“I realized that I still have a life to face, a new love to live with.”
KANINA pa nakatulala si Robyn sa sketchpad na kaharap niya. Nasa may garden siya noon at nag-iisip ng pwede niyang iguhit nang bulabugin ang pananahimik niya ng kababatang si Lee Roy.
“Narito ka lang pala, kanina pa kita hinahanap,” anito habang inilalapag ang bitbit nitong tray ng pagkain sa harapan niya.
“Naligaw ka yata?” Inilapag niya sa katabing upuan ang sketchpad niya at gamit sa pagdo-drawing para hindi iyon makasagabal sa maliit na mesa.
“Dinadalaw lang kita. Baka kasi namimiss mo na ako,” nakangiting wika nito.
Napaangat ang kilay niya pero nakangiti. “Itsura mo lang para ma-miss ko, ‘no?” Dumampot siya ng isa sa dala nitong banana cake. “Kailan nga pala ang balik mo sa Cebu?”
“Baka matagalan pa akong bumalik doon. Napag-usapan kasi namin ni Papa na magtatayo kami ng isang branch ng textile business namin dito sa Metro Manila. Ako ang mamamahala. Kaya matagal-tagal din akong mamamalagi rito.” Tinititigan siya nito. “Balita ko, nagmumukmok ka raw dito sa inyo.”
“Sino naman ang may makating dila na nagsabi sa iyo niyan?” tanong na rin niya kahit parang may ideya na siya kung sino. Dalawa lang naman ang pwede niyang paghinalaan. Kung hindi ang pinsan niyang si Jean, ang mama lang niya ang pwedeng magsabi nito.
“Si Tita Mariana.”
Sinasabi na nga ba niya.
“Hay naku, ang mama talaga.” Napailing na lang siya at muling sumubo ng banana cake.
“Bakit ka ba nagmumukmok? Dahil ba sa broken hearted ka? Balita ko, nabasted ka nung nililigawan mo, ah.”
Tinitigan niya ito ng masama. Ipaalala pa raw ba ang kasalukuyang estado ng puso niya. “Ka-lalaki mong tao, ang intrigero mo. Ano naman sa iyo kung broken hearted at basted nga ako?”
“Wala naman,” sabay ngisi sa kanya. “Magpapa-piyesta lang ako. Iyan kasi ang napapala mo. Kung pinakasalan mo ba ako, sana hindi ka nabibigo ngayon.”
Alam niyang binibiro lang siya nito kaya napangiti na lang siya. “Kung nagpakasal ako sa iyo, wala pang bente-kwatro oras, nasa orthopedic na ang isa sa atin, ‘no. At siyempre, tiyak akong ikaw iyon at hindi ako.”
Tumawa lang ito sa sinabi niya. “Kidding aside, I want to tell you something, Robyn.” Biglang naging seryoso ang anyo nito. “I think I’ve already found the girl I want to marry.”
Mula sa pagiging seryoso ay bigla itong ngumisi. “Kaya kung lalampa-lampa ka sa panliligaw mo, baka maunahan na talaga kita.”
Pinakatitigan niya ito. Iniisip kung nagsasabi ba ito ng totoo. Ngunit mukha namang seryoso ang kababata sa sinabi. “At sino naman kaya ang malas na babaing nagustuhan mo?”
“Secret...”
“Hay naku, kung ayaw mong sabihin, okay lang.” Napailing na lang siya. “Ngayon pa lang ay ipagdadasal ko na ang katahimikan ng espiritu at kapayapaan ng isip niya kung sino man siya.”
“Hindi mo na kailangang gawin iyan. Ang dapat mong gawin ay kung papaano mo mapapa-ibig si Marcus.”
Nang mabanggit ang pangalang iyon, kumirot na muli ang kanyang dibdib. Akala pa naman niya, okay na siya. Pero mabanggit lang ang pangalan ng lalaki, nalulungkot na naman siya. Kung bakit naman kasi sa dinami-dami ng lalaki sa mundo, iyong ibinaon pa ang puso sa ilalim ng lupa ang nagustuhan niya.
Sunud-sunod ang ginawa niyang pagsubo sa banana cake. She pretended she didn’t hear anything. “Gusto mo ipadukot na natin si Marcuspagkatapos gahasain mo kaagad para wala nang kawala?” She still pretended not to hear anything.
“Gusto mo i-torture natin para sabihing mahal ka rin niya?”
