The Philippine Online Chronicles

The POC
Friday
May 25
Home POC Presents Pinoy Romansa He Loves Me, He Loves Me Not? He Loves Me, He Loves Me Not: Chapter 9

He Loves Me, He Loves Me Not: Chapter 9

“Why does the sun go on shining... why does the sea rush to shore... don’t they know it’s the end of the world... co’z you don’t love me at all...”

he-loves-me-he-loves-me-notMAY isang linggo nang nagmumukmok si Robyn sa bahay nila. Wala siyang ganang gawin ang kahit anong bagay.

Mabigat na mabigat ang pakiramdam niya at wala siyang ibang sinisisi sa kalagayan niyang iyon kundi si Marcus. Well, hindi naman talaga niya ito gaanong sinisisi, medyo lang.

Kadalasan ay wala siyang ganang kumain at tila laging kay ilap ng antok sa kanya dahil ilang gabi na rin siyang puyat at hindi makatulog.

Kung bakit naman kasi natuto pang umibig ang puso niya. At sa lahat naman ng pwedeng ibigin, iyong lalaki pang inilibing na rin yata ang puso kasama ng pinakamamahal nitong nobya.

Ang tanga-tanga naman kasi niya, ilang beses na siya nitong ipinagtabuyan, hindi pa rin siya nadadala. Ayaw niyang sumuko at ipinaglaban niya ang nararamdaman dito. Pero ano ba ang magagawa niya kung ginawa na niya ang lahat pero ito naman ang ayaw sa kanya?

Kung pwede nga lang sana niyang buhayin si Dianne, ginawa na sana niya.

Pagkatapos tsaka na lang niya aagawin si Marcus dito.

Pagkalalim-lalim na buntong-hininga ang pinakawalan niya kaya napalingon sa kanya ang kanyang nanay.

“Para saan naman iyan, Anak?“ usisa nito. “Ilang araw ko nang napapansin na panay ang mukmok mo rito, samantalang dati-rati ay hindi ka mapirme rito sa loob ng bahay. Hindi na rin kita nakikitang gumagawa ng trabaho mo. Wala ka bang bagong proyekto ngayon?”

Sandaling nag-angat siya ng mukha at tumingin dito pagkatapos ay ibinalik rin agad ang mukha sa pangangalumbaba.

“Wala, ‘Ma,” tugon niya. Buhok lang yata niya sa ilong ang nakarinig sa sinabi niya.

“Mukha kang nalugi sa itsura mong iyan,” dagdag puna pa nito.

Siya namang pagpasok ni Jean. Nasa bungad pa lang ito ng kanilang pintuan ay umeksena na kaagad.

“Hay naku, Aunt Mary, ganyan talaga ang nangyayari sa mga taong palaging basted sa nililigawan. Araw-araw, broken hearted.

Dire-diretso na itong pumasok at agad naupo sa pang-isahang sofa na nasa tapat niya. Animo reyna na naupo sa kanyang trono.

Kahit kailan talaga, agaw eksena itong pinsan niyang ito. At ang sobrang katabilan nito ang madalas na nagpapahamak sa kanya. Tinitigan niya ito ng masama.

Tila hindi naman iyon napuna ng kanyang ina dahil abala ito sa pagharap sa bagong dating.

“Ano ka ba namang bata ka, sinabi nang huwag mo akong tatawagin sa ganyang pangalan,” sita ng kanyang nanay rito.

Ayaw na ayaw kasi nito kapag tinatawag ng kanyang pinsan ng Aunt Mary. Para raw itong dayuhan sa sarili nitong bayan.

Minsan, hindi rin niya masakyan itong trip ng nanay niya. Ibang klase ang pagiging makabayan.

“Naku naman po, alangang tawagin kitang Tiya Mariana o kaya Tiya Maring?” Ngumuso ang pinsan at tila diring-diri.

“Hindi ka ba kinikilabutan sa pangalan mo, Auntie? Kapanahunan pa iyon ni kopong-kopong. Bakit ka kasi pumayag na iyan ang ipangalan sa iyo nina lolo? Kung ako ang binigyan ng ganyang klase ng pangalan, ipapabago ko talaga ang birth certificate ko.”

