The Philippine Online Chronicles

The POC
Thursday
Feb 09

Gabriel: Chapter 7

Paraiso_3_gabriel"Napakagat-labi si Nina. Para siyang nakikiliti na hindi niya maipaliwanag. Tumitindi ang kuryenteng lumalatay sa kanyang buong katawan.”

 

Hindi na bago kay Nina na pinuputakti siya 
ng male attention. Kahit sa States, malakas ang panghatak ng kanyang Pinay na kagandahan at kaseksihan. Iyon nga lang, siyempre, iba’t ibang klase ng lalaki ang kanyang naa-attract.

Ganoon din ang nangyari sa kasal ni Mikael. Pag-alis na pag-alis ni Gabriel sa kanyang tabi, ilang lalaki na agad ang lumapit at nakipagkilala sa dalaga. Dahil mga bisita ang mga iyon ng mga ikakasal, naging maayos naman ang pakikitungo ni Nina.

Never niyang naging problema ang kawalan ng admirers. Ang problema niya ay ang sarili niyang reaksyon sa mga lalaking ito.

Wala namang mga katulad ni Zed Joven sa mga nakilala niya sa wedding. Panay disenteng mga lalaki ang naroon. Pinakamalala na siguro iyong tipong masyadong bilib sa sarili. Pero hindi naman presko.

Kaso, wala pa rin sa mga nakilala ni Nina ang talagang nakakuha sa kanyang atensyon. Nakangiti man siya sa mga ito ay nakasunod naman kay Gabriel ang kanyang isip.

Kaya naman alam na alam ni Nina nang tanawin siya uli ng binata mula sa may altar. Kilala niya ang pagsalubong ng mga kilay nito. Siguradong hindi nito nagustuhan ang makita siyang napapaligiran ng male admirers.

Kinilig naman si Nina. Kahit pa alam niyang selos lang ng protective na kaibigan ang nadarama ni Gabriel, nakakataba pa rin ng puso.

At dahil masarap palang pagselosin si Gabriel, tumamis ang ngiti ni Nina sa mga nakapaligid sa kanya. Kaya tuloy nang kinailangan nang maupo ng mga bisita, marami sa mga ito ang nagsisunod sa kung saan siya mauupo. Nag-uunahang tumabi sa magkabila niya.

Doon niya piniling maupo sa pinakamalapit sa altar, sa likod ng entourage at immediate family ng bride and groom. After all, she’s a very close friend of the family. Isa pa, siyempre, gusto niya roon sa kung saan kitang-kita siya ni Gabriel at kitang-kita niya ito.

Obvious na obvious kay Nina na kung na kay Gabriel ang kanyang atensyon ay nasa kanya rin naman ang atensyon nito sa kabuuan ng seremonya. Kapag nagtatama ang kanilang paningin, nginingitian din niya ito nang buong tamis. Ni hindi naman nito magawang ngumiti man lamang sa kanya.

Dahil distracted ang dalaga, talagang napagtuunan lang niya ng pansin ang mga ikinakasal noong sinabi ng pari kay Mikael na hagkan si Bea. Naalala ni Nina ang buong sirkumstansiya ng kasalang iyon. Hindi na siya nagulat nang mabilis na smack lamang sa mga labi ang iginawad ni Mikael sa bago nitong bride. Pero hindi pumayag ang pari. Pinaulit nito ang kiss. Iyong tunay na kiss daw ng mga bagong kasal. May mahinang tawanang nagmula sa audience. Napilitang sumunod si Mikael. At nagulat si Nina sa nakita niyang reaksyon ni Bea.

Sa pagkakaalam niya mula sa kwento ni Gabriel, si Mikael lang ang secretly in love kay Bea. Pero sa nakita ni Nina, wala siyang kaduda-dudang secretly in love rin ang bagong bride sa kanyang groom.

Nakilala niya ang reaksyon ni Bea dahil siya rin ay isang babaeng may itinatagong lihim na pag-ibig.

Sa puntong iyon, kinilig na nang husto si Nina para sa mga bagong kasal. Napakaswerte naman ng mga ito, sabi niya sa sarili. Masalimuot man ang pinagdadaanang sitwasyon, they still ended up with each other. At nakasisiguro siyang magiging happy ending nga ang kahihinatnan ng dalawa. Huwag lang sanang magkaproblema bago magkabukasan ng mga tunay na niloloob.

