
Talagang kabisado mo na ang iyong mga gamit sa potograpiya,Sir!
Iyan ang bigla kong hirit ko sa isang kasamahan sa potograpiya habang kami ay nasa training. Kaya ko siguro nasabi sa kanya ito ay dahil alam kong kulang pa ako ng kaalaman at karanasan sa paggamit ng mga sariling kong mga equipment sa pagkuha ng larawan na ang iba ay kabibili ko pa lamang. "Oo naman," sagot niyang nakangiti. |"Iba kasi kung ako mismo ang gumagawa nito, gusto ko kasing maramdaman ang lalim ng aking mga lente," susog pa niya. "Iba yung may konting himas pa bago sumabak sa pagkuha."
Marami pa sana akong itatanong, kaya lang sisimulan na ang workshop ni Mr. Parc Cruz, The Arts of Ambient Light na Ginanap nitong Marso 04, 2011 ditoito sa Kuwait Regency Hotel . Suwerte naman na naimbitahan ako ng grupong PINDOT (Pinoy Digital Photographers in Kuwait) upang makilahok.
Simple pero malalim ang bawat isinasaad ng mga puntos na naituro at naihayag. Marami akong natutunan at malayo ang nararating ng aking imahinasyon pagkatapos ng isang araw na pagaaral. Lahat kami ay ayaw na yatang tumayo para mag-kape, dahil desidido talagang malaman ng bawat isa ang makabagong istayl sa potograpiya. Isa lang ang masasabi ko: mahusay at kakaiba ang nadagdag sa konti kong kaalaman.
Nahihiya man akong aminin na wala mahigit na isang buwan pa lamang sa akin ang aking kamera ngunit hindi ko pa alam ang mga settings nito. Pero dahil nga sa palipas-oras at pamatay-homesick ito para sa kin, naisip kong pagaralan na din para magawang libangan.
Papauwi na ako nang biglang pumasok na naman sa isip ko ang unang tanong ko sa kasama ko kanina. Oo astig ka kung may hawak kang pang-propesyonal na kamera. Masasabi ding isang investment ito, dahil hindi biro ang presyo at magiisip ka pa nang matagal kung magdadagdag ka pa ng mga gadgets para dito. Kung tutuusin, para ka na ding namuhunan sa isang bagong sasakyan.
Ilang oras din akong natulala; tila ang layo ng aking diwa. Nakatitig pa rin ako sa aking kamera. Unti-unti kong tinitigan ang mga kuha ko kanina lang, kung ano na ba ang nilalaman nito. Para sa akin maganda na ang mga kuha kong ito. Dapat na akong mamili kung alin-alin ang aking aayusin at pagagandahin sa pamamagitan ng computer software. Mga ilang oras din akong sumusubok mamili pero atubili ako at di ko masimulan.
Okay ka lang ba!? -- may nagtanong sa likuran ko. Mahina lang ngunit malinaw ang tinig. Tila galing sa loob ng kamera. Hinihikayat akong pumasok sa loob dahil may gusto daw siyang ipaliwanag. Naghanda naman akong pumasok.
Ayan...unti-unti na akong lumiliit. Oops , kailangan kong umakyat at pumasok sa loob ng kamera. Madilim pala sa loob. At kakaiba ang hangin -- walang buhay. Kanina lang parang ang gandang pagmasdan nito dahil puno ito ng kulay; pero bakit dito sa loob halos wala akong maaninag? Teka mabuti pa lumipat ako sa kabilang tabi -- ayun may pulang ilaw akong natatanaw sa bandang lente. Pero bakit ganoon tuwing lalapit ako, nawawala ang na-aaninag ko? Aakyat ako sandali; nasaan na ba ang mga kuha ko sa loob? Bakit hindi makita ang labas ng totoong mundo? At pag nasa labas naman ako ng kamera, tila ang ganda-gandang pasukin nito. Ay, babalik na lang ako sa labas.
Huh! Parang totoo! Marahil dahil sa pagod sa kakapili ng magandang kuha kaya ako naidlip sandali. Kakaibang panaginip!
Habang pinag-aaralan ko ang mga kuha sa kamera, naisip kong hindi pala ang ganda o pagka-moderno ng kamera ang nakapagbibigay ng kulay sa mga larawan; bagkus isa lang proseso ito. At hindi rin sa akin o sa isang magaling na potograper nagmumula ang pagsipat; isa rin lang proseso ito. Hindi rin sa pagretoke at pag-areglo sa anumang software gumaganda ito; isa din lang proseso ito. Ang tunay na nagbibigay-kulay ay ang paligid mo, tao man o bagay o lugar na may kanya- kanyang istorya na papasok sa loob ng iyong kamera, luma man ito o bago.
Kung ang kamera ko ngayon ay nasa Libya, ano ang makikita mo? Di ba ang mga gustong umuwi na sa Pinas nang ligtas at nag-aabang ng tulong mula sa gobyerno? Kung ang kamera ko ngayon ay nasa New Zealand, ano ang makikita mo? Di ba ang mga kababayang nasalanta sa lindol duon?
At bakit pa ako lalayo?
Kung ang kamera ko naman ang nasa Pinas. Ano ang makikita mo? Mga politiko!
Huwag sana maging mala- kamera ang makikita kong politiko na pinipili ang magandang ilaw, inaareglo para lumabas ang kulay, nireretoke para itago ang natural.
Kung nandiyan ako, susubukan ko -- pero siguradong mahirap gawin -- na kunan ko sila sa kanilang tutuong kulay.
Photos: by Ever Villacruz
Twitter
Digg
Del.icio.us
Reddit
Yahoo
Googlize this
Facebook









