The Philippine Online Chronicles

The POC
Friday
May 25
Home Features Buhay Pinoy Features Sikretong malupit ng batang lumaki kapiling ng mga adik

Sikretong malupit ng batang lumaki kapiling ng mga adik

drug_addictionPagkalulong sa droga ang isa sa mga itinuturing na dahilan ng pagkawasak hindi lamang ng buhay ng taong lulong sa bisyong ito kung hindi maging ng pamilyang maaaring umaasa sa kanya o kaya nama’y inaasahan niya na sasalo sa kanya sa mga oras na balisa ito dulot ng kakulangan ng tulog, pagkain, atensyon o ng mismong drogang kinalululungan.

Hindi bago ang eksenang ito sa mga batang kinalakhan ang ganitong reyalidad sa paligid kung saan nagbunga ito ng mga karanasang paulit-ulit na gumuguhit sa kasaysayan. Masakit man ang maraming ending ng istorya nila, ang mga pagsubok na kinakaharap ng henerasyon ay patuloy na nakaamba hanggang hindi tuluyang nabibigyan ng tuldok ang siklong ito.

 

Drug mules

Iba-ibang malikhaing paraan ang nauso upang makarating sa mga “kustomer” ang gramo ng shabu na binibili. Malikhain dahil sa isang pikit lang ay natapos na ang transaksiyon kung saan tiba-tiba na naman ang kita.Kabilang na dito ang paggamit sa mga kalapati sa paghatid ng droga gayundin ang mga batang walang muwang na parang inutusan lang bumili ng suka. Mala-pyesta din matapos ang bentahan dahil nabibili nila ang lahat ng nais na para bang kaya nilang magpa-instant birthday party sa kalye.

Kaliwa’t kanan ang raids sa kantong iyon. Hindi na rin bago ang biglaang pagpunta ng mga pulis at pulis-pulisan upang dakpin ang mga nagbebenta kung saan pinakamabilis na ang 12 oras na pagkakadetine. Sabi ng mga mismong nahuhuli, nagbibigay lang sila ng ‘lagay’ na hindi bababa sa singkwenta mil (50,00php) ay balik na naman sa normal na transaksyon ang mga sangkot. Kagaya ng pagkaadik sa “ikinabubuhay” ang mga nagbebenta nito, siklo na rin sa mga ilang alagad ng batas ang panghuhuli at pagpapakawala sa kanila matapos magkasundo sa presyo.

Mala-factory ng mga sanggol ang naturang lugar. Hindi bababa sa apat ang bilang ng mga anak. At dahil bata nag-asawa ang mga kabataang iyon na may mga magulang na iyon ang ikinabubuhay, hindi na rin bago ang malamang buntis na naman sa ika-anim o ika-pitong sanggol ang isa sa mga inang nasasadlak sa ganoong sitwasyon.

Kinalakhan na ang ganoong pangyayari na parang walang mali sa ginagawa kagaya na lang ng ideya ng paggamit sa sariling anak bilang tagapagdala ng mga ilang gramo ng droga na siyang mag-aabot sa mga nais bumili. Katulad ng mga batang nagtitinda ng sampagita ganun ang kanilang ginagawa liban sa ang ilang mga napag-utusan ay wala talagang muwang sa kung anong bagay ang iniaabot nila sa taong itinuro ng nag-uutos sa kanila.

Magkapatid na kinalakhang ang droga

Nagigising sa umaga sa ingay ng komosyon kapag may raid at biglaang pagtakbo ng tsimoso at tsismosa sa lugar, ang putok lang ng baril ang tanging nakakapigil sa mga tao para hindi lumabas ng bahay kapag may raid. Kapag may mga tinatamaan ng sumpak o malalaking bato o bote na dating pangunang panglaban ng mga grupo ng mga taong ito, mabilis pa sa alas-kwatro ang mga tao sa pagtatago at muling paglabas kapag naramdamang humupa na ang tensyon. Maging ang habit na iyon ay naging isang adiksyon na kinasanayan na ng mga nasa paligid.

