Ika-26 ng Setyembre. Alas sais ng umaga. Walang tigil ang ulan. Hindi naman malakas, kaya lang tuloy-tuloy. Tumataas na rin ang tubig sa garahe namin. Pero tuloy ang lakad namin. Ako, ang nanay ko, ang tiya ko (kapatid ng nanay ko), ang kapatid kong babae at ang aming drayber sakay ng isang van. Galing kami ng Paranaque papuntang Pasig. Umalis kami ng alas otso ng umaga. Nakabalik kami sa bahay kinabukasan na, alas dos ng madaling araw. Inabot kami ng 18 oras sa daan.
Nangg gumabi, kami ay hindi na makagalaw sa bandang E. Rodriguez, Jr. Avenue. Salamat na lang at nakahanap kami ng parking area na mataas at ligtas.
Naiwan sa bahay ang aking asawang Aleman at ang dalawang maliliit kong mga anak. Mabuti may isang kasama sa bahay.
Ilang beses ng tumawag sa akin ang aking asawa upang mag-report kung gaano na kataas ang baha. Kakaibang pasalamat ang naramdaman ko sa aking mobile phone dahil talagang naging importanteng gamit sya sa mga oras na iyon (mabuti na lang at fully-charged iyon). Unang tawag nya ay hanggang tuhod na daw ang baha sa garahe. Medyo kalmado pa. Pangalawang tawag nya ay pinasok na daw ang sala, nagpapanik na nang konti. Pangatlong tawag nya ay resignation na ang tono ng boses nya kasi pati ang kusina ay lubog na. Lumutang na daw ang freezer, ref, pati ang washing machine at dryer. Wala na daw magagawa pa kundi itaas na lang ang pwedeng itaas. Kasama na dun ang dalawang bata na nagiiyak daw sa takot.
Kakaibang experience ito sa kanila dahil halos wala pa kaming tatlong buwan na nakatira sa Maynila nang nangyari ang Ondoy. Sa katunayan, kadarating pa lamang ng 20 ft. container na naglalaman ng mga kagamitan namin na galing sa Alemanya. . Katatapos pa lamang naming ayusin ang mga gamit sa loob ng bahay. Mabuti na lang at naiakyat na ang mga iba pang importanteng karton na kinapos na ang oras para buksan.
Kabibili pa lamang namin ng sala set, ng two-door refrigerator, ng washing machine, ng water dispenser, ng guest bed at night tables. Binalak naming bumili ng sasakyan, mabuti na lang, balak pa lamang iyon. Kundi… ayaw ko ng isipin pa.
Na-trauma ang mga anak ko. Ayaw na nilang bumalik sa bahay namin. Na-trauma din kaming mag-asawa. Dahil masama din ang naging experience ng asawa ko nung tinaboy sya ng ng mag tao sa bahay ng landlord naming nang humingi sya ng tulong habang tumataas ang baha – wala na talaga kaming choice kundi iwanan na ang bahay. Lalo pa at ni ha ni ho ay wala kaming narinig sa aming landlord pagkatapos ng Ondoy. (Kung bahay paupahan nyo iyon, hindi nyo ba pupuntahan o kahit na tawagan man lang at kamustahin ang mga nakatira dun?) Mabuti sana kung ang layo ng bahay nila, e isang kanto lang ang layo!!!
Anyway, tinanggap namin ang aming kapalaran. Sa tulong ng mga tunay na kaibigan, mga kamag-anak at kaibigan ng mga kaibigan… nakahanap kami ng bagong bahay halos dalawang linggo pagkatapos ng Ondoy. Naglipat-bahay kami. Pero bago kami nakahanap ng bagong bahay? Talagang tiningnan naming kung nadamay ang kalye ng Ondoy. Inusisa namin ang mga kapitbahayan kung binaha din sila. Pinagtanong-tanong sa mga kakilala at sa mga taong nakatira sa malapit duon kung ano ang karanasan nila nuong Ondoy. Nanigurado na kami. Kung pwedeng iwasan ang baha, edi iwasan, dib a?
Inayawan na namin ang mga kasangkapang bago man, ay sinalanta na ng Ondoy. Pinamigay namin ang mga kagamitang galing pa sa Alemanya pero bumigay sa kabig ng tubig. Iniregalo ang mga kasangkapan na pwede mang ipakumpuni ay ayaw na ring makita dahil gusto ng makalimutan ang masamang karanasan. Kahit na masakit ay iniwan na din sa ibang kamay ang mga gamit na minana pa sa kanuno-nunoan. Bagong buhay, bagong bahay.