“Ewan ko sa iyo bata ka. Puro ka kalokohan.” Napailing na lang ito. “Siya sige, maiwan ko na lang kayong dalawa. Kausapin mo iyang Ate mo dahil ilang araw na iyang ganyan. Ayaw namang magsabi kung ano ang problema niya.” Tinalikuran na sila ng ina.

Naiwan na siyang nag-iisa sa kamay ng pinsang si Jean.

“Kumusta ang puso mong tadtad ng band-aid? Magaling na ba?”

“Inaasar mo ba ako? Umuwi ka na nga sa inyo kung wala kang magawa sa buhay mo,” aniya sabay irap dito. Kahit kailan ay tinik talaga ito sa kanyang lalamunan.

Well, kahit naman ganoon ang kanyang pinsan, napapakinabangan din naman niya paminsan-minsan. Makokonsumi ka nga lang sa sobrang kaingayan nito at kakulitan.

“Ikaw na yata ang pinakaperpektong ehemplo ng isang dakilang bigo.” Hindi nito pinansin ang sinabi niya.

Hindi niya ito kinibo. Kapag sumagot pa siya ay lalawig at lalawig lang ang usapan. At wala siya sa mood na makipagdebatehan dito sa ngayon.

Ilang sandaling katahimikan ang pumagitna sa kanila. Nang may bigla siyang narinig na tila umuungol na naiiyak na tumutula na di maintindihan. Pagbaling niya rito ng tingin ay nagtaka pa siya. Ito pala ang pinanggalingan ng nakakatawang tunog na iyon.

Nagpipilit na naman kasi itong kumanta.

“‘Di makatulog sa gabi sa kaiisip... sa diwa ko’y ikaw ang aking panaginip... o bakit ikaw ang siyang laging laman ng isip ko...” Feel na feel nito ang pagkanta. Ginawa pa talagang mikropono ang remote ng TV nila.

“Utang na loob! Manahimik ka!” Binato niya ito ng throw pillow.

“Aray!” Naputol ang pagngunguyngoy nito. Pagkatapos ay pinandilatan siya nito ng mga mata kahit ang totoo ay wala na yatang ilalaki ang mata nitong singkit.

“Bakit ba? Kumakanta lang naman ang tao, ah. Teka, siguro tinamaan ka sa kanta ko, ‘no?”

“Ewan ko sa iyo! Sinabi nang umuwi ka na sa inyo at hayaan mo akong manahimik dito!”

Inirapan siya nito at pinamaywangan. “Ang sabihin mo, tinamaan ka lang talaga.”

“Kapag hindi ka pa tumigil sa kadadakdak diyan, ipapasak ko iyang remote control sa bunganga mo.”

Muli siya nitong inirapan at bumalik na sa pag-upo. Tumahimik na rin ito.

Ibinaling niya ang ang tingin sa labas ng bintana.

“Why does the sun go on shining.. why does the sea rush to shore...don’t they know it’s the end of the world...co’z you don’t love me at all...”

Muling dumilim ang anyo niya nang marinig itong kumanta. Mukha siyang papatay na ng tao ng muling humarap sa pinsan. Talaga namang inuubos nito ang pasensya niya. Mali pa ang lyrics ng kanta.

“Utang na loob, Jean April, manahimik ka na bago pa kita masakal! Tigilan mo na iyang kakakantamo dahil wala kang future riyan kahit anong pilit mo.”

Umingos lang ito sa sinabi niya. “Ano ba ang pakialam mo kung gusto kong magacapella rito? Ikaw na nga itong nakikipakinig ng ginintuan kong tinig, ikaw pa itong nagrereklamo.”

“Parang awa mo na, kung gusto mong bumirit ng husto, pumasok ka sa banyo. Doon ka umatungal hanggang gusto mo.”

Hindi siya nito pinansin. Ipinagpatuloy ang pagkanta. Talagang iniinis siya.

“Don’t they know...it’s the end of the world ...‘coz you don’t love me at all...” sabay ngisi sa kanya. “He doesn’t love you, right? Kawawa ka naman.”

Bumilang siya ng isa hanggang sampu. Talagang sinusubukan siya ng pinsan niyang ito. Ang lakas ng loob na laitin ang love life niya. Sensitive pa naman siya ngayon pagdating sa bagay na iyon.

“Jean April!” Nagmamadaling nilapitan niya ito. Desididong bigyan ng leksyon ang pinsang alaskador. Pero mabilis itong nakalayo sa kanya.

