Nagbasa-basa ako at nakinig ng balita kasaliw ng musika ng bandang Yano: Kamusta Na. "Kamusta na ayos ka pa ba? Ang buhay natin kaya pa ba? Eh kung hindi, paano na, ewan ko ba, bahala na." Kamusta na kayo? O, tayong mga OFW, balik-tanaw na naman sa bilis ng panahon. Kay raming nangyari. Karamihan ay nakababalisa.
Sa kaganapan nangyari sa Cairo, Egypt. Kamusta na ang mga OFW na galing ng Ehipto? At paano na ang issue ng mga OFW sa Taiwan. Ang mga kababayan nating kasambahay na nagtatrabaho sa Gitnang Silangan? Ang daming tanong pati ako naguguluhan. Nadagdag pa ang balita sa tatlong pinoy na naparusahan ng kamatayan sa Tsina. Ano na kaya ang susunod na mangyayari? Ewan ko ba, bahala na. Dasal, dasal -- yan lang naman ang kaya nating gawin. Teka, puwede ko pang baguhin ang topic? Iyong namang masaya-saya.
Usapang puso
Di nga ba ... katatapos lang ng Araw ng mga Puso? Ang tanong ay: may puso ka ba? Palagay ko meron pa. Kung nagising kang buhay dahil tumitibok-tibok pa yun, malamang may dugo pang dumadaloy sa katawan mo. Maaaring humihinga ka pa nga, ngunit kung wala namang saysay ang buhay mo. Pero ano pa man, huwag mo namang putulin ang hininga mo nang walang laban, dahil nakatago man maganda pa din ang buhay. At kung binabangungot ka, marahil kailangan mo lang gumising at ayusin ang higaan mo sa pagtulog. Wala namang ibang usapan kundi puso. Damdamin. Pag ibig. Dahil nga siguro Valentine's Day o kaya nakatuon lahat sa ganitong scenario. Puro kuwentuhang naman masaya o malungkot ang kinahantungan. Mga istoryang hango sa mga taong nakaranas ng kakaibang kapangyarihan dala ng pag ibig. Parang ang baduy, mala-love story na pampelikula. Lahat parang scripted. Siyempre apektado ako ng buwan na ito, gaya din ninyo. Salamat sa Pebrero 14 at pansamantalang nabago ang kulay ng mundo. Timplahin ang kuwento. Gawing parang kape na iba-iba ang lasa. Lagyan ng cream o gatas. Gawing matapang o katamtaman lamang. Pabilisin ang tibok ng puso. Gisingin ang diwang natutulog.
Hindi daw hinahanap ang pag-ibig, dapat hinihintay. Hindi kung sino ang nagmamahal kundi kung sino ang makapaghihintay. Maraming pwedeng makilala, makasalamuha at makadaupang-palad pero iisa lang ang dadaan at maiiwang kasama mo. Iisa lang ang tatayo para sa pagmamahal. Iisa lang siyang lalaban -- paninindigan na ang pag ibig ay tama kahit nasa maling sitwasyon. Ang masakit pero totoong nangyayari: ang iisang yun ay hindi darating nang maaga sa iyong buhay. Pero darating siya sa panahong kailangan.
Sa dinami-dami daw ng tao sa paligid mo, hindi mo alam kung sino at ano ang magiging pakay nila sa buhay mo. Minsan dumaraan lang silang parang hangin. Minsan dumadapong parang paru-paro sa halaman. Minsan nga daw nasa harapan mo na hindi mo pa rin nakikita.
Oo, tama, maraming kahulugan ito. Maaring iba ito sa gusto mo at mahal mo. Kung hindi aarukin ang kahulugan, talagang maliligaw ka. Minsan, sa FB (Facebook) mo mababasa ang iba’t ibang pahiwatig nito.
Isang halimbawa, sa isang wall profile ng isang kaibigan: “Spss, i've got to have you...and learn to love you, kahit you're not my type.” Ang tinutukoy pala niya ay ang Statistical Package for Social Science, isang software na ginagamit sa statistical analysis. O di ba, parang pag-ibig nga naman -- may pintig at may statistic analysis. Ang point dito kailangan busisiin at pag-aralan din hanggang sa mahalin.
Kanya-kanyang istorya
Ikaw? Ano ang love story mo? Nagkabanggaan sa eskwelahan o sa opisina. Yung tipong humihinto ang ikot ng mundo at parang napupuno ng kulay ang paligid. Ang bida sa eksena ay dalawang taong naniniwala sa love at first sight. Tapos may something na mahuhulog at sabay na pupulutin at magbabanggaan ang mga kamay nang bahagya. Kababata mo siya at isang matalik na kaibigan na ano man ang nagdaan kayo pa rin daw ang iginuhit ng tadhana. Meron din super sweet sa isa’t-isa -- nilalanggam sa sobrang tamis. Ngunit paglipas ng panahon, parehong gigising na parang wala lang.
Nakatabi mo siya sa dyip, sa bus o nakipag-agawan sa iyo sa pagsakay sa taksi habang umuulan. Isang taong dumating nang walang dahilan, wala sa oras at wala sa plano. Basta bigla na lang na siya na pala. Toxic!
Maraming marami pang pahina sa libro ng mga puso. Iisa lang ang nag-uugnay...yung pintig...yung tibok...yung kung tawagin ay pag-ibig. Paano na lang kung iba naman ang itibok nito? Humanap ng ibang dugong mas bubuhay sa mga ugat mo? Tanungin na lang natin kahit na sino.
Ang kaso ng mga OFW
Malungkot ang kaso ng maraming OFW.
Tatlo sa sampung pamilya ng isang OFW ang nawawasak matapos magtiis na umalis ng bansa, iwanan ang mga minamahal, at magtrabaho abroad. Mahabang palaisipan. Sino ang nagkulang?
Hindi sa lahat ng panahon ikaw ay panalo. Ang laro ng puso ay isa ring sugal. Hindi lahat natatapos sa saya. Hindi na yata uso ngayon yung ending na “they live happily ever after.”
Ano man ang itaya mo, minsan hindi mo makakabig muli. Mararanasan mong mabigo. Bihira yata yung “one and only” o “una at huling pag-ibig.” Dahil nagbabago ang ikot ng mundo. At nag-iiba ang kulay ng paligid. Pero kung trip mong hanapin, magpakatatag ka. Darating din ang para sa iyo.
Walang katulad. Dahil masayang ma-in love. Dahil masarap magmahal. Dahil matamis mangarap na kasama kita. At kung sino ka man, ikaw ang bida sa love story ko.
Photo: “I wanna hold your hand” by Josep Ma. Rosell, c/o Flickr. Some Rights Reserved.
Twitter
Digg
Del.icio.us
Reddit
Yahoo
Googlize this
Facebook









