This is it,” sabi niya sa sarili. “There’s no turning back. Kailangang panindigan ko ito.”
Buong-buo na ang kanyang plano. At dito nakasalalay ang kanyang kinabukasan. Hindi pampinansyal. Mas mahalaga nang ‘di hamak kaysa roon. Ito ay ang personal niyang kaligayahan.
Alam niyang sasalubungin siya ni Gabriel. Ang hindi niya alam ay kung gusto ba niyang madaliin o iwasan muna ang kanilang pagkikita. May sapat na ba siyang lakas ng loob? Pero wala siyang choice. Gumugulong na ang mga pangyayaring siya rin mismo ang nagpasimula.
Naghahabulan ang mga pintig ng puso ni Nina. Makikita na uli niya si Gabriel!
Magmula nang maging best friend ng kanyang Kuya Anton si Gabriel Arcaniel, inidolo na niya ito. Noong simula, dahil lang kaibigan ito ng kuya niya. At syempre, sa batang isip ni Nina, pinakamahusay na batang lalaki ang pipiliin ng kuya niya na maging best friend.
Habang lumalaki sila, mas lalong humanga si Nina kay Gab. Lalo pa at inako na rin siya nitong best friend. Ang pag-idolize ay nauwi sa crush, na nahinog sa puppy love.
Palibhasa ay fifteen lang si Nina noong umalis ng Pilipinas, puppy love pa lang na matatawag ang kanyang baon na damdamin para kay Gabriel.
Pero sa murang edad na iyon ay naranasan na rin ni Nina ang heartache. Alam na alam din kasi niya ang kabuuan ng love story nina Gabriel at Lynn Figueroa.
Kababata nila sa Paraiso si Lynn. Kaklase ito nina Gabriel at Anton. At nasa elementary pa lang din sina Gabriel ay crush na crush na nito si Lynn.
Kasama si Nina sa lahat ng mga pag-uusap tungkol kay Lynn. Kung ano ang kulay ng ribbon nito sa buhok ng araw na iyon. Kung kinausap ba nito si Gabriel ng araw na iyon. Kung ano ang sinabi nito kay Gab. Hindi alam ng dalawang lalaking kausap niya na nasasaktan siya sa lahat ng iyon.
Nasa second year high school sina Gabriel at Anton nang simulang ligawan ni Gab si Lynn. Third year na ang mga ito nang sagutin ito ni Lynn. Sa prom.
Ang sakit-sakit niyon lalo para kay Nina. Pero wala siyang magawa, siyempre. Ni walang nakakaalam sa feelings niya para kay Gabriel.
Isa pa, sabi niya sa sarili, ano’ng magagawa niya kung sa iba in love ang mahal niya? Hindi naman madidiktahan ang puso.
Naging parang movie fan na lang si Nina na nakatanghod sa kanyang idolong love team. Ganoon ang tingin niya kina Gabriel at Lynn.
Lalong umigting ang paghanga niya kay Gab dahil sa tindi ng pagmamahal at pangangalaga nito kay Lynn. Lahat ng pinapantasya niyang gawin sana nito para sa kanya, ginagawa nito para kay Lynn. Araw-araw na pinadadalhan ng sweet love notes. Tinatawagan gabi-gabi para magsabi ng “Good night. Sweet dreams. I love you.”
Alam ng buong Colegio Del Paraiso — ng buong Paraiso na rin yata — kung gaano kamahal ni Gabriel Arcaniel si Lynn Figueroa. Pero, higit sa lahat, alam na alam ni Nina.
Sa kanya nagpaturo si Gabriel kung paanong mag-bake ng chocolate cake para mairegalo nito kay Lynn. Sa kanya laging nagpapatulong pumili ng flowers na bibilhin para ibigay kay Lynn. Ang mga love poems na isinusulat ni Gab para kay Lynn, sa kanya muna ipinababasa. Kapag nagtatampo si Lynn, si Nina ang tinatanong ni Gab kung paano ito paaamuin.
At buong-puso namang nagbigay si Nina — all for the love of Gabriel.
Wala siyang inaasahang kapalit kundi ang friendship ni Gab. Masaya na siya roon kung iyon lang ang pwede niyang maangkin.
Hanggang sa kanyang pag-alis papuntang States, heartbroken si Nina. Ang naging tanging konsolasyon niya ay maligaya si Gabriel sa piling ni Lynn na noon ay sa UP Diliman na rin nag-aaral.
