Ang talagang orihinal na best friend ni Gab ay ang kuya ni Nina na si Anton. Pero dahil dadalawa ang magkapatid at laging nakabuntot si Nina kay Anton, pati ito ay naging kabarkada na rin niya. Magkakasama silang lumaki sa hometown nilang Paraiso, North of Manila.
Si Gab ang isa sa apat na anak ng yumaong Abe at Cielo Arcaniel. Babae ang panganay nilang si Angela at panay lalaki naman ang triplets na kinabibilangan niya. Panggitna si Gabriel kina Mikael at Rafael. Dahil fraternal triplets, magkakahawig lamang sila at hindi eksaktong magkakamukha.
Dating hacendero ang angkang Arcaniel, na nag-shift na sa iba’t ibang negosyo. Ngayon ay hawak ng panganay na si Angela ang Jardin Paraiso, isang residential resort sa bayan ng Paraiso. Hawak ni Mikael ang Arcaniel Construction Corporation at ang Residencias Paraiso, isang residential subdivision sa Libis, Metro Manila. Si Rafael naman ay may foundation, ang Circulo Paraiso na siyang pantulong ng pamilya sa mga nangangailangan.
Ang mina-manage ni Gabriel ay ang Paseo Paraiso. Isa itong business complex sa may Ortigas na may malawak na mall, dalawang office towers at isang five-star hotel.
Batambata pa para maging CEO ang 24-year-old bachelor. Pero lahat naman kasi silang magkakapatid ay maagang isinalang ng kanilang yumaong mga magulang sa business. Nasa college pa lang sila ay pinagtrabaho na sa kanya-kanyang assigned project.
Hindi nagkamali ng strategy ang mag-asawang Arcaniel dahil handang-handa na ang magkakapatid nang iwan ng mga ito. Namatay sa isang airplane crash sina Abe at Cielo dalawang taon na ang nakararaan.
Hindi kasing-yaman ng mga Arcaniel ang dating pamilya Montero. Propesor sa Colegio Del Paraiso ang ama nina Nina at Anton na si Augusto. Midwife naman sa isang private clinic ang ina ng mga ito na si Nelia. Simple man ang buhay ng pamilya, mataas naman ang respeto ng mga kababayan kina Augusto at Nelia.
Hindi kailanman naging isyu sa pagitan nina Gabriel, Anton at Nina ang mga pampinansyal na katayuan ng kani-kanilang mga pamilya. Basta’t noong naging magkaklase sina Gabriel at Anton sa kindergarten, naging mag-best friends na sila agad. At nakabuntot na agad nila ang paslit pa noong si Nina.
Dalawang taon ang itinanda nina Gabriel at Anton kay Nina. Hindi rin iyon naging hadlang para maging magkakasundo sila. Close na close kasi ang magkapatid. Hindi tulad ng ibang kuya si Anton na iniitsa-pwera ang mas nakababatang kapatid, lalo na at babae. Kaya si Gabriel, nasanay nang kasama nila palagi si Nina.
Isa pa, para naman kasing “one of the boys” si Nina. Hindi maarte. Hindi madaling mandiri. Lahat ng gustong laro nina Gabriel at Anton, game rin ito. Iyon nga lang, medyo bano ito sa sports. Kung talagang hindi nito kayang makipagsabayan, nag-e-enjoy pa rin itong manood at mag-cheer. Hindi killjoy.
At ang cute-cute ni Nina. Tuwang-tuwa si Gabriel sa pagka-rolypoly nito. Tabachingching na napakaganda ng mukha. Para talagang baby doll.
Nasa grade six sina Gabriel at Anton, at grade four naman si Nina, nang mamatay si Augusto Montero. Pati si Gabriel, sobrang apektado ng trahedyang iyon. Nakiiyak siya at nakidalamhati sa magkapatid. Madalas nga siya noong doon natutulog sa bahay ng mga ito. Naunawaan naman siya at pinayagan ng kanyang mga magulang.
Mas lalo silang naging naging close na tatlo pagkatapos niyon. Para silang binigkis ng pagkamatay ni Augusto.
Si Nelia naman, naging malungkutin. Kaya nga mga kamag-anak na rin mismo nito sa States ang nag-udyok sa biyuda na makipagsapalaran doon. Mas lalo raw itong hindi makaka-recover sa Paraiso kasama ng lahat ng mga alaalang iniwan ni Augusto.