Maluha-luha si Nina nang lumapit kay Bea para bumati at humalik. Pero parang wala sa sarili ang bride. Kahit magkakilala na sila mula pa nang pagkabata, parang blangko ang ngiti nito sa kanya. Hindi naman nagtampo si Nina. Nakita rin niyang ganoon ang ngiti ni Bea sa lahat ng bumabati rito. Kahit sa mismong mga kamag-anak nito. Tuliro pa rin nga ang bride. Natuliro sa unang halik na nagmula kay Mikael.

Lalong nakisimpatiya si Nina kay Bea. Ipagdadasal niyang maging maayos ang development ng pagsasama nina Bea at Mikael at mapabilis ang pagkakabistuhan ng dalawa ng kanilang mga damdamin.

Sa kabilang banda, nakadama rin siya ng kurot ng inggit. Nang konting pagtatampo sa tadhana. Kasi, kung ibinibigay kina Bea at Mikael ang ganoong pagkakataon, bakit sa kanya ay hindi? Ano bang malaking pagkakasala ang kanyang nagawa para siya parusahan nang ganito?

Kung hindi rin lang pala mai-in love sa kanya si Gabriel, sana hindi na lang siya itinakdang ma-in love rito. O kaya naman, at least, sana burahin na ang kanyang feelings para sa binata. Hatdan naman siya ng ibang lalaking kanyang mamahalin at magmamahal sa kanya.

Bakit may favoritism ang tadhana?

Muling pinaikutan si Nina ng kanyang mga admirers. Bawat isa ay nagboboluntaryong maging escort niya sa reception.

Heto nga’t kayrami sana niyang pagpipilian. Kaso, wala naman siyang napupusuan.

Biglang sumulpot sa kanyang tabi si Gabriel.

"Our table is waiting,” sabi nito sa boses na maririnig ng lahat ng mga nakapaikot sa kanya. “Magkatabi tayo sa family table. I asked the wedding coordinator to seat you beside me.”

Wala nang nagawa ang mga admirers ni Nina kung hindi magpaalam.

Mahigpit ang kapit ni Gabriel sa kanyang braso habang nilalakad nila ang patungo sa kanilang mesa.

Bittersweet ang pakiramdam ni Nina. Magkahalong pait at tamis.

Kaysarap sanang damhin ng care and concern na ipinapakita ni Gabriel. Pero lolokohin lang niya ang kanyang sarili kung mag-iilusyon siyang iyon ang hinahanap niyang pag-ibig.

Malinaw na malinaw pa sa isip ni Nina ang babala ng kanyang counselor. Na hinding-hindi magtatagumpay ang anumang pagtatangka niyang linlangin ang sarili.

Kailangang tanggapin niya ang katotohanang hindi magkatugon ang kanilang mga damdamin ni Gabriel. Pag-ibig ang kanyang nadarama para sa binata. Pero mahal lamang siya nito bilang pinakamatalik na kaibigan. Magkaibang-magkaiba iyon.

Nang maupo sila sa family table, naroon na sina Rafael, Angela at Danilo.

Ipinakilala siya ni Angela sa asawa nito. Si Rafael naman, palibhasa ay childhood friend din niya, humalik sa kanyang pisngi.

Sa lahat ng lalaking nakadaupang-palad ni Nina sa Pilipinas, sina Rafael at Danilo lamang ang hindi nagpakita sa kanya ng kakaibang interes. Si Danilo, parang walang ibang nakikitang maganda kundi ang misis nitong si Angela. Si Rafael naman, parang kapatid ang turing sa kanya.

"Blooming ka, a,” sabi pa ni Rafael. “Mukhang in love.”

Nag-blush si Nina.

"Loveless nga, e,” sagot niya.

"Hindi ako naniniwala,” iling ni Rafael. “Palagay ko, in a few months’ time, ikaw naman ang may balitang isosorpresa sa amin. Sinisikreto mo pa lang ngayon.”

Lalong namula si Nina. Bakit parang may alam si Rafael?

Kinindatan pa siya nito na parang kindat ng kanyang Kuya Anton kapag nanunukso.

"Bakit, psychic ka ba?” tanong ni Nina. “Mabuti ka pa yata, may alam kang hindi ko alam.”

"Naku, sinabi mo,” sagot ni Angela. “Talagang may ESP iyang si Rafael. Madali siyang maka-sense ng mga bagay-bagay. Niloloko nga namin iyan na pwede nang maging manghuhula. Pwede na siyang magtayo ng alternative career na mala-Madame Auring. Pero, in fairness, madalas na tumatama ang mga kutob niya. Daig pa ang woman’s instinct ko.”

