The Philippine Online Chronicles

The POC
Friday
May 25
Home Features Buhay Pinoy Features Server error: Cybercrimes sa bayan ni Juan

Server error: Cybercrimes sa bayan ni Juan

robocopSa EDSA, malapit sa GMA-Kamuning station, may malaking billboard (iba pa ito sa billboard sa Guadalupe na naging kontrobersyal kamakailan). Ayon sa billboard na ito, 9 sa 10 Pilipinong gumagamit ng internet ay naging biktima na ng cybercrime.

Huh, napaisip ako. Pilipino ako at gumagamit ng internet. Pero hindi pa naman ako nagiging biktima ng cybercrime. Hold-up, oo. Scam at kotong, oo. Pero cybercrime?

Pero ang totoo, hindi ko rin sigurado kung ano ba talaga ang cybercrime. Ayon sa Wikipedia, ito raw ay kahit na anong krimen na gumagamit ng computer at network. Okay. Alam ko kung ano ang krimen—murder, drug dealing, robbery, atbp—at sigurado pa rin ako na hindi ako biktima ng cybercrime.

Iyon marahil ang una kong pagkakamali, ang paghahambing ng mga krimen na karaniwang nababalita sa mga krimen na nagaganap sa birtwal na espasyo ng cyberspace. Ang ikalawang pagkakamali ay ang pag-aakala na hindi kasing bigat ng “totoong” krimen ang mga cybercrime.

Dahil kabilang sa mga cybercrime ang:

  • hacking (ang pag-pasok ng computer user sa network o computer ng iba nang walang pahintulot gamit ang internet—parang trespassing o akyat-bahay kumbaga—at pagnakaw ng impormasyon o kaya pagbandalisa ng network/ website)
  • copyright infringement (ang pangongopya at pagpapakalat ng anumang akda o gawa tulad ng musika, pelikula, litrato, teksto, atbp nang walang pahintulot sa awtor nito—pagnanakaw, kumbaga)
  • child pornography at child grooming (ang intensyonal na pakikipagkaibigan sa mga bata sa internet upang mapalapit ang kanilang loob at mas madaling pagsamantalahan—prostitusyon at child labor, kumbaga)
  • spam (ang pagpapadala ng bulk o sobrang daming email para sa commercial purposes)
  • Phishing scam (ang pagkuha ng impormasyon tulad ng passwords, usernames, at credit card information sa pagpapanggap bilang lehitimong institusyon)
  • Cyber bullying at stalking at marami pang iba.
Kung gayon nga, naging biktima na nga ako ng cybercrime. Minsan pa ay nakagawa na rin ako ng cybercrime nang hindi sinasadya (o sinasadya ba? Marami na rin akong pelikula at musikang naka-save sa computer ko na dinownload ko lang…).

Pero napakadali kasing magnakaw ng gawa ng iba sa pamamagitan ng internet. Marami akong kakilala na hinding-hindi magnanakaw ng anumang bagay na hindi sa kanila, pero mabilis na magki-click ng mouse para i-download ang pinakabagong pelikula. Marahil dahil napakadali gumawa ng anumang bagay sa internet at tulad ng sa “totoong” krimen, napakabagal ng aksyon ng mga awtoridad kung kaya napapabayaan ang mga cybercrimes.

Sa katunayan, iisa pa lang ang batas ng Pilipinas laban sa cybercrimes: RA 8752 o ang electronic commerce act. Isinabatas ito makatapos sumabog ang ILOVEYOU virus sa internet noong 2000. Nakapinsala ng napakaraming computer systems sa buong mundo ang worm na ito na ginawa at nanggaling mismo sa computer programers sa Pilipinas. Sa loob ng isang linggo mula nang kumalat ang worm, higit 50 million infections na ang naireport at $5.5 bilyon na ang nalugi ng mga kumpanyang naapektohan nito.

Kung ganoon katindi ang maaaring epekto ng ganitong uri ng cybercrime, at mayroong kakayahan ang mga Pilipinong programers na makalikha ng ganitong pinsala, nararapat nga na mayroon tayong mga batas na makapipigil dito. Pero ang nakakatawa/ nakakainis, 2011 na ang ito pa rin lang ang kaisa-isang batas natin laban sa cybercrimes.

