Salita. Wika. Dila. Lenggwahe. Ano ang sumasaisip natin kung ito ang usapan?
Simulan ang kwentuhan sa ating sariling bayan, kung saan ang buwan ng Agosto ang itinakda sa kalendaryo bilang buwan ng wika. Ayon sa walang kamatayang kasabihan ni Dr. Jose Rizal, "Ang hindi magmahal sa sariling wika ay higit sa hayop at malansang isda." Kung gayon, mabaho na pala ang bayan ni Juan. Marami nang tumalikod sa salitang luma at orihinal. Isdang bilasa na nga bang maituturing ang mga taong yumakap sa ibang salita? Wala na si Rizal. Wala na bang magtatanggol sa kanyang mga adhikain? Ngunit kung titingnan ang kanyang mga obra, isa siya sa mga Pilipinong may kakayahang magsalita at magsulat sa maraming wika. Ang "Huling Paalam" ay orihinal niyang sinulat sa wikang Espanyol. Nabawasan ba ang kanyang pagka-makabayan dahil hindi siya nagpaalam sa atin sa sariling salita?
Kung ikaw at tulad kong nasa labas ng bansa, dudugo ang tainga mo sa mga tunog banyaga sa iyong paligid. Maituturing na "Tower of Babel" or "out of this world" drama. May nakatutuwa, nakaaliw at nakahahanga. May masakit din ng bahagya sa pandinig. At may mga wikang dapat mong pakibagayan -- at subukang matutuhan -- upang maging mas maalwan ang iyong buhay sa pakikisama sa iyong katrabaho na hindi mo kadila o kabalat.
Hindi gaanong mahirap matutunan ang wika sa Arabia kung saan ako naruroon. Dahil malayo man ang kultura ng Pilipinas sa Arabia, nakakatuwang may mga salitang Tagalog at Arabo ang magkatulad. Halimbawa, sabon sa Tagalog, saboon sa Arabic; pantalon sa atin, bantaloon sa kanila. O di ba halos pareho lang? At kung mapapansin ninyo ang "P" sa atin ay binibigkas nila bilang "B." Kaya nga noong una kong trabaho dito sa Kuwait, di ko talaga makalimutan nang hinanap ko sa plano ang "pump" at inakala ng mga kasamahan ko ay naghahahanap ako ng "bomb."
Dito rin sa Kuwait, at sa palagay ko kahit saang parte ng lipunan, ipinagbabawal diumano ang pagsasalita ng lengwaheng hindi nauunawaan ng lahat -- na ang ibig sabihin ay Ingles lang ang dapat gamitin. Kahit nga pare-pareho na kayong Pinoy, sa salitang banyaga pa rain nag-uumpisa at nagtatapos ang kwentuhan. At kung nasa pagtitipon ka, masakit sa ulong makiupo sa mga Arabong puro Arabo ang salita. Tumunganga ka na lang at hintayin mong may maawa at bumulong sa iyo at magpaliwanag. Pero siyempre, diyan sila bilib sa Pinoy: Gagawa at gagawa ng paraan para makabol sa ano mang sitwasyon.
Sa maraming pagkakataon, may mga hindi pagkakaunawaan sa salita na, ayon sa aking kaibigang Pinay na nars, ay siyang nagiging dahilan sa maraming bulilyaso sa trabaho sa ospital. Language gap sa pagitan ng nars at doktor kung anong klaseng gamutan ang gagawin sa pasyente. Language gap sa pagitan ng isang pasyente at isang doktor (o nars) tungkol sa kung ano ang nararamdaman ng una sa kanyang katawan at kung ano naman ang payo ng pangalawa upang mabigyan ng ginhawa ang una. Nakakalumong isipin na ang language gap ay maaring maging dahilan ng pagkawala ng buhay na dapat sana ay naisalba. O, kung di man maging ganito ka-extreme ang pangyayari, ang paglala sa kondisyon ng isang maysakit.
Minsang madaling magsabi nang maayos at maganda ngunit mahirap namang isagawa ang nilalaman nito. Milyon ang alipin ng salita. Ang pinaka-makapangyarihang salita para sa akin ay mga mensaheng nakikita ng isang bulag at naririnig ng isang bingi. Maipaparamdam sa isang kaluluwang kapos sa pagmamahal. Ito ba ang tinatawag na nonverbal language?
Ang magandang pagtanaw ng isang bansa sa kanyang salita ay maituturing na isang tagumpay. Masakit tanggapin na sa bagong henerasyon ay walang gaanong halaga ang salitang atin. Unawain na lang natin sila. Marahil ito ay kaakibat ng pagbabago sa mundo na patuloy na "lumiliit." Globalization daw ang tawag dito. Hindi man sila maalam sa salitang galing sa baul ni Lola, huwag na natin silang husgahan. Ang mahalaga, mahal nila ang Pilipinas at tass-noo pa rin silang Pilipino sa isip at gawa.
Wala naman iyon sa kung gaano mo kaganda binuo ang iyong salita, bagkus iyon ay nasa kahulugan at konteksto ng iyong paggamit. Kahulugang may lalim at sundot sa pagiisip. Kung kakausapn mo daw ang isang tao sa wikang kanyang naiintindihan, lahat ay pupunta lamang sa ulo. Ngunit kung kakausapin mo siya sa wikang kanyang ginagamit, lahat ay pupunta sa puso.
Ang salita at wika ang damit ng ating pagiisip. Marahil kung lahat ay yayakap sa salitang "kapayapaan," walang giyera o away sa mundo. Dahil ang naniniwala sa sabi-sabi walang bait na sarili. Ano daw? Kasi naman, ang mga banyaga ang galing managalog. Ang mga Pilipino naman pilipit ang dila sa pagsambit ng banyagang wika.
Ano mang wika ang ating gamit, ang salita ay ang dugo na ating kaluluwa kung saan ang kaisipan ay nabubuhay at doon ay lumalago.
Indak ang wika ng isang manayaw, musika at kanta para naman sa isang mang-aawit, tula sa isang makata, larawang guhit sa isang pintor. Sa isang tunay na Pilipino, ano kaya?
Photo: from google images
Twitter
Digg
Del.icio.us
Reddit
Yahoo
Googlize this
Facebook









