AkingTube, AtingTube, YouTube

Charice Pempengco, Papaya Dance, mga presong naka-jumpsuit na sumasayaw sa saliw ng “Thriller” ni Michael Jackson, mga doktor na naglolokohan habang nag-oopera sa pasyente. Ano ang meron sa mga bagay at taong ito? Lahat ng mga ito ay inirekord ng mga Pilipino bilang video, at iniupload sa YouTube. Ang mga video na ito ay sumikat o naging notorious, nagdulot ng magandang pagkakataon sa iba at kahirapan naman sa ilan.

Ayon sa website ng YouTube, ito ay itinayo noong Pebrero 2005. Nagkaroon ito ng pera mula sa Sequoia Capital noong Nobyembre 2005 at opisyal na inilunsad noong Disyembre 2005. Ito ay binili ng Google Inc. noong Nobyembre 2006 at kasalukuyang pagmamay-ari nito.

Nagbibigay ang YouTube ng pagkakataong magsalu-salo ng mga video ang iba't ibang tao. Imbes na malaking file ang ibibigay sa manonood ay ikino-convert ng YouTube ang videos sa .flv file format, na syang mas madaling i-download at panoorin mula sa Internet dulot ng maliit na file size nito kumpara sa ibang format. Ginagamit ng .flv files at ng YouTube ang Flash plug-in na maaaring ma-install o kaya'y mangyaring naka-install na sa Internet browser.

Ayon sa pag-aaral na ginawa ng Amerikanong antropologong si Mike Wesch, isa ang YouTube sa mga nagtatali sa mga tao gamit ang Internet sa makabagong paraan. Dahil napabilis at napadali ng Internet ang daloy ng impormasyon, ang isang video ay maaaring mai-transmit at maiba hanggang ito ay magamit ng ordinaryong tao sa sariling paraan, dahil sa sariling intensyon at ng walang pakialam sa iisipin ng iba. Madalas raw, ika ni Wesch, ang mga video sa YouTube ay “pagdiriwang ng pagkakaroon ng webcam” dahil kahit sinong mayroong kompyuter at webcam ay maaaring gumawa at mag-upload ng video.

Malaki ang epekto ng YouTube sa mga Pilipino. Dahil sa YouTube ay mas nalalaman ng mga Pilipino ang mga pangyayari sa ibang bansa, hindi lamang sa Pilipinas. Dahil rin dito ay mas nakikilala ng mga banyaga ang talento ng mga Pilipino.

Ang YouTube ay naging ekstensyon na ng telebisyon. Maaari ditong mapanood ang mga palabas na hindi masubaybayan sa regular na programming sa TV, o kaya'y hindi pinalabas sa lokal na istasyon.



Dahil sa YouTube ay nadala si Charice Pempengco sa atensyon ng mga banyaga, hanggang ipakita sa Ellen de Generes Show ang pagkanta nya sa Koreanong programang Star King. Mula rito ay sumunud-sunod na ang paglabas ni Pempengco sa mga talk show sa Amerika.

Isa rin sa mga sumikat dahil sa YouTube ang “Papaya Dance” na siyang pinauso ni Edu Manzano sa kanyang programang “Game K N B?”. ">Isinayaw ito ng mga host ng “Good Morning America”, na siya ring inilagay sa YouTube ng mga nakapanood.

Sa kasikatan ng YouTube ay nakaisip ang mga pulis mula sa Lungsod ng Makati na gumawa ng instructional video channel ukol sa modus operandi ng mga kriminal. Ang kanilang mga video ay nagkaroon na ng mula halos 4,000 hits hanggang mahigit 40,000.

Ngunit hindi lahat ng makikita sa YouTube ay nagdulot ng ligaya. Noong Abril 2008 ay nagkaroon ng kontrobersya sa Vicente Sotto Memorial Medical Center sa Cebu nang iupload sa YouTube ang isang video na nagpapakita ng mga doktor na nagbibiruan at pinagkakatuwaan ang isang pasyente habang inooperahan nila ito. Inimbestigahan ng Departamento ng Kalusugan ang isyu, at ang 10 doktor at nars na sangkot sa insidente ay binigyan ng “disciplinary action” ng ospital.

Sa dami ng nangyayari sa Pilipinas na may kinalaman sa YouTube, maaaring masabing naging bahagi na ito ng kulturang Pinoy, at naging extensyon na ito ng telebisyon. Ngunit pwede ring masabi na ito ay naging isa nang pamayanan kung saan nag-uusap ang mga tao ukol sa kanilang mga pinapanood. Pwede ritong magsalo ng mga video, mag-usap ukol sa video at kahit mag-away-away ukol sa video. Sa hilig ng mga Pinoy sa social networking sites at mga palabas sa telebisyon, hindi kataka-takang kasama ang YouTube sa mga kinababaliwang website sa Pilipinas.

Photo: "Screencap: YouTube” by Ivy Jean Vibar. Free for distribution and use, as long as image is properly attributed to the Philippine Online Chronicles.

Write Comment


Security code
Refresh

Podcasts by Santiago Villafania