Ang mapait na katotohanan ay lubhang napag-iwanan na ng teknolohiya at kaalaman ng mga Pilipino sa teknolohiya ang mga batas natin. Marahil dahil ang mismong mga mambabatas at mga nasa pusisyong paganahin ang mga batas ay kapos sa kaalaman tungkol sa teknolohiya.

Natawa ako minsan nang, habang rumaraket sa isang government office, namomroblema ang isang opisyal dahil nakalantad sa kanyang documents folder ang mga porn video niya. Hindi raw niya alam kung paano nakapasok iyon sa kanyang computer. Pinaayos niya sa akin at ang tanging ginawa ko ay i-uncheck ang VIEW HIDDEN FOLDERS option.

Katawa-tawa, pero delikado rin. Habang naiiwan sa kangkungan ang mga batas natin laban sa cybercrimes, lumalakas naman ang kaalaman at kakayahan ng mga Pilipino sa teknolohiya. Sa pagdami ng industriya ng call center at iba pang business process outsourcing (BPO) sa bansa, dala nito ang teknolohikal na kaalaman at kakayahan na pang world-class. Wala man tayong kakayahan lumikha ng teknolohiyang Pinoy, kasabayan natin sa larangan ng information technology ang ibang mga bansa.

Nitong Hunyo lang, na-hack ang mga website ng Department of Social Welfare and Development, TESDA, Philippines Disaster Coordinating Council, GSIS, at Philippine Information Agency. Sumunod naman na ma-hack ang Food and Drug Administration, Office of the Vice President, Department of Interior and Local Government, Department of Labor and Employment, at Bureau of Customs.

Ganoon kahina ang kaalaman ng ating pamahalaan sa teknolohiya na halos pinakyaw na lang nga hackers ang kanilang mga website. Mabuti na lang at simpleng bandalismo ng website ang pakay ng mga hackers, pero kung nanaisin, napakadaling magnakaw ng impormasyon mula sa mga website na iyan sa segundong mapasok na ang seguridad nito. At ang impormasyong hawak ng mga website ng gobyerno ay impormasyon natin—impormasyon mo, impormasyon ko. Isipin mo kung anong maaaring gawin ng hacker na magbabakasakaling pasukin ang seguridad ng SSS website. Anu-anong pribadong impormasyon nating mga karaniwang Pilipino ang pwede makuha at pagsamantalahan?

Pero hanggang ngayon, kapos pa rin sa batas ang Pilipinas laban sa cybercrimes.

Minsan, habang naghahanap ng trabaho, nabigyan ako ng job interview para sa isang writing position. Sa Ortigas pa ang opisina ng kumpanya, BPO, mataas ang sahod. Bente mil kada buwan at ang kailangan ko lang gawin ay magsulat ng review ng mga pelikula. Nalaman ko na lang na ang mga pelikulang kailangan kong panoorin ay bestiality porn videos. Nagulat ako, napaatras sa trabahong iyon. Nagtaka ako kung paano naging legal sa bansa natin ang magkaroon ng trabahong nagrereview ng bestiality porn. Sabi naman ng nag-interview sa akin, legal daw iyon dahil hindi naman mga Pilipino ang aktor at hindi sa Pilipinas na-shoot ang mga pelikula. Pero sa Pilipinas pa rin naka-host ang website at server nila, at mga Pilipino ang may trabahong manood at magreview ng porn na iyon bago tangkilikin ng mga banyaga.

Minsan talaga mapapaisip ka kung may pakialam pa ang pamahalaan na protektahan tayo, o kung kailangan pa silang paaalahanan.

 

Photo: “R2-D2 vs. RoboCop (341/365)” by JD Hancock, c/o Flickr. Some Rights Reserved



Add this page to your favorite Social Bookmarking websites
Digg! Reddit! Del.icio.us! Google! Live! Facebook! StumbleUpon! Newsvine! TwitThis
 
Comments
Add New RSS

Disclaimer: Comments posted here reflect our readers’ views and not the opinion of The Philippine Online Chronicles.

Write comment
Name:
Email:
 
Title:
Please input the anti-spam code that you can read in the image.

!joomlacomment 4.0 Copyright (C) 2009 Compojoom.com . All rights reserved."

Share on facebook

Buhay Pinoy Videos


Get the Flash Player to see this player.
Disclaimer