"Ay, sige, Rafael, bigyan mo nga ako ng numerong itataya sa lotto,” biro ni Nina para mailihis ang usapan sa kanyang lovelife.

Tumawa si Rafael.

"It doesn’t work that way,” sagot nito. “These feelings just come to me. Hindi ko nakokontrol. Katulad mo, I just feel that you’re very much in love. Pero hindi ko naman alam ang details.”

"Baka naman nami-misread mo lang,” tanggi ni Nina. “Baka naman desperately looking for love.”

At itinawa na lang niya ang kanyang kaba. Lalo pa’t pinagmamasdan siya ni Gabriel.

Habang kumakain, pinagkwentuhan nila ang boutique na itatayo ni Nina.

"Suki nga rin ako ng mga produkto ni Urielle,” pahayag ni Angela. “I’m sure marami ka ring magiging suki sa mall. Sayang, malayo ako sa iyo. Interesado pa naman sana ako sa dancing classes mo. Maganda ngang pang-relax iyon.”

"Ihahanap na lang kita ng belly dancing lessons on DVD,” sabad ni Danilo.

"Aba, interesado,” tumatawang sabi ni Angela.

"Para naman masayawan mo ako,” sagot ni Danilo. “E, di feeling sheikh ako niyon.”

Tawanan silang lahat.

Nang magtawag ng mga single ladies para sa bouquet ceremony, inalalayan pa ni Gabriel si Nina sa pagtayo.

"Ilagan mo,” bulong nito sa kanya. “Tsatsansingan ka lang ng makakakuha ng garter, e.”

"Aba, mukhang masaya iyon,” pilya ang ngiting sagot niya rito.

Dumilim ang mukha ni Gab.

Wala naman talagang balak si Nina na saluhin ang bouquet nang makihanay siya sa mga dalaga sa may likuran ni Bea. Maisip lang na niya may kung sinong lalaking maglalagay ng garter sa kanyang hita, kinikilabutan na siya. Gusto lang niyang inisin si Gabriel kanina kaya iyon ang isinagot niya.

Nang ihagis ni Bea ang bouquet, humakbang agad paabante ang medyo may edad nang dalagang katabi ni Nina. Mukhang desidido itong manalo. Kaso, nang abutin nito ang lumilipad nang bouquet, lumampas iyon at tumama sa may ulo nito. Nagulat siguro ang babae kaya natapilok sa paghakbang. Ang bouquet naman, nag-landing sa mismong dibdib ni Nina. Instinctively, hinawakan niya iyon bago pa mahulog.

Hiyawan at palakpakan ang mga tao. Saka lang na-realize ni Nina na siya ang nakasalo sa bouquet.

"We have our bachelorette,” sabi ng emcee. “And now, will the bachelors please come forward for the garter ceremony?”

Nakita ni Nina na nagsipagtayo ang lahat ng mga lalaking nagpakilala sa kanya kanina. At may mga nadagdag pang hindi pa niya nakikilala. Parang kayrami naman yatang mga binata sa mga bisita.

Nang magsipuntahan sa harap ang mga iyon, pawang nakangiti sa kanya. Pakiramdam ni Nina, isa siyang premyong makakamtan ng kung sino mang makakasalo ng garter na ihahagis ng groom. Ginapangan siya ng kilabot.

Hinanap ng kanyang mga mata si Gabriel.

Mabilis na rin itong humahakbang patungo sa harapan. Masama ang tingin sa kanya.

"Please God, please God, ipasalo mo kay Gab ang garter!” hiling ni Nina.

Saka na niya sasalubungin ang galit nito.

 

Nang makita niyang si Nina ang nakasalo ng bouquet, kamuntik nang mapamura si Gabriel kahit hindi siya sanay magmura.

Lalo naman nang makita niya kung gaano karaming lalaki ang nagsitayo para makiagaw sa garter na isusuot sa hita ng dalaga.

Nakita rin niyang maging si Nina ay mukhang naalarma. As usual, hindi nito gaanong pinag-isipan ang kanyang warning. Huli na nang ma-realize nito ang pinasok na sitwasyon.

Binalingan ni Gabriel si Rafael.

"We’ve got to save her, brother,” sabi niya rito. “Alalayan mo ako. Kapag hindi ko nakuha for any reason at all, make sure na ikaw ang makakakuha.”