Pagdating sa States, nag-iba ang buhay ni Nina. Sa isang private school siya ipinasok ng kanyang Uncle Gerry. Panay anak-mayaman ang mga kasama niya roon. Siya man, anak-mayaman na ring naturingan.
Doon nagsimulang mag-bloom si Nina. Kung sa Paraiso kasi ay mataba ang tingin sa kanya, sa States ay normal lang ang kanyang kabilugan. Marami pa nga roong higit na mas mataba sa kanya.
Hindi na siya naasiwang magsuot ng mga stylish at fashionable outfits. Walang nagsasabing hindi bagay sa kasingtaba niya ang ganoon — hindi tulad ng mga nanlalait sa kanya noon sa Pilipinas. Sa States, kahit gaano kataba, may karapatang magsuot ng kahit na ano.
Kapag nakasuot si Nina noon ng sexy na outfit, iniisip niyang sana nakikita siya ni Gab. Pagkatapos, maaalala niya kung gaano ka-slim si Lynn at kung gaano kahusay magdala ng damit na parang supermodel. Semplang na naman ang kanyang ilusyon. Pasalamat na lang siya na malayo siya sa kanila at hindi siya direktang maikukumpara kay Lynn.
Nagkaroon din naman si Nina ng maraming admirers. Pero wala siyang nagustuhan. Wala sa kanilang katulad ni Gabriel. Ni hindi siya nakipag-date nang solo. Laging group dates lang.
Dati nang may kumpiyansa si Nina sa sarili, liban nga lang sa pagbibihis. Nang mawala ang kanyang mga hang-ups sa fashion, higit na tumaas ang kanyang self-confidence. Huwag nga lang niyang ikukumpara ang sarili kay Lynn.
Kasabay ng bagong interes sa fashion, natuto rin si Nina ng healthy eating habits at nawili sa dance lessons — modern jazz, interpretative jazz, street dance. Unti-unti, ang kanyang baby fat ay naging womanly curves.
Pero hindi siya pumayat. Tumangkad lang at naging makurba. Lumiit ang beywang. Naging voluptuous.
Noong tumuntong si Nina ng 18, sa kanyang unang taon sa kolehiyo (dahil kinailangan niyang tapusin hanggang Grade 12 sa high school), naisip niyang hindi na pwedeng buong buhay siyang iibig sa isang taong may ibang iniibig. Panahon na para pakawalan niya ang sarili sa pagkakatali sa kanyang imposibleng ilusyon. Kailangan na niyang ibaling sa iba ang kanyang paningin.
Marami pa ring interesado sa kanya kaya sinimulan niyang makipag-date. Friendly dates lang muna para mas makilala niya ang kanyang mga prospect. Agad niyang dinidispatsa iyong mga halatang hindi naman naghahanap ng seryosong relasyon. Maraming ganoon. Gusto lang maka-score.
May ilan din namang nakilala si Nina na matitinong lalaki. Mayroong Pilipinong doon na lumaki sa States. May Filipino-American. Mayroon ding mga purong Amerikano. Mababait naman. Matatalino. Seryoso sa kanya. Pero hindi talaga siya ma-in love.
Hindi na bale, sabi ni Nina sa kanyang sarili. Siguro, mahirap lang talaga makahanap ng taong mamahalin. Pwede na rin kahit tipo na lang ng lalaking mayroon ng lahat ng mga katangiang hinahanap niya. Makikipagsapalaran na rin siyang makipag-boyfriend. Tutal, bata pa naman siya. Hindi pa iyon kinakailangang magtuloy sa kasalan. Gusto lang niyang maranasan muna kung paanong magka-boyfriend.
Pumili nga siya ng isa — si Jon. Filipino-American na ipinanganak na sa States. Mabait, magalang, matalino, may sense of humor. Matangkad at gwapo. Ideal boyfriend talaga.
Tuwang-tuwa si Jon nang sinagot niya. Pero nang hagkan siya nito sa mga labi, umigkas si Nina. At pareho silang nagulat sa kanyang reaksyon.
Buong akala niya, handa na siya roon. Tanggap na niyang si Jon ang kanyang magiging kauna-unahang boyfriend. Samakatuwid, ito rin dapat ang kanyang kasalo sa kanyang first kiss. Sa edad niyang 18 sa States, masyado na nga siyang huli sa panahon.
Pero nang hagkan siya ni Jon, pakiramdam ni Nina ay may pinanghihimasukan itong teritoryo na masyadong pribado. Na wala itong karapatang pasukin.
