
Maganda ang panahon ngayon: Walang sandstorm. Kaya naisipan kong maglakad- lakad sa tabing-dagat. Dala ko ang aking kamera at ganado sa pagkuha ng litrato sa paligid.
Ang paligid, simoy ng hangin ang nagpapasigla ng araw ko. Ito rin ang nagbibigay kulay sa init at lamig ng panahon dito sa lupang buhangin.
Parang Pinas ang init ngayon ano?. Napalingon ako sa gilid ng mapansin ko ang isang kapwa Pilipino na nagpakilala sa akin bilang Mang Berto. Medyo may mas edad na kumpara sakin si Mang Berto.
Marami kaming napagkwentuhan tungkol sa pagtatrabaho bilang isang OFW, pero mas naging interesado ako sa kwento ng kanyang buhay pag-ibig.
Ang kuwento ni Mang Berto
Madalas ako dito. Ito ang unang lugar na napuntahan ko mula ng matungtong ako dito sa Kuwait. Labing walong taon na akong nagtatrabaho bilang isang mekaniko. Marami na rin akong napasukang ibat ibang kumpanya.
Ewan ko ba kung bakit naisipan kong magtrabaho sa ibang bansa. Naalala ko pa yung katwiran ko na mahirap ang buhay sa atin, na alam ko naman na pareho lang ang isasagot natin sa tanong na bakit nag abroad. "Mahirap ang Buhay".
Ngayon ko na lang naiisip na kung ibabalik ang panahon, pipiliin ko pa ring mabuhay at magtrabaho sa atin. Nagtataka nga ako na marami sa atin ang matatalino at magagaling pero iba ang nakikinabang nito. Di ko sinasabing ayaw ko rin magtrabaho dito sa ibang bansa, siguro binigyan lang ako ng pagkakataon. Kaya ko siguro nasasabi ito dahil sa nangyari sa kin nang mag-abroad ako.
Di naman ako nagsisisi, nakatulong ako sa aking pamilya. Pero may kapalit yata ang lahat. Ikaw ba may pamilya ka. tanong sa akin ni Mang Berto. Bago ako nakahuma, agad nyang dinugtong na huwag ko munang sagutin ito. Siya na lang daw muna ang sasagot.
Nagulat ako sa kanyang sinabi na – bakit pa nga ba ako magtatanong ganun alam ko naman ang isasagot.(sa isip ko manghuhula ata itong kausap ko, medyo nag aalangan na ako). Balak ko nang magpa-alam sa kanya nang medyo magimbal ako sa susunod na winika nya: Ako kasi hiwalay na ako. At alam ko na marami sa ating lumabas ng bayan, halos pareho ang kinalabasan matapos ng sinasabi nilang pagsa-sakripisyo kapalit ng magandang buhay.
Sorry ha, kanina pa ako dito. Wala akong makausap at gusto kong magkwento. Uuwi na kasi ako bukas at di na muling babalik. Huling tanaw ko na sa lugar na ito, pero gusto kong makapag iwan ng isang ala-ala.
Siguro yung iba, magtatatalon sa tuwa dahil makakauwi na at makakapagsimula na ulit sa Pinas. Pero ako gusto ko pang ipagpatuloy ang trabaho ko dito pero di na pwede. Binigyan na ako ng graduation day dito.
Sabi nyo kanina mas gusto niyo ang mabuhay sa Pinas, tanong kong medyo naguluhan.
Ang sagot niya: Oo, noong masaya pa kami at magkakasama, pero ngayon huli na ang lahat.
Tanda ko pa ang araw at taon nang tinawagan ako ng aking kapatid na umuwi muna at magbakasyon. Doon pa lang medyo kinabahan na ako; parang kinutuban. Hindi ako nag-aksaya ng panahon. Sugod ako sa pag- uwi.
Pagdating ko sa airport, sinabihan ako ng aking kapatid na huwag muna daw tumuloy sa aming bahay at doon na lang matulog sa kanila. Lalo akong kinabahan.
Sa loob ng kotse, papunta sa bahay ng aking kapatid, pinasabog nya ang bomba. 'May kinakasama nang iba ang iyong asawa." Muntik kong sapakin ang kapatid ko sa kanyang sinabi, pero nagpigil ako. Nanginginig ang aking katawan. Ayaw kong maniwala. Pero detalyado ang kanyang kuwento. Nagsimulang manikip ang dibdib ko sa galit. Pinilit kong magpaka-hinahon. Sinabi ko sa sarili kong huwag maniwala hanggang di ko pa nakakausap ang aking asawa.
Di ako nakatulog sa eroplano. Ngayon, sa Pinas, gising na gising pa rin ako. Pakiramdam ko ay sasabog ako. Pinaderetso ko na sa aking bahay ang aking kapatid.
Pagdating doon, nagdilim ang paningin ko nang makita ko na may nakaparadang sasakyan sa loob ng garahe na hindi ko kilala. Mabilis ang pangyayar ... di di ko alam kung paano ako nakapasok sa bahay, gusto ko na yatang p….. iba na ang nasa isip ko. Patawarin sana ako sa aking gagawin. Pinipigilan ako ng aking kapatid pero naka-akyat ako papunta sa sarili kong kwarto.
Naiba ang mga pangyayari nang masalubong ko ang bunso kong anak na apat na taong gulang pa lang noon. Ang kaninang nandidilim na paningin ko ay napalitan ng awa sa sarili. Napaluhod ako at napaiyak sa labis na panlulumong naramdaman ko. Sakto namang papalabas sa kwarto ang aking asawa, kasama ang kanyang kinakasama. Mahina na ang boses ko pero higit pa sa sigaw ang talim ng pagtitig ko sa aking asawa. Sa puntong iyon, nawalan ako ng malay. Dahil siguro sa magkahalong pagod at sama ng loob.
Nagising akong kaharap ang aking asawa. Umiiyak din pero di makatingin sa akin. Walang lumalabas sa bibig ko, walang tanong na gustong itanong, nawala lahat ng pangarap ko. Gusto kong manakal gusto kong gumanti, gusto kong iparamdam ang sakit … ang SAKIT! Pero nakapagpigil na naman ako nang muli kong nakita ang aking bunso na nakatulog na sa kama at nasa gilid ng kanyang ina.
Teka hindi ko na pahahabain, ah. Alas sinko na pala ng hapon.
(Pero alam kong si Mang Berto na rin ang pumigil sa kanyang kwento at hindi ang oras).
Sige ho, maraming salamat! Ingat ho sa muli nyong pagsisimula sa Pinas. Ikinagagalak ko ho kayong makilala. Di ko kayo makakalimutan dito sa lugar na ito. Dito sa lupang buhangin!
Bago kami maghiwalay, ako naman ang nagtanong. Ang pakiramdam ko kasi ay bitin ako sa kanyang salaysay.
Mang Berto, ano ho ang nangyari bago kayo magkahiwalay ng inyong asawa?
Isang malalim na buntunghininga ang sagot, habang nakangiti nang malungkot. Sa huli, ito ang sinabi niya sa akin: Wika ko sa aking asawa "Pwede bang yakapin kita bago kita iwan?”
Twitter
Digg
Del.icio.us
Reddit
Yahoo
Googlize this
Facebook