Para na rin sa kinabukasan ng mga anak, lumarga si Nelia noong nasa fourth year high school sina Gabriel at Anton, at nasa second year naman si Nina. Sa tulong ng mga kamag-anak, nakakuha ito ng magandang trabaho bilang nurse sa isang ospital sa California.
Hindi akalain ni Gab na pagkaraan lang ng isang taon ay kakaunin na ni Nelia sina Anton at Nina.
Nasa college noon sina Gabriel at Anton, sa UP Diliman. Isinama rin ni Anton si Nina sa Quezon City at inilipat sa Miriam College High School. Third year pa lang ang dalaga. Nagbo-board ang magkapatid sa isang pinsan ni Nelia na nakatira sa Sikatuna Village, malapit lang sa naturang mga eskwelahan.
Si Gabriel noon ay nakatira na sa isang unit sa Residencias Paraiso, kasama ng kanyang mga kapatid. Bagung-bago pa noon ang subdivision.
Nang padalhan ni Nelia ng ticket sina Anton at Nina, parang mabibiyak ang puso ni Gabriel. Pero nangako silang magkakaibigan na hindi magkakalimutan.
Mabuti na lang at may email at chat sa internet. Hindi nga naputol ang kanilang koneksyon. Halos araw-araw pa rin silang nag-uusap. Iyon nga lang, mas si Nina ang nakakapalitan ni Gabriel ng email at nakaka-chat. Si Anton kasi, tamad sumulat at hindi mo mapapaupo sa harap ng computer nang matagal kung hindi rin lang sa game. Mas gusto nitong mga tao mismo ang kaharap.
Nalaman na lang ni Gabriel na kaya pala minadali ni Nelia ang pagpunta ng mga anak sa States ay dahil nagkaroon ito ng masugid na manliligaw. Naging pasyente nito si Gerry Delano nang masipa ang biyudong Californian ng alagang kabayo. Doon nagsimula ang ligawan. Ayon sa magkapatid, napakabait daw ni Gerry. Minahal din nito maging ang mga anak ni Nelia. Bonus pa na isa pala itong multi-millionaire na nagmamay-ari ng isang vineyard at winery sa California.
Sa isang iglap, nabago ang buhay ng mag-iinang Montero nang ikasal si Nelia kay Gerry Delano. Lahat ng pangangailangan at maging luho ng mag-iina ay buong-pusong ibinibigay ni Gerry. May trust fund na nga raw agad ang magkapatid. Wala na silang aalalahanin pa sa buhay.
Updated si Gabriel sa bawat detalye ng mga nagaganap kina Nina at Anton. Para pa rin silang magkakasama. Iyon nga lang, siyempre, nami-miss niya rin talaga ang physical presence ng dalawa sa buhay niya.
Pagkatapos, six months ago, biglang nag-anunsiyo si Nina na gustong umuwi ng Pilipinas at magtayo ng boutique sa Paseo Paraiso Mall. Nakapag-ipon na raw ito ng sapat na pang-kapital mula sa allowance na mula kina Nelia at Gerry.
Gulat na gulat si Gabriel.
“Ano na namang gimmick ito?” tanong niya sa dalaga. “Ang ayus-ayos na ng kalagayan ninyo riyan, bigla kang uuwi rito?”
“Akala ko ba, miss na miss mo na ako?” pakli ni Nina.
“Of course, I miss you,” sabi ni Gabriel. “Pero pwede ka namang magbakasyon dito. Noon pa nga kita inaaya, hindi ba? Ang hindi ko maintindihan ay iyong dito ka bigla magtatayo ng boutique. Lalayo ka kina Anton at Tita Nelia?”
“Hindi ko naman kasi type ang mag-handle ng vineyard at winery,” sagot ni Nina. “Si Kuya na ang nakatoka na mag-manage niyon eventually. Full-time na nga siyang vice president ni Uncle Gerry roon, e. Ako naman, ibang linya ang gusto ko. I have a special kind of store in mind. Marami nang ganoon dito sa California pero hindi pa gaanong nagagawa riyan sa atin kaya I think I can develop the market there.”
“Marami nang mga boutique rito,” sabi ni Gabriel. “Nagsisiksikan. Tabi-tabi sa mall.”
“Not my kind of boutique,” sagot ni Nina. “You’ll be surprised. Iba ito. Basta, let me know kapag nagkaroon ka ng bakanteng pwesto sa mall.”
Hindi gaanong sineryoso ni Gabriel ang kaibigan. Pero nang may nagsara ngang pwesto sa Paseo Paraiso Mall, ikinuwento niya rin dito.
