magpasahanggang ngayon.
Kung matatandaan rin halos sa pagitan ng dalawa hanggang apat na taon ay mga lumulubog na barko tuwing Disyembre na nagreresulta ng pagkawala ng mga tao sa kasaysayan. Kabilang dito ang bungguang Dona Paz at MT Victor noong Disyembre 20, 1987 sa makasaysayang 4,340 na bilang ng mga taong nalunod; isang ferry na nabangga rin ng isang barkong parkagamento sa siyudad ng Cebu noong Disyembre 1994 na na may lulang 600 pasahero (450 dito ang naisalba); nasunog na punung-puno na MV Kimelody Cristy noong Disyembre 1995; at MV Asia South Korea na lumubog sa gitnang bahagi ng bansa at kumitil sa 51 buhay noong Disyembre 1999.
Totoo man o nagkakataon lang ang mga paniniwalang ito, ang pakiramdam ng mga naiiwan at kahit pa ng mga taong nakabalita sa mga pangyayaring ito ay ganun na lamang. Pakiramdan ng pagluluksa sa tanging panahon ng taon na inaasahang makakapiling ang mga mahal sa buhay dulot ng pinakamahabang holiday ng taon.
Desaparecidos
Ang sabi, wala na daw sasakit pa mawalan ng minamahal sa buhay lalo pa kung nawala na lang sila at hindi mo na nakita pa o makikita pa. Wala daw kasing closure ang ganun kung kaya’t ang hindi mawaring pakiramdam ng sakit ay hindi malaman kung gaano katagal.
Kumpara sa kamatayang alam mo ang kadahilanan tulad ng mga iginupo ng sakit, ang pagkawala ng minamahal at kawalan ng pagkakataon na mailibing ang kanilang katawan ay tila sugat na hindi gumagaling. Walang sapat na kahandaan ang maaaring tumumbas sa mga naging biktima ng mga ganitong sakuna o kahit pa yaong mga nawala dahil dinukot ng kahit na anong pwersa. Ang usapin ay namamalagi sa kawalan at pagkawalan.
Sa isang palabas sa programang pantelebisyon, parang kutsilyong humiwa sa puso nang masaksihan ang pagtangis ni Mang Danny na isang pasahero sa isang lumubog na barko. Kamukha niya rin itong pasahero subalit sinawing palad na nagkahiwalay sila nang akmang magtalunan ang mga pasahero sa tubig. Nawala ang isang anak nito kasama ang asawa habang naiwan naman sa probinsiya ang isa pa nitong anak. Sa kanyang pagdadalamhati ay halos araw-araw siyang pumupunta sa loob ng isang buwan sa rescue site sa pag-asang makuha man lang kahit na ang mga bangkay ng kamag-anak. Araw-araw din siyang nagdadala ng bulaklak upang hilingin sa dagat na iluwa nito ang kanyang mga kamag-anak, masilayan man silang muli saka bigyan ng disenteng libing. Sa pahayag niyang iyon, nasasaad na tanggap niya na ang kamatayan ng mga kamag-anak at ang kawalan ng katawan ng mga ito ang hindi pa niya nareresolba sa sarili na tila mas higit pa sa aktwal na pagkamatay nila.
Hindi rin malayong kwento ang nangyayari sa ngayon sa mga biktima ng Typhoon Sendong na bumagsak sa Cagayan de Oro, Iligan City at iba pang bahagi ng Mindanao. Mapa-sunog man, pagbagsak ng eroplano, paglubog ng bapor, flashfloods, lindol, o kahit ano pang hindi kontroladong pangyayari sa buhay, ang sakit ng pagtama nito sa ibinahaging karanasan ni Mang Danny ay halos walang kaibhan.
Sa ngayon, kaliwa’t kanan ang mga gawain sa pangangalap ng tulong at suporta sa mga biktima ng nasabing Typhoon. Kahit pa nga malayo ang ilan sa nasabing lugar, damang-dama ang nagaganap doon lalo pa’t minsa’y naging pamilyar lalong higit ang mga taga-Maynila noong panahon ng Ondoy. Patuloy pa rin ang paghahanap sa mga nawawalang kamag-anak balot ng pag-asang sila’y makakasamang muli sa Noche Buena at sa pagsalubong ng bagong taon.
Ilang araw bago ang pasko
Hindi madaling ngumiti o magkibit-balikat sa mga nangyayaring ito. Sabi pa nga ng isang kaibigan sa isang mensahe sa Facebook, hindi niya daw kakayaning dumalo sa mga Christmas Party lalo pa’t nagmula raw siya sa bahaging iyon ng bansa. Hindi niya kayang walang gawin o wala ni kahit na anong maiambag para makatulong.
Sa mga misa de gallo ay patuloy na binabanggit ang sakunang ito kung saan nagbibigay ng 10 segundong panalangin ng paghingi ng awa at pag-asa para sa mga nasalanta ng nasabing bagyo. Patuloy rin ang panawagan sa halos lahat ng mga establisyemento (pribado at publiko) na magbahagi ng tulong sa apilang ito talaga ang tunay na diwa ng pasko—ang pagtulong lalong higit sa mga nangangailangan mapa-materyal man o ispritwal na paraan.
Ngayong kapaskuhan, hindi mapipigilan ang pagdadalamhati ng marami nating kababayan. Ang dobleng pait ng pakiramdam ng pagkawala ng mga mahal sa buhay lalo pa sa panahong ito ay magagamot lamang ng panahon at pagkakataon na makapagsimulang muli mula sa tanging naiwan.
Walang nagsasabing madali ang prosesong ito gayun din ang tagal na kayanin ang kalagayang ito. Subalit ang ating patutuloy na paglalakbay na hawak kamay ang bawat isa kasama ang pangakong walang bibitaw ay ang pinakamagandang regalong maaaring matanggap at ibigay ng sinuman ngayong araw ng Pasko.
Photo : From thewatchers.adorraeli.com
Twitter
Digg
Del.icio.us
Reddit
Yahoo
Googlize this
Facebook