At nagmamadaling pumunta na siya sa harapan.

Nakita niya ang panic sa mga mata ni Nina nang magtama ang kanilang paningin. Gusto niya sana itong kalmahin pero nangingibabaw ang kanyang pagngingitngit sa ginawa nitong pagwawalang-bahala sa kanyang babala. At sa paglalagay nito sa sarili sa alanganin. Kaya hindi niya maitago ang galit sa dalaga.

Pagdaan ni Gabriel sa harap ni Mikael, hinuli niya ang paningin ng kapatid. May tahimik na mensahe siyang ipinarating dito. Na agad namang naunawaan nito.

Front and center ang pwesto ni Gabriel. Doon na siya dumiretso kahit pa may mga nauna sa kanya. Alam niyang sa ganoong okasyon, hindi makakaangal ang ibang lalaki.

Nang ihagis ni Mikael ang garter, daig pa ni Gabriel ang basketball superstar sa taas ng kanyang talon. Wala na ngang ibang makakakuha ng garter dahil inagaw na niya iyon sa ere.

Pagkahigpit-higpit ng kanyang paghawak sa kapirasong lace garter. Para bang may aagaw pa niyon mula sa nakakuyom niyang kamao.

Hiyawan at palakpakan uli ang mga tao.

"We have a lucky bachelor!” sabi ng emcee. “And now, our lucky bachelor shall put the garter on our bachelorette!”

Hiyawan at palakpakan uli ang mga bisita.

Saka lang naisip ni Gabriel ang sunod na magaganap.

 

Ganoon na lang ang pasasalamat ni Nina nang masalo ni Gabriel ang lace garter. Para siyang nasagip nito mula sa kung anong malagim na kapalaran.

Nang papuntahin sila ng emcee sa harapan, malapad ang ngiting isinalubong niya sa kanyang tagapagligtas.

"Thank God, ikaw ang nakakuha niyan,” sabi niya.

"Are you sure?” madilim pa rin ang mukhang sagot nito.

Saka naalala ni Nina na inaakala nga pala nitong hayagan niyang binalewala ang paalala sa kanya. Paano pa niya ngayon ipapaliwanag na hindi naman niya sinadya?

"I think someone has to teach you a lesson,” sabi pa ni Gabriel sa boses na silang dalawa lang ang nakakarinig. “You still don’t know men. I’ll show you what men are capable of doing.”

Kinabahan si Nina. Ngayon lang niya nakitang ganito si Gab. Galit na galit.

Hinanap ng kanyang mga mata si Angela. Parang gusto niyang magpasaklolo. Pero busy si Angela. Inaalalayan ang bride na mukhang masama ang pakiramdam. Naroon din nga si Mikael.

Naisip tuloy ni Nina, sana si Rafael na lang ang nakasalo sa garter. Safe pa rin siya. At hindi niya kakailanganing harapin sa ganitong paraan ang galit ni Gabriel.

Pero wala na siyang magawa. Iginigiya na siya ng wedding coordinator patungo sa silyang nasa kalagitnaan ng tent. Tinuruan pa siya kung paanong umupo sa edge lang ng silya. Kailangan daw niyang bigyan ng access si Gabriel para maisuot nang maayos ang garter sa kanyang hita.

Tanging konsolasyon na lamang ni Nina na nasa gitna sila ng maraming tao. Ano nga ba ang magagawa ni Gabriel sa kanya roon? Pero nanlalamig pa rin siya nang maupo.

Lumuhod si Gabriel sa kanyang harapan. Iba ang ekspresyon ng mukha nito nang tumitig sa kanya. Lalaking-lalaki.

Kung dati ay kinikilabutan na si Nina kapag tinitingnan siya nang ganoon ng ibang lalaki, ngayon ay may kakaibang kuryenteng gumapang sa kanyang buong pagkatao. Nawala ang kanyang panlalamig. Nahalinhan ng init. Para siyang nagba-blush pero hindi lang sa mukha kundi sa buong katawan.

Naririnig niyang may sinasabi ang emcee pero hindi na rumerehistro sa kanyang isip ang mga salita. Nakasentro na kay Gabriel ang kanyang buong atensyon.

Gusto niyang bawiin ang kanyang tingin pero para siyang nahihipnotismo nito. Hangga’t nakatitig ito sa kanyang mga mata ay hindi rin siya makabitiw.