“Kukunin ko!” sabi agad ni Nina. “Let me know what I have to do. Magkano ang down-payment? Anu-ano ang requirements?”
“Sigurado ka?” pagdududa ni Gabriel. “Talagang handa kang tumira uli sa Pilipinas? Payag sina Tita Nelia at Anton?”
“Oo naman, ano,” natatawang sagot ni Nina. “Gab, I’m twenty-two years old. Hindi na ako teenager. At saka nandiyan ka naman. Hindi ako mag-iisa. Lalo na’t I intend to stay right there, sa isang serviced apartment ng hotel mo. Magiging magkapitbahay lang tayo.”
May apat na palapag ang Paseo Paraiso Hotel, sa ilalim lang ng penthouse, na nakalaan sa mga tinatawag na serviced apartments. Mga fully furnished luxury apartments ito na sineserbisyuhan ng maids at iba pang service personnel mula sa hotel. Kasing-convenient ng isang hotel room o suite pero kasing-kumpleto ng isang full residence.
Ang tinitirhan ni Gabriel na penthouse apartment ay maituturing ding isang serviced apartment. Iyon ang pinakamaluwag at pinaka-elegante sa lahat.
Sa monthly allowance na natatanggap ni Nina mula sa stepfather na si Gerry, barya lang na maituturing ang iuupa nito sa pang-VIP na serviced apartment. Kung tutuusin, hindi na kailangan pang magtrabaho o magnegosyo ni Nina. Pero naiintindihan ni Gabriel ang kagustuhan nitong mapatunayan sa sarili na kaya ring magpatupad ng sariling pangarap.
Hindi na niya inawat si Nina. Ang totoo niyon, masayang-masaya siya na magkakasama sila uli. Kahit hindi buong-buo ang barkada, okay na rin.
May kasangga na naman siya. Hindi na lang sa email o chat. Makakasama na mismo niya. Doon pa titira sa Paseo Paraiso. Siniguro nga ni Gabriel na ang apartment na pinakamalapit sa kanya ang maireserba para kay Nina.
May makakalaro na naman siya ng video games nang magdamagan. Hindi kasi iyon type nina Mikael at Rafael. Si Mikael, masyadong seryoso sa negosyo. Si Rafael naman, laging may volunteer work na pinagkakaabalahan. Para sa dalawa, pagsasayang lang ng oras ang paglalaro ni Gabriel ng video games.
Pero si Nina, alam niyang tulad niya ay naglalaro pa rin hanggang ngayon. Hindi nga lang video games kundi pati na rin roleplaying games. Madalas nilang mapagkwentuhan ang kanilang mga nilalaro sa chat. Nagkikita rin sila mismo sa mga online games.
Hindi pagsasayang ng oras para sa kanila ang paglalaro. Itinuturing nila iyon na therapy – pang-relax pagkatapos ng trabaho at paghahanda para sa susunod na pagsabak sa trabaho. May bonus pa dahil naniniwala silang nakakatulong ang mga larong iyon sa paglago ng kanilang pagiging imaginative at malikhain.
Magkasundo talaga sila ni Nina. Katulad ng kung gaano niya kasundo ang kapatid nitong si Anton. Kaya ngayong darating na si Nina, may katsokaran na uli si Gabriel.
Tamang-tama dahil nakakapagod na rin kung minsan ang kanyang lifestyle.
Sa magkakapatid na Arcaniel, si Gabriel ang pinaka-outgoing at sociable. Siya nga ang itinuturing na one-man PR, publicity and marketing team ng Arcaniel Group of Companies. Natural kasi sa kanya ang maging madaldal. Smooth-talker. Mahusay magkwento. Mahusay mangumbinse. Lahat ng tao ay madaling maengganyo sa kanya.
Laman si Gabriel ng lahat ng events na featured sa society and lifestyle pages ng mga dyaryo at glossy magazines. Lagi siyang imbitado. Bukod kasi sa gwapo at magaling manamit, life of the party pa siya. Laging napapaikutan ng mga admirers.
Kilala rin bilang isa sa mga most eligible bachelors ng Manila upper crust si Gabriel Arcaniel. Kahanay niya, siyempre, ang kanyang mga kapatid na sina Mikael at Rafael.
Ang kaibahan ni Gabriel ay ang kanyang reputasyon bilang playboy.