Payat na payat si *Geron at kahit tsinelas ng kapitbahay ay kinukuha para ibenta. Lahat ng pwedeng ibenta sa bahay nila ay naibenta na niya at masakit na rin ang ulo ng magulang niya sa kasasaway sa kanilang magkapatid. Parehas silang lulong na sa droga at hindi naman sila nagbebenta kung kaya’t mas mahirap masustena ang bisyo. Hindi tulad ng mga pusher at user din, mas may kakayahan silang isustena ang bisyo na hindi nangangailangang magnakaw, mang-snatch o magbenta ng kung anu-ano.

Wala na silang ipin pareho, baby pa nga ang tukso sa kanila ng mga kamag-anak dahi hindi pa daw sila tinutubuan ng ipin. Minsan naman ay Combantrin ang tawag dahil sa kapayatan subalit may gana naman sa pagkain. Ipinapalagay na may bulate sila kahit pa ang totoong dahilan ay ”amats” (tama o epekto) ng drogang kinalululungan. Dilat ang kanilang mga mata at mapupula pa na parang bilasang mga isda sa palengke at kung hindi mo sila kakilala, matatakot kang lapitan sila dahil na rin sa puwede nilang gawin lalo pa sa panahong desperado silang makahithit kahit na ilang saglit lang.

Kapag wala namang amats, panginginom ang ginagawa nila samantalang tuluy-tuloy na paghithit ng sigarilyo naman kapag kalmado na.

Sa ganitong siklo, hindi malabong maikli lang ang buhay na meron ang magkapatid. Nauna nang namayapa ang nakatatandang kapatid nito dalawang taon na ang nakalilipas. Sa labas-pasok na istilo ng pagpapagaling ni Geron sa rehab, mas lalo lang tumataas ang pangangailangan nito sa bisyo. Minsan na niyang sinabing gusto pa niyang mabuhay ng matagal para alagaan ang magulang subalit lubhang mahina na ang katawan upang labanan ang mga sakit na dumapo sa kanya dulot ng bisyo.

Siguro ay nagsisisi siya sa nangyaring kahit siya mismo ay di mawari kung bakit. Siguro ay hinihiling niyang i-rewind ang buhay para maging mas matapang sa tukso lalo pa noong unang ipinatikim siya nito ng mismong kapatid. Maaaring ganun din ang hiling ng nakatatandang kapatid nito noong siya naman ang pinatikman ng mga kabarkadang notoryus sa panghahablot ng cellphone sa lugar. Siguro ay ganun din ang gusto niya subalit ang lahat ng sigurong iyon ay wala nang saysay lalo pa nang tuluyang bumigay ang katawan ni Geron noong nakaraang buwan. Baka sa lugar kung nasaan man siya ngayon ay mas higit niyang alam ang bukas na sikreto ng lugar na kinalakhan.

Walang bago

Sabi niya ay walang bago sa lahat ng ibinahagi niya tungkol sa kapatid. May pagkakahawig daw ang lahat ng kanilang kwento at kung tutuusin ay walang pinagkaiba sa kwento ng mga pamilya noon na may parehas na sitwasyong kinasasadlakan. Wala siyang nabago sa buhay nila kahit pa paulit-ulit ang ganoong pagbabahagi na naisusulat sa lahat ng libro at pyesang kinapupulutan ng aral. Wala daw siyang nabago at kaparehas na ending pa rin ang naisusulat sa artikulong ito.

Malumbay ang reyalidad na kinamulatan ng naiwang kapatid ni Geron. Sinasabi niyang wala siyang nagawa para pigilan ang naging kapalaran ng mga kapatid sampu ng mga kabataan sa lugar. Lumayo siya at ngayo’y nakatira sa malayong lugar—isang lugar na malayo sa tukso ng droga para tuluyang tuldukan ang nakaaadik na siklo.

*Hindi niya tunay na pangalan

Photo: “Heroin and Syringe” by Michael Velardo, c/o Flickr. Some Rights Reserved



Add this page to your favorite Social Bookmarking websites
Digg! Reddit! Del.icio.us! Google! Live! Facebook! StumbleUpon! Newsvine! TwitThis
 
Comments
Add New RSS

Disclaimer: Comments posted here reflect our readers’ views and not the opinion of The Philippine Online Chronicles.

Write comment
Name:
Email:
 
Title:
Please input the anti-spam code that you can read in the image.

!joomlacomment 4.0 Copyright (C) 2009 Compojoom.com . All rights reserved."

Share on facebook

Buhay Pinoy Videos


Get the Flash Player to see this player.
Disclaimer