Ang bilis ng oras. Lagi ka na lang humahangos na parang kabayong pangarera. Humahabol sa pagpila sa tren, sa pagsakay sa bus, sa pagpila upang mag-apply sa trabaho abroad. Sa iyong pagkaripas, hindi mo na namamalayang ang oras. Nalalaman mo na lang kung madilim na.
Ngunit hasa PIlipinas ka. Iba dito kung saan ako naroroon.
Sa isang gabi ng di pagkakatulog, habang nakatingala sa kisame at paminsan-minsang napapatingin sa apat na sulok ng silid, sumagi sa isip ko ang ... oras. Binilang, pinahinto, pinabilis, habang binabalot ng tik-tak, tiktak ang madilim na kuwarto. Yun lang ang bumabasag sa katahimikan. Tila ba ako lang ang tao sa mundo -- ako at ang aking orasan.
Sa isang taong nagtatrabaho sa kabilang lupalop ng mundo, OFW o Bagong Bayani daw kung tawagin, oras ang isa sa pinakamahabang bagay na maituturing. Pinaka-mahirap bilangin, tantyahin at hilahin. Kay hirap tanggapin na matagal pa ang oras na linagi ko sa lupang banyaga kaysa sa sariling bayan. Na mas madalas pang kasama ko ang boss ko kaysa sa aking pamilya.
Bakit nga ba, parang tukso -- kapag nasa malayo, halos gumagapang ang oras. Kay bigat dalhin lalo na at galing ka sa trabaho at nag-iisa sa silid na salamisim lamang ang kapiling. At ang pananabik sa muling paguwi. At ang pagtatanong ng "Ilan?" at "Kaylan?" Ilang taon na nga ba ako dito sa Lupang Buhangin? Ilang beses na ba akong nangako sa sarili na sandali na lang at balik-Pinas na ako. Kailan ako titigil? Kailan ako uuwi - for good? Ang mapait na sagot: Only time will tell.
Kung maibabalik nga lang sana ang oras. Babalikan ko ang bayan kung saan ako sinilang at pinalaki ng aking mga magulang. Yayakapin ko sila at iba pang mahal ko kahit isang minuto lamang. Sa piling nila, siguradong maganda ang ikot ng orasan. Marahil, kung ako ay magician o isang karakter sa back to the future, ito ay babalikan ko.
Pagmasdan natin ang ating sarili, i-set natin ang oras, at magtanong: "Bakit nga ba ako naririto? Dahil saan? Para saan?"
Ang kamay ng relo ang nagsisilbing tagapagturo kung saan ang dako paroon at ang pagikot nito ang nagpapahiwatig na hindi natatapos ang paglalakbay. Hihinto ito kung low bat o pagod na. Kargahan ng bagong baterya para makapag-simulang umikot muli. Parang tao rin ang orasan -- napapagod, namamahinga, at sumasabak muli.
Kapag hindi sumasang-ayon ang mundo sa gusto natin, sinisisi natin ang panahon. Wrong timing, sasabihin natin. Pero kahit kaylan, hindi nagrereklamo ang relo kahit baguhin natin nang paulit-ulit ang kanyang mga kamay. Kahit maya't-maya nating i-adjust ang alarm upang hindi tayo mahuli sa ating mga appointments. Kadalasan nga tayo ang hilo sa kaiikot, hindi ang relo.
Ilang taon, buwang, araw, oras, minuto at segundona kaya ang sinayang ko? Mahirap palang habulin ang oras. Lagi na lang akong huli. Lagi na lang umaasang darating din ang panahon para sa akin. My time will come -- sana?
Gasgas na ang kasabihang "Time is gold." Ngunit naniniwala pa din ako dito. Napakahalaga ng bawa't oras. Gabay ito sa araw-araw na gawain. Seize the day, seize the moment -- isa pang kasabihan na hindi pa naman gaanong gasgas Ibig sabihin bawal ang tutulog-tulog o papatay-patay. Hindi na kase babalik ang oportunidad na dumaan na hindi natin pinansin. Tsk, tsk -- sayang!
Minsan siguro, tayo na din ang nagtatakda kung anong oras, minuto or segundo tayo masaya.
Maaring sa tingin mo ay di pantay ang oras, dahil kay raming uri ng orasan -- de baterya, automatiko, digital, analog, balat o metal man ang strap, Rolex man ang tatak o pekeng Rolex. Pero hindi ba, tayo pa rin ang magpapantay sa kanila. Sa pamamagitan ng ating pagpahahalaga sa kanilang pag-tik-tak. Nasa ating kamay pa din kung paano gamitin o sayangin ang ginintuang oras.
Twitter
Digg
Del.icio.us
Reddit
Yahoo
Googlize this
Facebook