Si Rafael kasi, masyadong malihim. Hindi ito napagkikitang may ka-date na kung sinu-sino. Kunsabagay, bihira naman talagang napagkikita si Rafael sa social circles. Mas naglalagi ito sa mga proyekto nito sa mga probinsiya o sa mga depressed areas ng Metro Manila.
Si Mikael naman, kahit nagdi-date ng iba’t ibang babae ay malinaw na friendly dates lamang. Hindi nito idini-date ang isang babae nang mahigit isang beses lamang. Ayaw daw kasi nitong mapagkamalang nanliligaw kahit hindi naman.
Si Gabriel, iba. Siya kasi ang pinuputakti ng mga babae. At kahit malinaw niyang sinasabi sa lahat na wala siyang balak magka-girlfriend nang seryoso, marami pa ring nagboboluntaryong maka-fling niya. Payag sila kahit gaano kaikli o kahabang panahon. Payag sila kahit sabay-sabay. Mabigyan lang niya ng atensyon.
Walang ilusyon si Gabriel na in love sa kanya ang lahat ng mga babaeng iyon. Very much attracted, oo. At gusto nila kung paano siyang makitungo sa kanila. Ganoon lang. Parang simpleng pakikipagkaibigan — pero “with benefits.” Pinakamahalaga sa lahat, no strings attached. No commitments.
Hindi nakikipag-fling si Gabriel nang hindi malinaw ang rules. Sinisiguro muna niya na desidido ang babae at handang panindigan ang pinapasok na sitwasyon. Ayaw na ayaw niyang madawit sa isang set-up na kung saan may iiyak sa bandang huli. Rule number one ang hindi sila dapat ma-in love sa isa’t isa.
Kapag magkatulad sila ng paniniwala ng babae, para kay Gabriel, patas na ang laban. They can just enjoy each other’s company as two consenting adults.
Kaya ang buhay ni Gabriel, laging puno. Sa pagma-manage pa lang ng office towers, mall at hotel, puno na ang kanyang business and social calendar. Kailangan pa namang very visible sa lahat ng klase ng media – newspapers, magazines and television ang top man ng isang hotel at mall. Idagdag pa ang kanyang girls.
Hindi naman nagrereklamo ang binata. Kayang-kaya pa rin niya ang kanyang load. Still, he’s looking forward to being with Nina. Para kay Gabriel, she would be a very refereshing change from all the other women he’s been dealing with.
Kay Nina, pwede siyang mag-relax. No flirting involved. Buddy-buddy lang talaga. At pwede siyang magbukas ng kanyang niloloob. Wala naman kasing hindi alam si Nina sa buhay niya. Lahat, pwede nilang pag-usapan, bulatlatin at busisiin. Hindi siya kailangang mahiya, mailang o matakot na baka matsismis.
Nangiti sa sarili si Gabriel habang nagmamaneho.
“My best friend’s back!” sabi niya. “Happy days are here again!”
Nagkakandahaba ang leeg ni Gabriel sa pagsipat sa kararating na mga pasaherong palabas ng arrival area ng airport. Naghahanap siya ng matabang babae na maganda ang mukha at maliwanag ang ngiti. Siguradong si Nina na iyon.
Laking gulat niya nang may mamataang babaing kamukha ni Nina. Pero hindi ito ang Nina na inaasahan niyang makikita.
Ang alam niyang sasalubungin niya ay ang kanyang best buddy. Ang tabachingching na si Nina na madalas naka-jogging pants at loose T-shirt. Ang nakikita niyang babae na nagtataglay ng magandang mukha ni Nina ay hindi mataba. Hindi rin payat. Hinding-hindi mo matatawag na mataba o payat ang babaeng mabilog at malusog in all the right places pero may mga curves din naman kung saan dapat may curves. Ni hindi pwede tawaging slim. Walang ibang mahagilap na angkop na salita si Gabriel kundi “sexy.”
Si Nina, sexy? Hindi siya makapaniwala.
Maging ang suot nito ay napaka-provocative. Parang sadyang ipinangangalandakan ang mga angking katangian. Burnt orange spaghetti-strapped top na may gold-beaded V-neckline, hapit sa lahat ng curves. Stretch denim knee pants na yumayakap din sa lahat ng curves. Three-inch high platform sandals.
Overwhelmed si Gabriel. Biglang-bigla, parang hindi na niya alam kung paano sasalubungin si Nina.
Twitter
Digg
Del.icio.us
Reddit
Yahoo
Googlize this
Facebook