Matalim niyang tinitigan ang kababata.
“Pwede ba, Lee Roy, tumahimik ka na nga.”
“Ikaw na nga itong tinutulungan ko, ikaw pa itong nagagalit.”
Napapatalak ito. “Ang hirap talaga ng umiibig at mabigo, ano?”
Why couldn’t he just shut up? Hindi ba nito nahahalatang nagpipigil na lang siya na huwag umiyak sa harapan nito?
“Kapag hindi ka pa talaga tumigil diyan, uupakan na kita.” Pinigil niyang pumiyok ang boses niya.
Ngunit tila hindi naman nito narinig ang sinabi niya. “Sabihin mo nga sa akin, Robyn, sa kabila ng pananakit sa iyo ni Marcus, mahal mo pa rin ba siya?”
Mahal pa nga ba niya ang lalaking iyon? Kung hanggang ngayon ay nasasaktan pa rin siya sa pagtataboy nito sa kanya.
But life must go on, ika nga. Sabi nga ng kanyang butihing ina, may darating pang nararapat para sa kanya. Siguro nga hindi si Marcus iyon.
“Hindi na.” Nagyuko siya ng ulo. Ayaw salubungin ang titig ng kababata. Alam niyang mabubuking lang nitong nagsisinungaling siya.
“Ganoon ba? Sayang naman,” anitong tila nanghihinayang sa hindi niya malamang kadahilanan.
Bigla siyang napaangat ng tingin. Nangunot ang noo sa sinabi nito. Tumingin siya rito pero hindi naman ito nakatingin sa kanya. Tila may tinitingnan ito sa kanyang likuran.
“Mukhang may bisita ka,” anito sa kanya pagkatapos ay tumayo sa kinauupuan. “Sige, maiwan ko muna kayong dalawa.”
Nang lingunin niya ang sinasabing bisita ay biglang nanlaki ang kanyang mga mata.
“Marcus? Anong ginagawa ng lalaking ito dito?”
Ikinurap-kurap niya ang mga mata ng makailang ulit para masiguradong hindi nga siya dinadaya ng kanyang paningin. Baka sa sobrang pag-iisip niya kay Marcus ay nag-ha-hallucinate na siya at kung saansaan na niya ito nakikita.
Dahan-dahan itong lumapit sa kanya.
“Anong ginagawa mo rito?” pormal niyang tanong kahit sa totoo lang ay natataranta na naman ang buong sistema niya. Just the mere sight of him makes her world topsy-turvy.
At sus! ang gwapo-gwapo namang talaga!
Kulang pa ba ang sakit na naramdaman niya sa lalaking ito para pahirapan pa ang damdamin niya ng husto? She was trying to forget him already, for Pete’s sake! Pero ngayong narito ito ngayon at nakatayo sa kanyang harapan, back to square one na naman siya.
“Inimbitahan ako ng Mama mo.”
Nagsalubong ang mga kilay niya sa isinagot nito. “Bakit ka naman iimbitahan ng nanay ko, close ba kayo? Isa pa, wala namang may birthday ngayon sa amin,” papilosopo niyang sabi.
“Kailangan bang may birthday muna bago may maimbitahan dito sa inyo?”
“Oo.” Tumayo na siya sa kinauupuan at nilampasan ito. She needed to get away from him.
Baka hindi na niya makaya at magmakaawa pa siya mamaya rito na mahalin siya. Hindi pa naman siya ganoon ka-desperada.
Ngunit bago pa niya ito malampasan ay nahagip na nito ang braso niya.
“Where are you going, Robyn?”
“Tatawagin ko lang si Mama. Hindi ba sabi mo kaya ka nagpunta rito dahil kay Mama?”
Nagpakawala ito ng malalim na buntonghininga. Pagkatapos ay marahang binitiwan ang braso niya at humarap sa kanya.
“Actually, ikaw talaga ang sadya ko rito.”
“Ako? Bakit ako?”
“Dahil may gusto akong sabihin sa iyo,” anito. It’s about Dianne-”
Bigla na lang lumipad ang mga kamay niya sa pisngi nito. “Bwisit ka!”
“Bakit?”
“Nagtatanong ka pa!” singhal niya. Sobrang pang-aapi na ito sa kanyang pagkababae! “Puro ka na lang Dianne! Tanggap ko na naman, eh. Pero sana lang, hindi ka na dumayo pa rito sa amin para lang sabihin iyan.”