Hinawakan ni Gabriel ang kanyang binti para iangat ang kanyang paa mula sa sahig. Pakiramdam ni Nina, may ilang boltahe ng kuryenteng tumama sa kanya. Kumapit ang kanyang mga kamay sa gilid ng silyang kanyang kinauupuan. Mahigpit. Nagsimulang bumilis ang kanyang pulso.

Isinuot ni Gabriel ang puting lace garter sa kanyang paa, hanggang sa kanyang bukung-bukong. At magmula roon, humawak na ang dalawang kamay nito sa kanyang binti at dahan-dahan, pahaplos, na itinaas ang garter.

Napakagat-labi si Nina. Bawat pulgada ng kanyang balat na nadaraanan ng mga kamay ni Gabriel ay nagiging napakasensitibo. Para siyang nakikiliti na hindi niya maipaliwanag. Tumitindi ang kuryenteng lumalatay sa kanyang buong katawan.

Lalo na nang dumako ang mga kamay ni Gabriel sa kanyang tuhod at humaplos ang mga daliri nito sa kanyang alak-alakan. Kamuntik nang mapakislot ang dalaga. Alam niyang wala siyang kiliti roon. Kilalang-kilala niya ang sariling katawan. Pero bakit ngayon, parang biglang naging sentro ng lahat ng kanyang pandama ang bahaging iyon?

Lalong naging mapanukso ang haplos ng mga kamay ng binata habang paakyat sa kanyang hita.

"Higher! Higher!” nanggagatong na sigaw ng mga bisita.

Sinunod naman ni Gabriel. Paakyat nang paakyat ang mga kamay nito, Hanggang sa umabot ito sa ilalim ng kanyang damit. Hanggang sa konti na lang at aabot na ang mga daliri nito sa sugpungan ng kanyang mga hita.

Umawat na ang mga kamay ni Nina sa mga kamay ni Gabriel. Nakikiusap ang kanyang mga mata rito.

Para namang naalimpungatan ang binata. Tumigil agad ito at binawi ang mga kamay.

Palakpakan at hiyawan ang mga tao.

Si Nina, nangangatal pa rin sa kanyang kinauupuan.

Nang alalayan siya ni Gabriel para tumayo, medyo mailap ang mga mata nito. Mabuti na lang dahil parang hindi pa rin makatingin si Nina nang diretso sa binata.

Tahimik sila pagbalik sa mesa. Nagkataon pa namang dadalawa na lamang sila roon. Nag-iikot na sina Angela, Danilo at Rafael sa pag-iistima sa mga bisita.

Binuksan agad ni Gabriel ang bote ng red wine sa mesa.

"Wine?” tanong nito sa kanya.

"Please,” sagot ni Nina.

Tahimik silang uminom.

 

Gustong iuntog ni Gabriel ang sariling ulo sa pader. Ano ba ang pumasok sa kukote niya’t naisip niyang gawin iyon kay Nina?

Galit na galit lang kasi siya kanina. Gusto niyang turuan ng leksyon ang dalaga. Gusto niyang ipadama rito kung ano ang pwedeng gawin dito ng ibang lalaki sa ganoong sitwasyon para madala at hindi na muling magwalang-bahala.

Pero siya na dapat ay nagtuturo ng leksyon ang mismong nadala ng pagkakataon. Nawala siya sa sarili. Para siyang nabatobalani ng kagandahang kanyang kaharap. Hindi na nga niya halos namamalayang nasa harap sila ng publiko. Basta’t nakasentro na lamang ang kanyang buong kamalayan sa paghaplos sa makinis na binti at hita ni Nina habang ninanamnam ang bawat reaksyon ng dalaga. Kung hindi siya pinigil ni Nina, hindi niya alam kung saan siya umabot.

Hiyang-hiya siya ngayon sa kanyang ginawa.

 

 



Add this page to your favorite Social Bookmarking websites
Digg! Reddit! Del.icio.us! Google! Live! Facebook! StumbleUpon! Newsvine! TwitThis
 
Comments
Add New RSS

Disclaimer: Comments posted here reflect our readers’ views and not the opinion of The Philippine Online Chronicles.

Write comment
Name:
Email:
 
Title:
Please input the anti-spam code that you can read in the image.

!joomlacomment 4.0 Copyright (C) 2009 Compojoom.com . All rights reserved."

Share on facebook

Booklat Videos


Get the Flash Player to see this player.
Disclaimer

Podcasts by Santiago Villafania