Mana-mana lang yata yan.
Kasi naman, ang nanay ko pati na ang mga tiyahin ko na nakatira sa malapit sa amin, pati na yata lahat na yata ng kapitbahayan namin – lahat Noranian.
Edi pati na tuloy ako. Mas gusto ko si Ate Guy kaysa kay Ate Vi. Mas pabor sa akin ang mga pa-kyut ni Ate Guy, kaysa kay Ate Vi. Oo nga pala, ang mga fans ni Vilma Santos ay Vilmanian naman; dahil siyempre kilala ang mga fans ni Nora Aunor (tunay na pangalan: Maria Leonora Teresa Cabaltera Aunor) sa bansag na Noranian.
Pero hanggang doon lang naman yun. Hindi ako miyembro ng mga fans club, ni hindi ako nagkokolekta ng mgapictures at cut-outs ng mga magazine at newspaper articles nya, minsan lang din ako manood ng pelikula nya, at ang mga guestings nya sa mga shows ay napapanood ko lang dahil nga dun nakatutok ang telebisyon namin dahil sa nanay kong tunay na Noranian.
At hindi rin ako bumili ng mga records nya, naririnig ko lang ang mga kanta nya dahil sa nanay kong parating nakatutok sa isang AM station na Noranian na Noranian talaga. Kasi naman ang host dun ay si German Moreno na kilala naman sa tawag na Kuya Germs. (Di ba ang kay Ate Vi naman ay si Ike Lozada ang parating katabi?)
Pero teka lang, kung Noranian man ako dahil sa simpatiya ko sa nanay ko – ito ay normal na pagiging fan lamang.Dahil meron akong mga kilalang super solid Noranian. Tipong die-hard Noranian talaga. Si Mor na naging superbisora ng isang tindahan na nagdedevelop at nagbebenta ng mga films.
At dahil films at developing nga ang nasa tindahan nya, talaga namang tambak ng lahat ng klaseng litrato ni Nora Aunor ang kanyang tindahan. Hindi lang yun, nandoon din ang buong angkan ni Ate Guy – si Lotlot de Leon, si Matet de Leon, si Ian de Leon, at pati kamo ang ex-husband na si Christopher de Leon at ang manikang si Maria Leonora Teresa. Isama pa natin ang mga litrato ng lahat ng naging tambalan ni Ate Guy lalo na sina Tirso Cruz III, Richard Merck, at Phillip Salvador.
At siyempre, kapag may napapadaang fans ni Ate Guy – walang katapusang kwentuhan ang mangyayari. Ang daming chika tungkol sa kanilang idolo, akala mo talaga, bestfriend nila si Ate Guy. Alam nila halos lahat ng galaw ni Ate Guy, feeling ko nga minsan meron silang inside information e. Pero sa totoo lang, sa mga die-hard Noranian –bestfriend talaga ang turing nila kay Ate Guy.
Sila yung mga tipong may sandamukal na koleksyon ng mga fan articles ni Ate Guy. Sila yung may mga posters ng lahat ng mga pelikula ni Ate Guy. Sila yung mga may photo albums na halos lahat ng pictures ay andun sila kasama si Ate Guy – at may mga autograph mismo ni Ate Guy. Sila yung pipila ng maaga sa sinehan kapag opening night ng mga pelikula ni Ate Guy. Sila yung susugod sa mga radio o television stations para suportahan ang mga guesting ni Ate Guy at meron silang dalang banners talaga ha (Solid Noranians, Noranians Forever, Noranian Calamba Chapter, atbp). Sila yung mga bibili talaga ng plaka/cassette/CD ng mga kanta ni Ate Guy at papakinggan ang mga ito ng walang katapusan. Sila rin yung mauunang maiinis, magtatanggol, at makikipag-away kapag inaapi ang kanilang idol. At siyempre, sila din ang unang nagsasaya kapag masaya ang kanilang idol!
At meron pa akong nakilalang extreme Noranian. Professional ang lalaking ito. Nagtatrabaho sa Makati. Hindi ko matandaan kung bakit napunta sa pagiging Noranian ang usapan namin pero umamin sya na forever Noranian sya. Tinanong ko sya kung papano nya nasabing Noranian talaga sya. Ang sagot nya? Pinapakita daw nya sa idol nya ang kanyang suporta sa pamamagitan ng araw-araw na panonood ng mga pelikula nito!!! As in, araw-araw daw talaga nyang pinapanood yung parehong pelikula dahil gusto nyang parating box office hit ang mga movies ni Nora Aunor! At hindi daw sya nag-iisa. Halos lahat daw ng Noranians kadalasan pa-grupo-grupo talagang sumusugod sa mga sinehan at uulit-ulitin ang panonood nito hanggang sa hindi na ito nakabandera sa kung saang sulok man na sinehan!
