Sana hindi na matapos ang bahaging ito ng buhay niya, hiling ng puso’t isip ni Bea.
Hindi makaimik si Bea sa harap ng hapunan. Pinipigil niya ang kanyang mga luha at panunumbat.
Gusto mang sumbatan ni Bea ang ama ay hindi niya pwedeng gawin. Nag-aalala pa rin siya sa kondisyon ng kalusugan nito, lalo pa ngayong kahit maganda na ang feedback mula sa mga banko ay wala pa naman talagang garantya na magiging maayos na ang kumpanya. Hindi pa rin basta maibabalik ang napakalaking halagang nawala sa kanila. At ang makukuha nila sa mga banko ay utang na siguradong malaki ang interes.
Ang pinagbubuntunan niya ng sisi ay si Mikael. Bakit parang kaydali nitong tinanggap ang desisyon ng kanyang ama? Hindi man lang ba siya nito naisip? Pakiramdam ni Bea, naging tau-tauhan siya sa harapang iyon.
Para namang narinig ni Don Benigno ang kanyang iniisip. Binalingan siya nito.
“Ayan, anak, hindi ka na mahihirapan. Andito si Mikael. He can now take charge of everything. Ikaw naman, makakapag-relax na para mas mabilis akong magkaapo.”
Ayun pala ang dahilan. Ikinahon na agad siya ng kanyang ama sa papel na wife and mother. Parang nabura nang lahat ang kanyang pinag-aralang business course sa college, ang kanyang training sa kanilang kumpanya at lahat ng kanyang kontribusyon sa paglago nito. Ang sama-sama ng loob ni Bea.
“I’ll be needing a lot of help from Bea, Papa,” biglang sabi ni Mikael. “Siya ang mas nakakaalam sa lahat ng tungkol sa kumpanya. Hindi ako magiging effective without her by my side.”
Pampalubag-loob, inis na sagot ng isip niya.
“Of course,” tango naman ni Don Benigno. “Dapat lang na magtulungan kayo. Ayan, Bea, narinig mo? Full support ka dapat dito sa asawa mo.”
Support. Ang sakit naman. Para na rin siyang tinawag na assistant. Alalay. Bumalik ang lahat ng dating antagonismo ni Bea kay Mikael.
“Mauuna na akong umakyat,” matamlay na paalam niya nang matapos ang hapunan. “Medyo masama ang pakiramdam ko.”
“Sige’t kakausapin ko pa itong si Mikael,” sabi ng ama.
“Ahm...pwede bang bukas na lang uli, Papa?” sagot ni Mikael. “Baka may kailangan si Bea.”
“Hindi, kaya ko na,” matabang na sagot niya.
Hinawakan siya ni Mikael sa braso. “I’ll take you upstairs,” sabi nito.
Naisip ni Bea, nagsisimula na naman itong magdikta.
“Mabuti pa nga, Mikael,” sabi rin ng kanyang ama.
Gusto nang magwala ni Bea kaya sa halip na kumibo pa ay basta humakbang na lang siya palayo. Wala silang imikan habang papanhik ng hagdan.
Pagsara na pagsara ng pinto ng kwarto, hinila siya ni Mikael nang paharap.
“Bakit bigla kang nag-tantrum sa harap ni Papa?” paninita nito.
Hindi makapaniwala si Bea. Inunahan pa siya nito nang panunumbat. Bumuhos na ang lahat ng kanyang galit.
“Ang galing mo ring magtanong, ano? Ako dapat ang magtanong — bakit biglang ikaw na ang CEO ng kumpanya namin? Where does that leave me? Alalay mo na lang ako?”
“Wala akong kamalay-malay sa balak ni Papa,” depensa ni Mikael. “Pareho lang tayong nagulat kanina.”
“Siguro nga, pero ang bilis mong tinanggap ang appointment nang buong-puso,” sumbat ni Bea. “Hindi mo man lang ba naisip na may nasasagasaan ka?”
“Mag-asawa na tayo,” sabi ni Mikael. “What difference does it make kung sino sa atin ang CEO? Magkatuwang nating gagampanan iyon.”
“Kung walang difference, bakit ikaw sa halip na ako ang gagawing CEO?” sagot ni Bea.
“Dahil mas makakatulong sa kumpanya ang pangalan ko,” katwiran ni Mikael. “Hindi ba’t iyon din nga ang strategy natin sa mga banko? Hindi ba iyon ang dahilan kung bakit tayo nagpakasal?”
Parang tinurok ng punyal ang puso ni Bea. Ipaalala ba naman sa kanya ang puno’t dulo ng kanilang pagpapakasal.
