Summer na nga. Ramdam na ramdam na ang init sa paligid. Sikat na sikat si Haring Araw. Ito ang panahong siya ang bida. Siya ang tinitingala. Siya ang ilaw sa maghapon. Kahit maaaring masunog ang balat, iba pa rin ang pakiramdam ng kanyang kislap. Ang init na dampi sa iyong katawan ay walang katulad. Bubuhos ang yung pawis ng kusa at dadaloy sa katawan. Sarap magbakasyon! Wala pa rin daw tatalo sa bakasyong Pinas lalo na pag summer, kahit ano pang hirap ng pagsupil sa nagiinit na paligid. Hataw ang Pinoy sa saya saan mang lugar siya naroon at ano mang paraan ang gawin para maranasan iyon. Sobra man o kulang ang badyet, ang mahalaga ang maging masaya kasama ang tropa at pamilya.
Sa mga bansang may malalawak na disyerto, mahabang tag-init ang mararanasan. No choice ka. Dahil parang juice drink lang ang dating: two seasons. Parang kape, pwedeng hot or cold. Cold winter or scorching summer.
Ang temperatura dito sa Kuwait ay malupit pa sa lagnat na nakaka-kombulsyon. Umaabot ng 50 degrees sa katanghalian. Kaya naman ang mga trabahong ginagawa sa labas ay may espesyal na oras. Lipat sa madaling araw o umagang umaga ang paggawa. Wala ngang bisa si payong. O si manipis na dagdag panakip na mahabang damit. Mararamdaman mo at mararamdaman ang init sa ilalim na iyong paa. Sabi nga ng isang kaibigan, parang may dragong bumubuga ng apoy na sumusunod sa iyo habang naglalakad sa labas.
Walang masyadong activities under the sun. Mas okay na lang mag-emote sa loob ng iyong tirahan. Walang patayang aircon na magpapalamig ng kuwarto. Buti na lang mura ang bayad sa elektrisidad. Babawi ka nga sa lamig, pero kailangan mo naman magtipid sa tubig, dahil mas mahal pa ang presyo nito sa langis, di tulad sa atin sa Pinas na kahit saan may sariwang tubig. Di ba napakatamis inumin ang bukal sa batis?
Palagi kong iniisip magbakasyon sa ibang bansa. Pumunta sa lugar na banyaga, dahil siguro gusto kong mapa-iba. Pero ngayong nandito ako sa ibang bansa, sa lupang buhangin, bumaling ang isip ko sa aking lupang sinilangan. Natutuhan kong hangaan at ipagmalaki ang dati’y hindi masyadong pansin: ang ganda ng bansa ni Juan. Ang daming paradise beaches na angat sa iba. Atin ito.
Diniskubre ang mga tagong lugar na bihirang marating ng mga turista. Mga islang maituturing na paraiso – hindi pa tanyag, hindi pa nababahiran ng komersyalismo, pristine o mala-birhen. Marami pang ganitong lugar sa ating bansa. Bakit pa nga ba tatangkilikin ang iba kung meron naman tayo? Dapat siguro minsan maging makasarili naman tayo. Tipong angkinin ang sariling atin. Palaguin. Alagaan. Ingatan. Ialay sa mga Pilipino.
Pero marami pa rin sa atin -- kasama na ako – na pabalik-balik sa ibang bansa. Sa kaso ko, kay tagal ko na rin sa Lupang Buhangin. Kahit mainit. Kahit malamig. Kahit mahirap. Kahit di na kaya ng katawan, sige pa rin. Mabigat man sa loob na iwan ang Pinas at ang mga mahal sa buhay.
Ayus! Masarap magbakasyon. Masayang mag-relax paminsan minsan, kaya todo tipid para pag-uwi sagad-sagarang pagsasaya. Pamamasyal, pagliliwaliw, pagsasalu-salo. Yung tipong hindi mapansin ng pamilya at kaibigan mo ang hirap at lungkot na dinanas mo sa ibang bansa. Para sa isip mo hindi sila mag-aalala. Kung anong buwan man matapat ang pag uwi, kahit hindi summer time, kadalasan sa beach pa din ang destinasyon. Sarap magsama-sama.
Sa mga kuwento, ang buhay daw na walang init ang pag-ibig ay katumbas ng isang bayan na hindi nasisikatan ng araw, na ang paligid ay balot ng lamig. Walang saya o sigla man lamang. Ang nais na lamang ay espasyo. Magbalot ng kumot ng mag-isa. At yakapin ang oras nang walang pakiramdam dahil sa lamig ng pagwawalang-bahala. Dapat to the rescue pa rin ang init. Upang maibalik ang dating samahan.
Saya talaga ng summer. Yung tipong nasa tabing-dagat. Pinapanood ang mga alon. Tinatanaw ang paglubog ng araw. Magsasaya sa gabi. At hihintayin ang muling pagsikat nito sa mga susunod na araw. Sandali lang kung tutuusin. Mapapansin mo lang ang pagbabago ng oras kapag napansin mo rin ang pagbabagong kulay ng yong balat. Mahapding mamula-mula at minsa’y nangingitim na. Sunblock, asan ka na?
Parang buhay din ang summer.
At mula sa magulong isip ko nabuo ang kuwentong mula sa init. Sana sa muling pagsikat ng araw, magigising nang may ngiti sa sariling bayan, sa sariling tahanan, sa sariling buhay. Tamang timpla ng lamig at init. Paalam sa panahong nahahati sa kung may araw ba o gabi.
Halika...sama-sama tayong damhin ang init sa tag-araw! Ako, dito sa lupang buhangin; kayo, sa bayang magiliw. Dahil saan man tayo naroroon, wika nga, iisa lang ang araw na sa atin ay dumadampi o humahataw.
Photo: “Change of Heart Poster” by William Hale, c/o Flickr. Some Rights Reserved
Twitter
Digg
Del.icio.us
Reddit
Yahoo
Googlize this
Facebook