At dahil nalaman din namin na lapana ang sakit na Leptospirosis – hindi na rin namin ginalaw ang mga stock na pagkain nga hinaplos ng tubig ng baha. Kahit na de lata pa ito o naka-plastik pa sya. Nakakatakot na ang kalusugan pa ang bumigay pagkatapos ng lahat.
Muntik na rin naming abandonahin ang washing machine, ref, dryer, freezer at water dispenser. Pero nag-pursige ang mga kasama namin sa bahay. Pinatuyo ang mga ito sa pamamagitan ng salitang pamaypay at hair dryer. Pagkatapos ng dalawang araw ay ayun, parang walang nangyari dahil gumagana ulit sila!!!
May mga sumunod na bagyo pagkatapos ng Ondoy. Andun yung sobrang lakas ng hangin na halos humampas ang isang malaking puno sa bagong bahay na inuupahan namin. Andun yung mawalan ng kuryente nang dalawang araw. Pero wala ng takot. Wala ng panic. Fascination na lang ang mga sumunod na bagyong nangyari. Pinapanood na lang namin. Dahil wala na yatang ga-grabe pa sa nangyari sa amin sa Ondoy.
Pati ang mga bata, kapag lumalakas ang ulan at nakikita nilang napupuno ng tubig ang mga kalsada, hindi sila nagtatanong kung Ondoy ulit. Pinagmamasdan lang nila kung papano ang reaction ng mga taong nasa kalsada. At yun ang nagiging palatandaan nila kung grabe nga o hindi ang ulan. (Alam nyo naman sa atin, mas maraming naliligo sa ulan o kaya naman walang bahala pa rin ang pagsugod ng mga tao sa baha kahit na may warning na nga ng Leptospirosis.) Cool na lang din sila.
Pero sa totoo lang, kapag nagsabi na sa balita na may bagyong darating? Cancel na ang lahat ng lakad namin. Sa bahay na lang. Kung hindi man pwedeng ma-cancel, sinisiguro naming ang dala naming cooler sa sasakyan ay may lamang sapat na tubig at pagkain tulad ng mga kendi, biskwit at tinapay.
Actually, sanay naman kaming may dalang cooler na may sapat (o kahit sobrang dami) na tubig sa sasakyan, pero madaling maubos ang merienda kaya dapat parating may pang-replenish. Nagdadala na rin ako ng kumot at unan. Pati na pamunas at lumang diyaryo (baka sakaling kailanganin din para pamunas ng windshield!!). Andun na rin ang flashlight at batteries, at siyempre, sinisigurado kong may sapat na load at fully- charged ang aking mobile phone. Naghahanda din ako ng isang maliit na emergency kit na may lamang swiss knife, mini sewing kit, at band-aids. Dagdagan pa ng pocketbooks para sa akin at coloring materials para sa mga anak ko. Girl scout na girl scout talaga.
At sa bahay naman, parating may stock din ng pagkain. Pati na ang tubig dahil baka wala ding delivery ang mga water stations. Inalam ko rin kung saan sa malapit sa amin ang brown-out free establishments – restaurants, water stations, grocery stores, pati nga spa at wellness clinics kamo.
Alam ko kung saan nakalagay ang mga kandila pati na ang mga posporo. May kanya-kanyang flashlight sa bawat kwarto, at may mag nakakalat na candle holders na may kandila siyempre sa bawat palapag (may katabing posporo pa). At alam ko na rin kung papano i-turn off ang kuryente kung sakaling kailanganing gawin ito (dati wala akong paki-alam). At alam na rin naming lahat kung anong importanteng telephone numbers ang tatawagin kung sakaling kailangan ng tulong.
Sa aking palagay, dalawang taon pagkatapos ng Ondoy? Hindi panic, kundi paghahanda ang naging bunga nito. Natuto na tayo, di ba?
Sigurado hindi lang kami ang ready sakaling mangyari ulit ito -- kundi ang buong sambayanang Pilipinas ay handa na kapag may darating mang ganitong bagyo ulit. Pati ang national at local governments, at ang tagapamahala ng mga dams at waterways. At sana, tama ako sa aking pahayag na ito.
P.S. Isang mahalagang natutunan ko din sa Ondoy? Ilagay sa pinakamataas na bahagi ng bahay ang mga photo albums at mahahalagang papeles (kung pwede ilagay sa waterproof bags para tiyak na hindi mabasa)!
Photo: “DSCF8042” by , c/o Flickr. Some Rights Reserved
The author blogs at Home Worked and Deutschland in Review
Twitter
Digg
Del.icio.us
Reddit
Yahoo
Googlize this
Facebook









