Ngayong buwan, ipinagdiriwang natin ang buwan ng LGBT pride, at medyo nakalulungkot na hindi pa rin gaano napag-uusapan ang mga mahahalagang paksang hinaharap ng LGBT sa kasalukuyan. Marahil, dahil maraming mga kasapi sa federashon na namamayagpag sa larangan ng media, iniisip na ng karamihan na hindi na Isyu Calzado ngayon ang diskriminasyon laban sa mga bakla, lesbyana, bisexual, at transgender.
Mga kapatid, masakit man sa akin aminin, ngunit marami pa tayong kakaining bigas, anoh. Mahirap man tanggapin, subalit hindi pa rin natatanggap sa lipunan ang pagiging LGBT, lalo na ang mga bakla, na minamata, inaalipusta, at kung minsan pa, binubugbog. Kung inaakala ninyong progresibo na ang ating bansa pagdating sa pagkilala ng LGBT rights, nagkakamali ka.
Paano tayo humantong ditey? Paano naging talamak ang diskriminasyon laban sa atin habang lalo naman tayo lahat naging lantaran sa ating tunay na pagkatao? Marahil idinulot ito ng pagpaparaya ng lipunan sa mga munting pagpapamalas ng diskriminasyon laban sa atin. Dahil masyado natin pinupuna ang mga malalaking bagay, hindi natin sukat akalain na ang mga munting bagay mismo ang sumisimento sa kamalayan na pinangungunahan ng homophobia.
Wala namang masama na ipaglaban ang mga malalaking bagay, dahil ramdam na ramdam natin ang magiging epekto nito sa ating buhay: gawin nilang legal ang gay marriage, o di kaya magkaroon ng mga batas laban sa diskriminasyon laban sa mga ka-federasyon. Mga malalaking bagay lahat ng ito na hindi natin maikakailang mahalagang ipaglaban sa pagpapatuloy ng ating kasaysayan. Mangyari man lahat iyan, mahalaga pa ring isipin na ang maliliit na bagay, ang mga bagay na nakasanayan na natin at hindi masyadong pinapansin, ang mga maliliit na bagay na siyang magsasama-sama upang mabuo ang mga malalaking bagay na hanggang sa ngayon, hindi pa rin natin matibag-tibag. Habang may talakayan ukol sa RH Bill at diborsiyo, sino naman ang lumalaban upang maging legal ang gay marriage? Wala.
Malinaw na malinaw na kinakailangan nating tingnan ang mga maliliit na bagay dahil hindi tayo makakaabot sa malalaking bagay kung hindi natin ito pagtutuunan ng pansin.
Siguro, ating nakita kung paano nagiging hindi lang “maliit” ang “maliliit na bagay” ng sobrang lantaran sa nangyaring gulo kamakailan, ukol sa isang Jerzon Senador, na inilagay sa Facebook ang mga larawan ng kanyang pagmamaltrato sa kanyang alagang tuta. Malaki ba ang isyu? Maaaring sabihing malaki ang isyu dahil ginawa niya ito at ipinakita sa buong internet. Maaaring sabihing hindi naman dahil unang-una, hindi naman namatay ang kanyang alagang aso, at malinaw naman na sising-sisi siya sa kanyang ginawa nang na-tsuk tsak tienes siya ng libu-libong tao dahil nga naman abuso ang kanyang ginawa sa kanyang aso.
Opo, trulalu at walang halong eklavu, kinokondena ko ang kahayupang ginawa ni Jerzel sa isang inosenteng alaga. Salamat na lang at hindi tuluyang napahamak ang tuta sa kanyang ginawa. Tama lang na iharap siya sa batas upang masakdal at mapanagutan ang kanyang ginawa.
Ang hindi tama ay umastang mga Boyet Fernandez, na kulang na lang, paluhurin sa monggo ang salarin. Na sa kanilang galit sa kahayupang nagawa, mas hayop pa ang nais nilang gawin kay Jerzel, na tila ba may karapatan na silang maging husgado, hurado, at berdugo sa kanilang pagmamalinis. Ang sobrang galit na ibinuhos ng mga tao kay Jerzon Senador ay nakakapanlumo kung ihahambing sa naging pagkakamali at edad ni Jerzel. Opo, nagkamali siya. Opo, masama ang kanyang ginawa. Pero hindi po ito lisensya na pagbantaan ang kanyang buhay. Napakalupit naman ng mga tao kung magalit, na tila ninanamnam ang pagkakataong maramdaman na mabuti silang tao sa pamamagitan ng panggagatong sa isang pagkakamali ng isang tao. Pinagbabayaran na ni Jerzon ang kanyang kasalanan. Hindi na natin kailangan pang gumatong.