“Iba iyon,” iling niya. “Kredibilidad lang ng pangalan mo ang hinihiram ko. But this time, you’re taking over the company.”
“Taking over?” naniningkit ang mga matang ulit ni Mikael. “Wala akong balak na angkinin ang BGS Realty if that’s what you’re afraid of. Gusto ko lang makatulong. Admit it, nalusutan kayo ng mga swindler na iyon dahil may mga naging pagkukulang sa safeguards sa kumpanya. Marami pang pwedeng ayusin sa mga sistema. Mapagtutulungan natin ang pag-aayos. Two heads are better than one.”
“As long as your head is higher than mine, you mean,” sarkastikong dugtong ni Bea.
“Bakit ba napakataas ng pride mo?” sumbat sa kanya ni Mikael. “Iyan ang lagi nating pinag-aawayan, e. Bakit hindi mo kayang tanggapin na kailangan mo ng tulong?”
“Anong hindi?” sagot niya. “Hindi ba’t ako na nga ang lumapit at nagmakaawa sa iyo? Inihain ko na nga ang sarili ko para lang maisalba ang kumpanya. Pagkatapos ngayon, ganito pa.”
Tumalikod siya kay Mikael, itinatago ang kanyang mga luha. Pero na-sense agad nito.
“Bea...” sabi nitong lumalapit sa kanya. “Don’t cry...”
Malambot na ang boses nito.
Nang yayakapin siya nito ay pumalag si Bea. Pero nagawa pa rin siyang ikulong ni Mikael sa mga bisig nito. Doon pa siya lalong naiyak. Kung bakit naman kasi kahit ito mismo ang kaaway niya ay kanlungan pa rin ang pakiramdam niya sa mga bisig nito.
“I’m sorry kung nasaktan ka sa desisyon ni Papa,” nang-aalong sabi nito. “I’m sure he didn’t mean to hurt you. Ako rin. I’m sorry kung nasaktan ka sa pagtanggap ko ng appointment na iyon. Gusto ko lang makatulong. Hindi ko intensyon na masagasaan ka or your feelings. Kung kinakailangan, tatanggihan ko ang posisyon.”
“Hindi na pwede,” pahikbing sagot niya. “Nag-announce na siya sa mga banko. Kumalat na iyon sa business community. Isa pa, hindi ko ipagpipilitan ang aking sarili kung wala siyang tiwala sa kakayanan ko.”
“Alam mong hindi totoo iyan,” salungat ni Mikael. “Narinig mo ang sinabi niya. He wants you for the biggest job of all — ang pagiging ina ng mga apo niya.”
“Yeah, right,” himutok lalo ni Bea. “Kasi sa tingin niya, hanggang doon na lang ako. Ikaw na ang inaasahan niya to do the real job.”
Itinaas ni Mikael ng hintuturo ang kanyang mukha.
“Hindi ka minaliit ni Papa,” seryosong sabi nito. “In fact, higit na mas malaking responsibilidad ang iniatas niya sa iyo. Hindi kailanman pwedeng ipantay lang sa trabaho ng CEO ng kahit gaano kalaking kumpanya ang pagiging ina. Ang pagbubuntis, panganganak at pag-aaruga sa bata. At saka hindi naman niya sinabing hindi ka na kailangan sa business. He just gave you a chance to shift your priorities dahil buong akala niya, iyon ang patutunguhan ng pagpapakasal natin.”
Natigilan si Bea. Tama nga naman si Mikael. Naging over-sensitive nga yata siya.
“Pero hindi naman ako magbubuntis, a,” naalala niyang sabihin, kasabay na naman ng pagkirot ng kanyang puso.
Napabuntong-hininga si Mikael. Inisip niyang baka in relief. Baka para itong nabunutan ng tinik nang malamang hindi niya sasakyan ang hiling ng ama na apo.
“In that case, sasabihin ko kay Papa na tatanggapin ko lang ang posisyon na CEO kung ikaw ang magiging president and chairman of the board,” sabi ni Mikael. “That means you’ll be my boss.”
“Inuuto mo na ako, e,” padabog pa ring reklamo ni Bea.
“Of course not,” tanggi ni Mikael. “Talaga namang seryoso ako na kailangan nating pagtulungan ito. Patawarin mo na kami ni Papa. Please.”
Unti-unting humupa ang mga hikbi ni Bea. Hindi siya sanay sa ganito. Kailan pa natutong mag-apologize sa kanya si Mikael Arcaniel?
“A-Alam ko rin naman na you mean well,” amin na rin niya.
“Then we can work this out,” sabi ni Mikael. “Huwag ka nang umiyak.”
Pinunasan pa nito ng mga daliri ang kanyang mga luha.