Kasama pa nito, lahat ng magazines na may cover si Ate Guy, meron sila. Ang pader ng bahay nila panay posters ni Ate Guy. At siyempre, hindi sila naniniwala sa mga bad news tungkol kay Ate Guy.
Kakaibang Noranian talaga ang mga ito!
Pero minsan isang araw ay muntik na rin akong maging true-blue fan ni Ate Guy. Dahil nga doon kay Mor. (Naku, kunyari pa daw ako!) Niyaya sya ng isang Noranian na sumama sa isang pagtitipon. Magtatatag daw sila ng bagongfan club ni Ate Guy at pwede daw mag-imbita! Naku, pagkakataon ko na siyempre. Noong mga panahon na iyon ayfreelance writer ako para sa isang Pinoy magazine sa Japan, at kapag nandoon si Ate Guy, baka pwedeng ma-interview na rin sya. (At pa-picture na rin siyempre!)
Sobrang excited naman daw ang mga Noranian sa bahay namin. Huwag ko daw kalimutan magpa-autograph, huwag ko daw kalimutan magpa-picture. Paki-kamusta na lang daw si Ate Guy (may ganun?). Bitbit ko ang isang maliit na bag na andun na pati yung aking ballpen at pad paper – sumama ako sa mga Noranians. Ang hindi ko alam, sa mismong bahay pala ni Ate Guy kami pupunta! Hindi ko alam kung ilang dyip at bus ang sinakyan namin; hindi ko rin alam kung ilang beses kaming nag-antay para tagpuin ang iba bang kasali sa bagong fan’s club na itatatag – basta ang alam ko, nakarating kami sa bahay ni Ate Guy makatapos ang mahabang lakaran.
Siyempre hindi naming agad nakita ang superstar. Kasi marami pang mga inantay. Nung dumating na ang lahat, lumabas na si Ate Guy at may kasama—ang kanyang ka-love team at tunay na kasintahan nung mga panahon na iyon, si Juan Rodrigo. At dun ko lang din napansin yung banner. Ang nakalagay: Guy and Juan Fans Club!
Oo,nandoon ako nung induction ng officers ng Guy and Juan Fans Club. Asan na kaya sila ngayon? Anyway, pagkatapos ng induction at speeches; oras na ng pagkain. Ang handa ay dala ng mga fans din. At doon na rin ako nagkaroon ng pagkakataon na kausapin si Ate Guy kung pwede ko syang ma-interview. Bagamat nag-gate crashlang ako nung araw na iyon, nag-paubaya naman sya. At hindi ko makakalimutan ang picture-taking! ABa, mas matangkad pala ako kay Ate Guy, ng mga ilang centimeters lang naman. At nakita rin naming si Matet na sikat na sikat din noong mga panahong iyon.
At alam ninyo, dahil napasarap ang party; inabot kami ng medaling araw sa bahay nya. Ang bait ni Ate Guy, doon nya kami lahat pinatulog sa bahay nya. Pagod pero masaya naman. At ibang Ate Guy ang nakita ko doon. Kapag sa mga fans nya, iba talaga ang turing nya. Kaya naman mahal na mahal siya ng mga ito.
Anyway, nung hindi na masyadong ma-ingay ang presence ni Nora Aunor sa showbiz; akala nyo ba ay nawala na rin ang mga Noranians? Hindi po. Nandyan pa rin sila. Basta suporta ang kailangan ni Ate Guy, mag-iingay ang mga Noranians.
Iba kasi daw ang naibigay ni Ate Guy sa Showbiz. Iba kasi daw ang naibigay sa kanila ni Ate Guy bilang idolo nila. Kakaiba naman talaga ang narating ni Ate Guy. Kaya bilib pa rin ako sa kanya, Noranian pa rin ako. Kahit ano pa.
Photos: from the photo album of Raquel Erhard
Twitter
Digg
Del.icio.us
Reddit
Yahoo
Googlize this
Facebook