Hindi na natin kailangan pa iyan ihambing sa tila kakapiranggot na mga taong nagalit sa mga mas matitinding kalapastangang nangyari sa ating bansa. Malinaw naman na kahit hindi siya ihambing sa ibang mga isyu, masyadong lumaki ito hindi dahil sa kasalanan ni Jerzel, kundi dahil sa panggagatong ng mga kung sinu-sinong tao na ang bibilis manghusga sa kanya dahil hindi naman niya kayang pumalag.
At kung hindi ninyo napansin hindi din tama na tawaging "bakla" si Jerzon dahil sa kahayupang ginawa niya. At pinalusot lang natin itetchiwa.
Hindi poi to dapat ang maging larawan ng pagmamahal sa mga hayop: diskriminasyon, pagmumura, at pangungutya.
HOY! Nanahimik lang ang mga bakla dito. Wiz kaming kinalaman diyan, aber! Ano naman ang kinalaman ng pagiging bakla sa pagiging masamang tao?!? Sino ka para magmalinis, at matapos noon, husgahan hindi lamang si Jerzon, kundi maging ang mga baklang wala namang kamuang-muang diyan?!?
Sa lahat ng ikina-Yynez Venaracion ko, pangunahin na siguro ang gamiting isang insulto ang pagiging bakla. Bakit? Kailan pa naging insulto ang pagkatao ko? Hindi ba masama na ang pang-aabuso ng hayop? Bakit kailangan pa maging bakla ang isang mang-aabuso para lang mailarawan kung gaano katindi ang panlalapastangan sa iyong wari?
Ang masakit dito, hinayaan lang natin iyan. Hindi na tayo pumapalag sa sandaling may magsabing "ano itong kabaklaan na ito?" Sanay na tayong ginagamit na insulto ang ating pagkatao. Apparently, basta may masamang nangyayari, "kabaklaan" na ito.
Ang saya-saya naman. Araw-araw na lang na ginagawa ng Diyos, nagiging insulto, nagiging katatawanan ang mismong pagkatao ng inyong abang lingkod. Sanay na sanay na tayo.
At kailangan pa tayo pumayag na magpatrato na isang punchline lang? Bakit tayo pikit-mata at kibit-balikat sa sandaling gamiting insulto ang pagiging bakla, samantalang ito dapat ang ating labanan, lalo na at nasa kapangyarihan nating baguhin ito? Kung gamitin ang iyong pagkatao bilang isang insulto araw-araw, sa tingin mo ba, okay lang yun sa iyo? So bakit pumapayag tayo na gawing katatawanan at insulto lamang ang pagkatao natin?
Ito ang buwan ng LGBT pride. Ito ang buwan na dapat ipinagsisigawan natin sa mundo na oo, bakla ako, at hindi natin kailangang magpaliwanag o magbigay ng kung anu-anong palusot dahil walang nakakahiya sa pagiging bakla. Hindi kabaklaan ang ginawa ni Jerzon sa kanyang alagang tuta. Ito ay isang kahayupang nawa’y hindi niya ulitin sa kanyang tanang buhay o ng kahit na sino man.
Hindi kabaklaan ang maging duwag sa harap ng mga hamong kinahaharap ng isang tao. Alam mo ba ang lakas na loob na kailangang ipunin ng isang bakla upang aminin ang kanyang pagkatao? Alam mo ba na hindi lingid sa kanya ang magiging pangungutya, pagkadismaya, at panghuhusga ng lahat sa paligid niya?
Sana naman, sa ating pagkondena sa hindi makataong pag-uugali ni Jerzon Senador, maging makatao pa rin tayo. Otherwise, ano ang pinagkaiba natin sa kanya? Opo, nagkamali si Jerzon. Eh ano ngayon?!? Sino naman ang nagbigay sa iyo ng karapatang maging mas hayop pa sa kanya?!?
At higit sa lahat, eh ano ngayon yang animal rights, kung simpleng gay rights, hindi niyo naman ginagalang?!?
BABALA: Ang kolum na ito ay pawang saloobin ng isang bading (Na madalas nagsusulat para sa Sosyal section ng POC.) na sawang-sawa na sa pagiging joke dahil lamang bading siya. Hindi po joke ang pagkatao ng inyong abang lingkod. Hindi ito nangangahulugang sinasalamin nito ang saloobin ng Blogwatch at The POC, at kung sinasalamin man nito, Eh ano ngayon?!?
Photo: “2011 One City / One Pride” by Public Information Office, c/o Flickr. Some Rights Reserved
Twitter
Digg
Del.icio.us
Reddit
Yahoo
Googlize this
Facebook











para sa akin mas ok ang k-12 ngayong ...
—2012-05-24 20:37:42 ...
President Aquino has never been the P...
—2012-05-24 16:35:58 ...
not a stupid article at all. it's tru...
—2012-05-24 10:49:21 ...
What a stupid article. In any legal b...
—2012-05-24 02:57:14 ...
kahit gawin pa k 20 yan kung hindi ri...
—2012-05-21 10:15:15 ...