Ang tanging lalaki kasi na nai-imagine ni Nina na humahalik sa kanya ay si Gabriel. Noon pa, hindi na niya ma-imagine ang sarili na kasalo ang ibang lalaki sa ganoon ka-intimate na sitwasyon. Akala niya, sa pagdaan ng panahon, kaya na niya. Hindi pa rin pala.
Hindi rin tuloy sila nagtagal ni Jon. Ito na mismo ang kumausap sa kanya at nagsabing walang mararating ang kanilang relasyon kung ganoong hindi man lang niya maatim na magpahalik dito. Ang ibig sabihin daw niyon ay hindi naman niya ito mahal.
Oo nga naman. Aminado si Nina.
Pero hindi siya tumigil doon. Patuloy siyang naghanap ng lalaking maaaring makapalit sa pwesto ni Gabriel sa kanyang puso. Kahit hindi niya mahal. Kahit nga paghanga na lang ang kanyang madama para sa lalaking kanyang mapipili, payag na siya.
Nakailang boyfriend din si Nina. Walang nagtagal. Sino ba naman kasing boyfriend, lalo na sa States, ang papayag sa hindi lang “no touch” kundi ni wala man lang halik sa lips? At parang nandidiri pa siya sa kahit na anong intimacy na sisimulan ng mga ito. Nagrerebelde ang kanyang buong pagkatao. Hindi niya maitago.
Nagsimulang mag-alala si Nina noong isa sa mga naging boyfriend niya ang nagsabing baka kailangan niyang kumausap ng therapist. Baka raw may problema siya sa kanyang senswalidad. Baka siya frigid.
Kahit alam na niyang ang puno’t dulo ng lahat ay ang kanyang itinatago pa ring pag-ibig kay Gab, kumunsulta si Nina sa isang mahusay na counselor. Isiniwalat niya rito ang lahat-lahat.
Sumang-ayon sa kanya ang counselor. Mabuti raw at alam na niya kung saan nagmula ang kanyang hang-ups. Pero para makasigurong hindi nga naapektuhan ang kanya mismong senswalidad bilang isang babae, iginiya pa rin siya nito sa iba’t ibang activities na magpapatunay sa kanyang pagtingin sa senswalidad ng kanyang pagkatao.
Kumuha si Nina ng Tantric Yoga classes. Doon itinuturo ang mga yoga poses at exercises na makapagpapatingkad at makapagbibigay ng control sa sexual desires ng isang tao.
Kumuha siya ng belly dancing at flamenco dancing lessons para idagdag sa kanyang koleksyon ng dance lessons. Nakaka-enhance raw kasi ng sensuality ang belly dancing at flamenco.
Nag-workshop siya para sa aromatherapy oils and body massage para lalong makilala ang sariling katawan.
Sumali rin siya sa workshop na “Unleashing Your Inner Goddess” para higit pang ma-explore ang kapangyarihan ng kanyang pagkababae.
Pagkatapos ng lahat ng iyon, ang naging conclusion ni Nina – kasama ng kanyang counselor at lahat ng naging mentors – ay isa siyang very sensuous woman. Wala siyang problema sa kanyang senswalidad.
Ang problema ay kung kanino lang siya nakadarama ng ganoong atraksyon.
Sinubukan niyang i-imagine na si Gab ang kanyang kasamang lalaki. Lalong nadisgrasya dahil lalo lang tumingkad sa kanyang paningin ang mga pagkakaiba ng mga ito. Sabi nga sa kanya ng counselor pagkatapos niyang ikwento ang kanyang eksperimento, hindi talaga magtatagumpay ang anumang pagtatangka niyang linlangin ang sarili.
Patuloy na naghanap si Nina. Ayaw kasi niyang tumandang nag-iisa. Naiinggit siya sa kanyang Mama na nakatagpo pa ng pangalawang pag-ibig. Siguro naman, mayroon pa ring isa pang lalaki na para na talaga sa kanya. Na iibigin niya tulad ni Gabriel at iibig din sa kanya.
Pagkatapos, nabalitaan niya ang nangyari kina Gabriel at Lynn two years ago, bago naaksidente sina Abe at Cielo Arcaniel.
Kay Gabriel niya mismo nalaman ang mga pangyayari, sa kanilang regular na chat sa internet. Bigla na lamang daw nakipagkalas dito si Lynn. Na-realize raw ni Lynn na napakabata pa nito para matali sa iisang lalaki. Ni hindi raw ito nagkaroon ng chance na makakilala ng maraming iba pang lalaki bago nagka-boyfriend. Naghanap ito ng space. Nang room to grow. Nag-apply para mag-aral ng post-graduate course sa New York. Iniwan si Gab.