“I can make you feel better,” bulong nito. “Much, much better.”
At sinimulan siyang hagkan nito. Buong suyo. Parang napalis ngang lahat ng hinanakit ni Bea. Ganoon lang kabilis. Yumakap siya nang buong higpit sa asawa. At tinugunan niya ang paglalambing ng bibig nito.
Sana hindi na matapos ang bahaging ito ng buhay niya, hiling ng puso’t isip ni Bea. Sana habampanahon na ganito na lang.
Pero kinabukasan, nag-aaway na naman ang mag-asawa. Nasa opisina sila ng BGS, nagre-review ng mga papeles.
“Para makapag-streamline ng expenses, kailangang magbawas ng mga tao,” panukala ni Mikael.
Kumontra agad si Bea. “Magtipid na tayo sa ibang bagay, huwag lang tayong mag-fire ng tao.”
“Saan mo gustong magtipid — sa materyales?” sumbat ni Mikael. “Mas lalo namang hindi dapat iyon.”
“Of course not,” sagot ni Bea. “Never na ginagawa iyon sa BGS. Lagi kaming eksakto sa required specifications for materials.”
“Kaya nga,” sabi ni Mikael. “Wala na tayong ibang pwedeng cost-cutting measures kung hindi ang pagbabawas ng mga tao sa mga hindi naman masyadong kailangang posisyon. May mga job descriptions na pwedeng i-combine sa iisang tao kaysa tatlo o dalawa. Kahit bigyan natin ng salary increase ang taong maiiwan at madadagdagan ng tasks, mas makakatipid pa rin tayo.”
“Kawawa ang mga matatanggal sa trabaho,” katwiran ni Bea.
“Hindi natin sila aapihin,” sagot ni Mikael. “Bibigyan natin sila ng hindi lang fair kung hindi very generous pa na early retirement packages. Pwede silang maghanap ng ibang trabaho — bibigyan natin sila ng magandang rekomendasyon. Pwede rin silang magtayo ng business.
“Pero may mga nagkakaedad na’t mahihirapang lumipat sa ibang trabaho,” giit ni Bea. “At maaaring hindi sila magaling sa business. Ayokong ipakipagsapalaran ang kinabukasan ng mga taong naging loyal sa pagtatrabaho sa kumpanya. If we go down, we all go down together.”
“Iyon na nga, e,” sabi ni Mikael. “Inilalagay mo naman sa risk ang buong kumpanya. E, kung ilipat natin sa Arcaniel Construction ang mga matatanggal sa BGS?”
Natigilan si Bea. Galit na galit na siya kanina kay Mikael. Nakahanda na siyang tawagin itong walang-puso. Pagkatapos, biglang mag-aalok nang ganito.
“Ano iyan, charity?” dudosong tanong niya.
Nagsalubong ang mga kilay nito.
“Hayan ka na naman, e,” sumbat nitong halatang uminit ang ulo. “Wala na akong ginawang mabuti para sa iyo. Lahat na lang binibigyan mo ng masamang pakahulugan.”
Napahiya si Bea. “S-Sorry,” atras niya. “Nakakagulat lang kasi ang offer mo.”
“Hindi mo ba talaga matatanggap na I’m here to genuinely help out?” parang masama ang loob na himutok ni Mikael.
“I’m sorry,” ulit ni Bea.
Nilapitan niya ang asawa. Inilapat niya ang kanyang kamay sa braso nito.
“Pasensya ka na, nasanay ako sa mga away natin, e,” pagpapakumbaba na niya.
Tiningnan siya ni Mikael. Malambot na ang anyo nito.
“Sorry lang?” may bahid na ng panunuksong tanong nito.
Alam na ni Bea na tinatanggap nito ang kanyang apology. “Ano pa ba?” tanong niyang nakalabi kunwari.
“Kiss me!” utos ni Mikael.
Nilingon ni Bea ang pinto ng kanyang private office. “Baka may pumasok.”
“E ano, kiss lang naman,” sagot ni Mikael. “Mag-asawa naman tayo.”
Kinabig siya nito para wala na siyang kawala. Sumunod si Bea sa ipinag-uutos nito. Buong-puso.
Lumalim ang kanilang halik. Pero pinutol ni Mikael. Binitiwan siya nito’t tinungo ang pinto. Ini-lock.
“I want more than just a kiss, after all,” sabi nito.
“Mikael...huwag dito,” tanggi ni Bea. “Opisina ito.”
Kumindat ang kanyang asawa. “Kaya nga mas exciting, e,” sagot nito.
Twitter
Digg
Del.icio.us
Reddit
Yahoo
Googlize this
Facebook










