Sa kabila ng ingay at pamamayagpag ng taong bayan sa agarang pagpasa ng RH Bill, nananatiling panukala ito sa loob ng mahigit na isang dekada. Baka nga hindi pa sapat ang 11 kababaihang namamatay araw-araw para sa kanila upang pagtuunan ng pansin ang bill na ito. Sa kabilang banda at bunga na rin ng pagpupunyagi ng ating mga kababayan na pumasa ang panukalang batas na ito ay naging usap-usapan ang isa pang bill, ang Divorce bill. Patuloy na sinusubok ng mga panukalang batas na ito ang tatag ng ating mga kinatawan sa kongreso at senado na makipagsabayang pakinggan ang hindi mabilang na sigaw sa pagkamit ng hustisya pabor sa pagpasa nito.
Last country standing
Matapos mapasa ang diborsiyo sa bansang Malta kamakailan ay pumutok na rin ang balita sa pagiging nag-iisang bansa ng Pilipinas sa mundo na hindi kumikilala ng diborsiyo. Mariin itong tinututulan ng simbahan noon pa man at sa katunaya’y kabilang sa tinatawag na D.E.A.T.H bills (Divorce, Euthanasia, Abortion, Total Contraception, Homosexuality).
Iba-iba ang opinyon ng mga tao ukol dito bagaman masasabing malaking porsyento sa kanila ang pabor dito at base na rin sa ilang panaka-nakang SMS survey na ginagawa ng ilang programa sa telebisyon at establisyemento. Ang ilan ay nagsasabing unahin muna ang pagpasa ng RH Bill habang ang iba ay nawawalan ng pag-asa na maipasa ito sa kanilang henerasyon.
Pakiramdam ng ilang nakausap habang sarkastikong natatawa sa ideyang ‘proud’ pa ang simbahan sa pagiging last country standing natin pagdating sa diborsyo ay tututukan ito ng husto ng simbahan at ang ilang mga kinasal na ngayo’y hiwalay na at patuloy na masasakal sa ligal na konteksto ng pagbibigkis na yaon.
Retiring Enya
Higit na mas maayos na ang mukha ng isang katrabaho kumpara sa nakaraang taon noong una ko siyang makilala. Pansin na pansin ko siya dahil sa bitbit na Fit n Right sa pagpasok sa kanyang klase. Di kalauna’y ibinahagi niya ang dahilan ng pagpapayat na nakaangkla pala sa mas malalim na isyu na sa unang sulyap ay bahagi ng pagiging ‘figure conscious’ nating mga babae.
Siguro kung isusulat ang kwento ng buhay niya ay makakabuo ng isang nobelang higit na magpapaunawa sa kung bakit dapat na magpatupad ng ilang batas na mangangalaga higit sa lahat sa mental na kalusugan ng mag-asawa.
Klasikal ang kanyang kwento sa mga telenovela--isanng babaeng pinalaking buhay prinsesa at nagpakasal sa lalaking mas mahal niya kaysa sa mahal siya. Ipinagpalit ang lahat, itinago ang mga di kanais-nais at pinasinungalingan sa sarili ang katotohanang siya na lang ang naglalayag sa bangkang sinasakyan nila ng pamilya. Matagal din ang panahon na iginugol niya sa paglikha ng pantaseryeng iyon at pinilit niyang maayos ang kanilang pagsasama kahit pa ang kapalit niyo’y pagtatakip sa kanyang magulang at pagbebenta ng mga gamit na niregalo sa kanya ng magulang at kamag-anak sa mahahalagang okasyon ng buhay niya.
Sa maikling salita, naubos niya na ang pwedeng mailuha at sinukuan ang sinasabing pagsasama hanggang kamatayan. Matindi ang paniniwala at pagpapahalaga niya sa mga katagang iyon lalo pa’t lumaki siya at nag-aral sa sistemang ganun ang turo. Sa loob din ng taong iyon na sinasabi niyang miserable ang buhay niya, napabayaan ang sarili at ang dating hubog ng katawan ay dumoble na isa ring dahilan ng pagpapalit sa kanya ng asawa.
Maaaring sabihing mababaw ang ganoong pag-iisip. Mababaw ang pag-iwan sa asawa at pagpapalit sa mas may magandang pangangatawan pero totoong nangyayari magpasahanggang ngayon. Tanda ko pa, sinabihan siya ng asawa na walang magkakagusto pa sa babaeng may dalawang anak at ganun kataba. Iyon din daw ang parehas na panahon na nararamdaman niyang nangangalunya ang asawa pero dahil mahal niya ito ay hindi na masyadong tumagos ang sinabi ng asawa. Manhid na nga siya at balot pa rin ng ideyang kailangang salbahin ang relasyon ano pa man ang kapalit niyon.
Lumipas ang panahon at nang mismong ama na ni Enya ang umiyak sa unica hija na tigilan na ang pagpupumilit na ayusin ang relasyon ay tuluyang nagising siya para magligpit at alisin ang agiw sa isip na nagpalugmok sa kanya sa tagal ng panahon. Pinalaya na rin niya ang sarili at kabahagi ng pag-aayos ng sarili ay ang Fit n Right na naging dahilan para idetalye ang dahilan bakit litro litro ang dala nito kada araw.
Bring me to life!
Hindi lang usaping ligalidad ang nais na mabalik ng mga kagaya ni Enya kung kaya’t sinusuportahan niya ang panukalang batas ng diborsiyo. Usapin ito ng pagkakaroon ng kakayahang makapili ng mas maayos na kondisyon at direksiyon ng buhay.
Maaring mas maswerte pa siya dahil may maykaya ang pamilya at walang humpay na sumusuporta ang magulang niya para sa pagpapalaki ng kanyang mga anak bagaman nagbuhay binata ang asawa niyang ibang direksiyon na rin ang pinili. Sa kasalukuyang larga ng kanilang annulment na noong una’y urong sulong pa ang lalaki dahil ang nais nito’y maghati sila ni Enya ng gagastusin, ay may pag-usad nito dahil na rin sa kahilingan ng babaeng kinakasama ng (dating) asawa ni Enya. Isipin na lang kung nangyari ito sa pamilyang hindi man lang makayanang makakuha ng abugado para gawing ligal ang paghihiwalay nila. Isipin na rin ang ilang pamilya hanggang ngayon ay namumuhay ng miserable at kasinungalingan kahit pa sa papel na lang silang mag-asawa.
Makalipas ang isang taon magmula ng muling ikuwento ito ni Enya at magdagdag pa ng ilang datos para sa artikulong ito, higit na mas maganda na siya ngayon at masigla. (In fairness, mukhang naging epektibo ang Fit n Right.) Sa katunayan, tuwang-tuwa ang Daddy nito sa pagbabalik daw ng kanyang ‘nawalang’ anak. Maging ang panganay na supling ni Enya ay natutuwa rin at minsang nagwikang: “Mommy, mas okay naman na tayong tatlo lang. Ok lang kahit wala si Daddy.”
Sa ngayon, tahimik niyang iniintay na matapos na ang prosesong lubusang makakapagpalaya sa kanya. Matapos ang usapan naming iyon ay ipinasa niya sa akin ang text message na sinend niya sa mga tao noong biglang uminit ang usapan sa diborsiyo.
Heto ang nilalaman: The Divorce bill will not affect the strong and stable marriages. It will only allow those in miserable condition to have an option.
Napatango ako noong nabasa ang mensaheng iyon at ipinasa pa sa ilang nais gawing status sa Facebook.
Twitter
Digg
Del.icio.us
Reddit
Yahoo
Googlize this
Facebook