Damang-dama ni Nina kung gaano nasaktan si Gabriel. Parang nagunaw ang mundo nito. Gumuho ang matagal nang naitayong mga pangarap na panay kasama si Lynn.
Mahusay lang talaga magtago ng niloloob ang binata dahil ang mga pinakamalalapit lang dito ang nakakita ng kung gaano ito nagdusa. Masaya pa rin ang mukhang ipinakita ni Gabriel Arcaniel sa mundo. Cool na cool.
Pero si Nina, nakidalamhati kay Gab. Alam na alam niya kung gaano kasakit ang pinagdaraanan nito dahil kung gaano kamahal ni Gabriel si Lynn ay ganoon niya kamahal si Gab.
Hindi na puppy love. Hindi na infatuation na lamang. Ang baun-baon niyang damdamin para sa binata ay nag-kaugat na sa kanyang ganap na pagdadalaga. Sobra-sobra nga ang damdaming iyon para matabunan ang lahat ng kanyang pakikitungo sa ibang lalaki. Alam na ni Nina: she’s deeply in love with Gabriel.
Ang nakakalungkot, pareho na sila ni Gab na hopelessly in love sa mga taong hindi in love sa kanila.
Nasundan pa ang heartbreak ni Gab ng mas malaking trahedya – ang pagkamatay ng mga magulang nito sa plane crash nang taon ding iyon.
Uuwi sana sina Nina at Anton sa Pilipinas para makiramay. Pero nagka-mild stroke ang kanilang Uncle Gerry at hindi nila ito maiwan.
Akala ni Nina, bibigay na si Gab. Ilang linggo rin sila noong inuumaga sa telepono, nag-iiyakan. Pero, tulad ng dati, matatag ang mukha nitong iniharap sa ibang tao.
Sa ibang larangan bumigay si Gab. Nalaman na lang ni Nina ang bagong lifestyle nito. Ang pagkakaroon ng kaliwa’t kanang mga fling.
Wala namang inilihim sa kanya ang binata. Kumpleto ang argumento nito tungkol sa bagong pilosopiya sa buhay.
I just enjoy them and let them enjoy me. No expectations and no promises. Para walang nasasaktan. Para lagi lang masaya,” sabi ni Gab.
Ang kakatwa, napansin ni Nina na ganoon din ang nangyari sa kanyang Kuya Anton. At pagkatapos din nitong makaranas ng heartbreak.
Inisip tuloy niya, ganoon na nga siguro ang pinakamabuting gawin. Kung hindi rin lang makakahanap ng taong mamahalin, e di panandaliang kaligayahan na lang ang hanapin. Hindi naman mauubusan niyon. Kung wala kang expectations, hindi ka madi-disappoint at hindi masasaktan.
Bihira na nga lang siguro ang nabibiyayaan ng lifetime happiness with your one true love. O ang nabibigyan ng second chance at love tulad ng kanyang Mama.
Sabi ni Nina sa sarili, maaaring ganoon na rin ang lifestyle na piliin niya. If it’s good enough for her Kuya Anton and for Gabriel, it’s good enough for her.
Pero ang problema pa rin ay kung paano niya magagawa iyon gayong naka-lock-in lang yata talaga kay Gabriel ang lahat ng pandama ng kanyang buong pagkatao. Kailangan muna niyang masolusyunan ang napaka-basic na problema niyang ito. She has to get Gabriel out of her system.
Iyon ang pansariling misyon ni Nina sa kanyang pagbabalik sa Manila.
Pagkatapos, sa airport, nakita niya si Gab. Nagtama ang kanilang paningin. Hindi na niya napigil ang kanyang sarili.
Gab! I’m home!” sigaw ni Nina habang tumatakbong payakap sa kaisa-isang lalaking kanyang minamahal.
Isang mainit na halik ang agad niyang iginawad sa pisngi nito.
Nang yumakap din ang mga bisig ni Gabriel paikot sa kanya, pakiramdam ni Nina ay gusto na niyang mamalagi roon nang habampanahon.
Doon niya napatunayang wala nga siya talagang problema sa kanyang pagkababae at sa kanyang senswalidad. Everything’s perfect. Except that everything’s perfect only when she’s with Gab.
At ito ang kailangan niyang hanapan ng solusyon.
Twitter
Digg
Del.icio.us
Reddit
Yahoo
Googlize this
Facebook










