“Saan?”
“Yung dalawang estudyante, tingnan mo super PDA!”
“ Saan ba? Di ko makita sa pwesto ko, tinatamaan ng ilaw”
(Gumalaw sa upuan at umayos para masilayan ang dalawang kanina pa naghahalikan at naghihipuan sa maselang bahagi ng dibdib)
“Ay oo nga! Ano ba ‘yan!”
***
Kinakitaan ng takot sa mga mata ang single mother na kasama nang tanungin ko kung ano ang gagawin niya kung sakaling ang dalagita niya ang nasasaksihan na nagP-PDA sa aming gawing kanan. Kumalma siya at sinabing kung anak niya yun, pupuntahan niya ito at saka hahatakin pauwi. Sinabi ko sa kanya na sa panahon ngayon ang paghatak niya ay maaaring gawing bala pa ng anak niya upang mas lalong gawin nito ang kinakatakutan ng ina.
Ibinalik niya ang tanong sa akin. Sa pagkakataong iyon,mga kapatid kong nakababata ang kunwa’y nasa ganung sitwasyon. Sabi ko ay parehas lang ang gagawin ko sa ginawa niya, liban sa kakausapin ko ito ng mahinahon para mahiya sila.
Ang parehas naming tanong noong oras na iyon ay kung ano kaya ang sasabihin ng mga magulang ng mga iyon kung nasaksihan nila ang nakikita namin. Tila walang konsepto ng ibang tao ang mga estudyanteng ‘yun. Sabi ko kay Nina, mukhang mga hayskul pa lang sila dahil na rin sa hindi pa ganap na pagkakahubog ng kanilang mga katawan – bagay na normal sa yaong mga nasa post -puberty stage pa lamang. Dulot ng pagtatanong ng aming isip, minabuti ni Nina na ikutan ang dalawang batang mahalay na naglalampungan upang alamin kung naka-medyas ang babae. Ang pagkakaroon kasi ng medyas ng babaeng naka-uniporme ay higit sa madalas palatandaan na ito ay nasa mataas na paaralan pa lamang.
Bago pa niya itong tuluyang maikutan, ilang mga dumadaan na ang pabalik-balik at lumilingon upang alamin ang kanilang ginagawa. Sa di mabilang na dumaan sa kanilang harapan, wala ni isa sa kanila ang sumita at para bang sila mismo ang nahihiya sa nakikita. Nahiya kaming tingnan sila noong una subalit lubos na kapansin-pansin ang kanilang ginagawa na kulang na lang ay maghubad sila.
“Bakit kaya ‘di na lang sila mag-motel?”
“Friday ngayon, malamang ubos na ang baon nila.”
“Manood na lang kaya sila ng sine para dun na lang sila.”
“Ano ka ba! Pag nanood sila ng sine, 360 php din yun eh mayroon namang 300 php lang na short time eh!”
Inikutan ito ni Nina at tinitigan pa. Sa isip ko, “Hoy Nina, anong ginagawa mo!?! Ba’t binalikan mo pa?” Pagbalik niya ay kinumpirma niyang hindi ito mga hayskul students. Naka-hood din ang lalake kaya di niya gaanong nasilayan ang mukha nito. Ang babae naman ay mukhang ‘di pa nag-dedebut. Gusto nya daw pagsabihan bilang ina subalit natigilan siya saka bumalik sa aming pwesto.
Seryoso naming pinag-usapan ang konsepto ng PDA, sa kung ano ang mga parameters nito at kriterya para sabihing PDA nga isang aksyon na nagpapakita ng affection. Minsan kasi, may nagsasabing ang ultimong paghalik sa labi ay halimbawa na ng PDA samantala ang iba naman ay hindi sumasang-ayon dito. Sinasabi ng ilan na PDA ang isang aksyon kapag mayorya ng mga nakakita ay nalalaswaan o nahahalayan sa nasasaksihan. Sintomas din nito ang pakiramdam na ikaw mismo ay ayaw mo nang tingnan kasi nahihiya ka para sa kanila – bagay na naramdaman namin nung mga oras na iyon.
Subalit kelan ba nagiging malaswa ang malaswa sa kulturang Pilipino? Malaswa na ba ‘pag nasa parke, sa mall, sa sinehan, sa pribadong sasakyan, sa dyipni o bus, o sa kung saan man na may access ang karamihan?
Sabi ni Nina, yung mga nag-P-PDA daw, ay hindi talagang in love base sa kanyang nabasa. Nag-P-PDA daw kasi sila para kumbinsihin ang sarili na naroroon nga sila sa estado ng pag-ibig sa pamamagitan ng madalas na pagpapakita ng kanilang affection. Yung mga tunay na in love daw ay di kailangan nito dahil wala silang dapat kumbinsihin o hindi na nila kailangang kumbinsihin ang kanilang sarili na nagmamahal nga sila. Sa katotohanan, may mga nagmamahalan na hindi kailangan magkita o kaya naman ay hindi nakakaramdam ng pangangailangang ipangalandakan ang relasyon na kinasasangkutan.
May punto ang nabasa niyang iyon at sa isip ko, magandang ibahagi sa mga estudyante ang teoryang iyon. Ilang minuto pa matapos ang diskusyon na iyon ay ako naman ang umikot upang makita sila nang malapitan. Nakakandong nang paharap ang babae sa kapareha kaya mas lalo akong nahintakutan. Di ko alam kung bad timing o wrong timing ako na yung eksenang iyon ang nasasaksihan pero dahil andun na, nasa isip ko na lang na sana ay mapagtanto nilang sila ay nasa gitna ng isang mall na kaliwa’t kanan ang naglalakad na mga tao na kanina pa kating-kati na pagsabihan sila o paaalahanan man lamang na wala sila sa pribadong sitwasyon.
Hindi kaaya-aya ang pakiramdam ko pagbalik sa kinauupuan. Muli kong naisip ang tanong ni Nina tungkol sa kung paanong magre-react kung malapit sa puso mo ang mga nag-P-PDA. Pihadong walang sumuway sa kanila dahil wala sa mga nakasaksi ay kakilala sila. Mas lalong sumama ang pakiramdam ko dahil wala akong nagawa dahil sa nagtatalong argumento sa isip patungkol sa pakikialam at pagiging may pakialam. Paano yun kung isa yun sa mga kapatid ko ang nasa sitwasyon at wala din sumuway o nagpa-alala dahil nadaig sila ng parehas na argumento?
Di nagtagal ay umalis na ang dalawa at nagmamadaling nilisan ang pook. Nawala sila subalit hindi ang iniwang pagkabahala sa aming isipan. Sa katotohanan, ibinahagi ko pa ito sa mga kaibigan upang hingan ng opinyon ukol sa isyu ng PDA. Hati ang mga sinasabi nila subalit parehas na nagkakasundo sa konseptong walang masama sa hayagang pagpapakita ng affection sa kapwa; ang pagiging malaswa nito ay nakaayon pa rin sa mga nakakasaksi nito at sa kanilang lenteng ginagamit sa pagbasa sa mga nasasaksihan. Maaaring sa kulturang kinalakhan namin ni Nina sampu ng mga miron na nakakita ay stunning PDA moves ang mga iyon samantalang sa iba ay normal lang ito at hindi malaking isyu.
Stunning kasi eh…
Twitter
Digg
Del.icio.us
Reddit
Yahoo
Googlize this
Facebook