“Ano ba iyang pinagsasasabi mo? Pakinggan mo muna kasi ang sasabihin ko.” “Ayoko!” Itinakip niya ang mga palad sa magkabilang tenga.
“Pinagseselosan mo ba si Dianne?”
At nagtanong pa talaga! “Hindi, ‘no!”
“Talaga?”
“Oo! Umalis ka na!” hiyaw niya.
Isang-isa na lang talaga at maghuhuramentado na siya. Hindi pa ba ito nakokontento sa pagkakapira-piraso ng puso niya?
Bigla na lang siya nitong kinabig at hinalikan sa labi. Sa sobrang pagkabigla ay hindi kaagad siya nakahuma. Nagpilit siyang makawala sa pagkakayakap nito ngunit hindi man lang ito natinag. Wala na tuloy siyang nagawa at nang lumalim ang mga halik nito ay mariing naipikit na lang niya ang kanyang mga mata.
Nang maghiwalay ang mga labi nila ay para pa rin siyang nakatuntong sa alapaap. That was her real special kiss.
Nang kabigin nito ang ulo niya sa dibdib nito ay napasunod na lang siya. Dinig na dinig niya ang mabilis na tibok ng puso nito. Was he feeling the same way she felt at that moment?
“Siguro naman ngayon, pakikingan mo na ang sasabihin ko?”
Marahan siyang tumango habang nakatingala rito.
“About Dianne,” umpisa nito. Iiwas sana niya ang mukha pero pinigil ito ng palad ni Marcus
“It’s over. I already let go...” She gently pushed him away. Hinayaan naman siya nito. Kailangan nilang magusap at hindi siya makapag-isip ng matino kapag nakayakap siya rito.
“Good for you,” wika niya.
“I realized that I still have a life to face, a new love to live with.” When she looked at his face she saw something in his eyes. “The moment I saw you took notice of me on that island, I know that I am in big trouble. I was nursing a broken heart then and drinking myself to death. Galit ako sa mundo, galit ako sa sarili ko. Pero nang lapitan mo ako, parang biglang nagbago.”
“Hindi ko ginustong mapansin ka dahil sinabi ko na noon sa sarili kong wala akong ibang mamahalin kundi si Dianne lamang. Pero hindi rin naging madali para sa akin na balewalain ka. Ayaw ko lang tanggapin sa sarili ko noong una. I was still trying to figure out something, and I know what it is now.”
Biglang kumislap ang mga mata niya. Tila nabigyan siya ng pag-asa. Pero ano ba at tila naputol ang kanyang dila?
Nang makabawi ay diretso agad niyang tanong.
“Ibig bang sabihin niyan... may gusto ka na sa akin?”
“Perhaps.” Muli siya nitong kinabig sa dibdib nito. “Naririnig mo ba ang tibok ng puso ko?” Napaangat siya ng tingin dito at marahang tumango. “Have I ever told you that I love you?”
Sinasabi na nga ba niya. Parang gusto na yata niyang magtatalon sa tuwa. “Hindi pa nga, eh. Sana nga sinasabi mo na kasi kanina pa ako naiinip dito.”
“Ganoon ba?” Hinalikan muna nito ang mga labi niya. “I love you, Robyn.”
Parang gusto yata niyang maiyak. Magbubunga rin pala sa wakas ang pinagpaguran niya. After all the heartaches she felt, it was now her turn to be happy.
Feeling nga niya ay may mga nagaawitang anghel sa paligid niya at may naririnig siyang tunog ng lira at ihip ng trumpeta. Ipinagdiriwang ang kaligayahang nadarama niya.
“O, bakit ka umiiyak?” Pinahid nito ang luha sa pisngi niya.
Bahagya niyang tinampal ang dibdib nito. “Ano ka ba, nag-e-emote pa ako. Tears of joy ang tawag dito.” Nakangiti na siya nang tumingala rito. He was smiling and looking lovingly at her.
“Teka, nasabi ko na ba sa iyong mahal kita?” Panggagaya niya sa sinabi nito kanina.
“I’m waiting.”
Ahh... hindi na muna kailangan ang anumang salita. Ang mahalaga, ang mainit at pagkatamis-tamis na halik na siyang magsasabi ng isang tapat na pag-ibig.
Twitter
Digg
Del.icio.us
Reddit
Yahoo
Googlize this
Facebook










