Maglalabing-limang taon na ang nakalilipas mula ng tupukin ng apoy ang compound na tinitirhan subalit ang grapikong alaala nito ay hindi maalis sa isipan na kasing lebel ng unang karanasan sa kahit na anong bagay.
Epikong maituturing ang labanang Alaska at Ginebra kung kaya’t ang ingay ng sigawan sa paligid ay natural pa sa normal na naririnig. Ang pagkahilig ng mga Pinoy sa larong basketbol at sugal na ending o kaya naman ay pustahan sa kung anong grupo ang magiging kampyon ay nakapagtago ng pagsiklab ng apoy sa kabilang compound. Alinsabay ng sigawan at hiyawan sa mga nasa loob ng compound na maaaring matupok sa akalang walang masamang nangyayari sa paligid, nagising ako mula sa mababaw na pagkakaidlip dulot ng pagod sa maghapong klase sa paaralan.
Classic movie
Kagagaling ni Mudra sa Cubao upang paghandaan ang nalalapit na binyag ng bunsong kapatid nang utusan niyang silipin ng isa pang kapatid ang walang tigil na eksaheradong hiyawan na nagmumula sa labas. Ika-13 na iyon ng Disyembre at kasabay sa pagpapanganak ni Hesus, sa araw ng Pasko bibinyagan ang aming bunso .
Nakapagdududa ang hiyawang iyon dahil hindi naman ganon katuluy-tuloy ang eksena sa basketball court na pwedeng magsustena sa hiyawan sa loob ng limang mahabang minuto.
Sigaw rin ang naging kasagutan ng nakababatang kapatid at ang mabilis na reaksyon upang lisanin ang kinalalagyan ay nagdulot ng ilang pilat sa paa at kamay ng mga tumatakbo palabas dahil sa nasusunog na kable ng kuryente. Tumigil sa daan palabas ang kapatid kong iyon dahil sa hindi niya nakikita ang ina na nakasunod kung kaya’t mas lalo kaming napailalim sa natutunaw na kableng nilalamon ng apoy.
Tumulo ang isa sa binti at sa kanya nama’y sa braso. Nang mga oras na iyon, tanging paglabas sa mabilis na natutupok na compound ang aming nasa isip kung kaya’t pilit na hinatak palabas ang kapatid na gulat at nangangambang hindi makita ang ina palabas.
Ilang metro lang ang inilayo ay mala-pelikula ang mga sumunod na nasaksihan. Mala-bolang apoy ang lumamon sa mga kabahayan na sa pelikula lang nakikita. May pakiramdam na mga artista kami sa pelikulang iyon na bagaman natural ang pag-arte ay walang pahintulot na maging bahagi ng nakapapaos na sigawan hanggang madaling araw. Wala ng boses ang lahat. Wala na ring enerhiya upang magkaroon ng positibong pag-iisip na sana’y hindi nadamay ang tahanang naging saksi sa aming paglaki.
Tinawag na ang lahat ng Diyos at santong kilala maging ang walang tigil na pagdarasal ng Santorosaryo ng lahat ng mga nasa paligid. May mga nagmumura, nagagalit, umiiyak, nangangamba, naghihinayang samantalang ang iba namang kinabukasan na dumating mula sa trabaho ay napaluluhod na may galit na tanong sa langit sa kung bakit nangyari ang ganoon.
Ang maysala
Malaki masyado ang apoy para matantya ang laki ng pinsalang idinulot. Matapos maapula ang apoy at hindi maawat na paninisi sa tagal ng mga bumberong dumating, ang susunod na pinagtuunan ng pansin ay kung ano at sino ang dahilan ng masaklap na karanasan.
Katulad ng maraming sinasabing pagpapalagay sa dahilan ng sunog, oktopus na kuryente ang unang dahilan pangalawa sa naiwang kandila o gasera. Talamak noon ang black-out dahil sa kakulangan ng suplay ng kuryente kung kaya’t karaniwan ang ganoong kadahilanan. Dahil na rin may kuryente ng mga oras na iyon patunay ng hiyawang may kinalaman sa larong basketbol, tinantya ng lahat na naiwang kandila matapos ang pot session ang dahilan ng sunog.
Sinugod siya ng mga kapitbahay. Ang pinsan ko na crush ang gwapong binatang sinisisi ng lahat ay kinapootan at sinumpa. Nabugbog siya ng ilan subalit madaling naawat kaya hindi napuruhan. Hindi naman siya lumaban ni nagwika ng isang salitang kukumpirma o mag-dedeny sa tamang hinala ng mga nasa paligid.
Marahil ay guilty ang kabataang sangkot, nilisan nila ang pook magmula noon kahit pa pagmamay-ari nila ang lupa. Matindi at hindi maawat na galit ang nararamdaman ng mga tao kung kaya’t hindi nito magawang tumuntong sa lugar. Ang nabalita ay hindi hinatian ang magulang niya sa lupa bunga ng nangyari at hindi naman sila na naghabol.
Jumpstart
Malumbay ang paskong iyon. Ang hirap maging masaya lalo pa’t ang iba mong kamag-anak ay alam mong panandaliang nanunuluyan sa iba’t-ibang lugar habang pinipilit na ngumiti sa mahalagang araw na iyon para sa mga Kristiyano. Pinilit ng lahat na maging masaya lalo pa noong unang araw sa pagpasok ng taong 1997.
Sa paniniwala, kailangan na masayang pakiramdam ang dominanteng emosyon upang ang positibong enerhiya ay maakit sa loob ng taon. Pinilit pa ring gawin ang mantra sa pag-akit ng positibong enerhiya hanggang sa mga sumunod na taon at isang taon pa muli ang binilang hanggang tuluyang natayuan na ng mga bahay ang bakanteng maitim na lote dulot ng sunog.
Higit na maayos na ang lugar kumpara noon na klasikal na gawa na dalawang palapag na kahoy ang mga bahay. Tatlong palapag na ang mga iyon na gawa sa konkreto. Mataas din ang firewall ng magkatabing compounds.
Mas paranoid na ang mga tao sa mga sigawan kumpara noon na may mga pag-aakalang normal lang ang ingay sa paligid. Kaunting ingay lang ay lumalabas na ang lahat bitbit ang isang bag ng mga papeles o anumang materyal na kayamanan. Matagal ding panahon ang binilang para mabanggit ang karanasang iyon na hindi na mapait ang tugon ng mga nadamay. Higit sa lahat, mas maingat ang lahat sa paggamit ng apoy lalo pa sa maling paggamit nito upang tugunan ang bisyong bumura ng pisikal na alaalang hinding-hindi mapapalitan.
Literal man o metaporikal, isang awtomatikong pagsasabuhay ang pagpatay ng apoy at paghahanap ng usok bago pa man ito manira ng ipinundar na pagkakakilanlan.
Photo: “House in flames” by , c/o Flickr. Some Rights Reserved
Photo: “temple burn #3” by , c/o Flickr. Some Rights Reserved
Twitter
Digg
Del.icio.us
Reddit
Yahoo
Googlize this
Facebook