“Huwag kang mag-alala, Ate Robyn, hindi ka naman nag-iisa sa mundo. Marami kayo.”

“Kapag hindi ka pa rin tumigil, talagang tatamaan ka sa akin,” banta na niya.

“Ano ba ang nangyayari rito?” nagtatakang tanong ng kanyang ina nang muli itong bumungad sa may sala.

“Hay naku, Aunt Mary, iyan kasing anak niyo, palibhasa bigo sa pag-ibig, tila galit sa mundo. Gusto ba namang pingasan itong kagandahan ko.”

“Anong bigo sa pag-ibig?” takang tanong na naman ng nanay niya habang palipatlipat ang tingin sa kanilang dalawa. “Ano’ng sinasabi ng pinsan mo, Robyn?”

“Malay ko ho ba sa babaing iyan.”

“Sus! Mag-deny pa raw ba? Aminin mo na kasi, Ate Robyn, na kaya ka nagmumukmok dito sa loob ng bahay niyo at walang ganang gawin ang kahit ano dahil hanggang ngayon, hindi ka pa rin nakakarecover sa pambabasted sa iyo ni Marcus.”

“Marcus? Sinong Marcus?”

“Aunt Mary, si Marcus ho ang tanging lalaking nagpatibok sa puso ng anak niyo.” Bahagya itong sumulyap sa kanya. “Well, that is according to your daughter.”

Lumapit ang kanyang ina. Nakatingin ito sa kanya na tila humihingi ng paliwanag. “Anak, ito bang Marcus na sinasabi ng pinsan mo ang dahilan kung bakit ka umurong sa kasal niyo ni Lee Roy?”

“Hindi ho,” sagot naman niya. It was half-truth. Dahil kahit naman hindi niya nakilala si Marcus, hindi pa rin naman siya magpapakasal kay Lee Roy.

“Pero mahal mo bang talaga ang lalaking ito?” Seryosung-seryoso ang mukha ng kanyang ina, pati tono ng pananalita nito ay seryoso rin.

“Oho,” agad namang sagot niya. Alangan namang itanggi pa niya, e, ibinuking na nga siya ng daldakina niyang pinsan.

Nang mapasulyap siya kay Jean ay ngising-ngisi lang ito sa kanya. Para tuloy gusto niya itong ipagpatayo ng rebulto at isemento sa mismo nitong kinatatayuan. Kahit kailan ay pahamak talaga ang sobrang katabilan ng dila nito.

“Ganyan palang mahal mo, bakit hindi mo ipakilala sa amin ng iyong Papa? Imbitahin mo siya rito dahil gusto ko siyang makilala.”

Bigla siyang napakamot sa leeg sa sinabi ng ina. “Eh, Mama, imposible ho iyang sinasabi niyo. Mahal ko iyong tao pero hindi ko ho siya nobyo. At malabo hong mangyaring maging nobyo ko pa siya.”

Halatang nagulat ito sa sinabi niya. “Aba’y bakit naman?”

“Mahal pa rin ho niya hanggang ngayon iyong namatay niyang nobya,” sabay buntung-hininga ng malalim. “Ginawa ko na ho ang lahat pero walang nangyari.”

Nakangiting hinaplos ng kanyang ina ang buhok niya. “Anak, huwag kang masyadong malungkot. May makikilala ka pa namang iba. Bata ka pa at maganda. Darating din ang para sa iyo.”

May darating pa bang iba? Pakiramdam niya ay wala na. Si Marcus lang ang mahal niya at nararamdaman niyang ito lang ang mamahalin niya.

“Sana nga po, may dumating pa.”



Add this page to your favorite Social Bookmarking websites
Digg! Reddit! Del.icio.us! Google! Live! Facebook! StumbleUpon! Newsvine! TwitThis
 
Comments
Add New RSS

Disclaimer: Comments posted here reflect our readers’ views and not the opinion of The Philippine Online Chronicles.

Write comment
Name:
Email:
 
Title:
Please input the anti-spam code that you can read in the image.

!joomlacomment 4.0 Copyright (C) 2009 Compojoom.com . All rights reserved."

Share on facebook

Booklat Videos


Get the Flash Player to see this player.
Disclaimer

Podcasts by Santiago Villafania