Napagwagihan ng pelikulang “Lola” ni Brillante Mendoza ang Muhr AsiaAfrica Best Feature Film sa katatapos na 6th Dubai International Film Festival sa Dubai, United Arab Emirates noong Miyerkules ng gabi sa Media City ng Dubai.
Personal na tinanggap ni Mendoza ang kanyang parangal at sinabing para ito sa karangalan ng Pilipinas.
Una nang naipalabas ang “Lola” sa ika-66 na Venice International Film Festival at ito ay pinuri ng maraming international filmmakers.
Kahit na huli nang naipasok ang pelikula sa Venice ay tinanggap ito nang buong puso ng komite.
Sinabi ni Lynda Casimiro, ang scriptwriter ng “Lola” na hindi maipaliwanag ang kaligayahan ni Brillante sa pagkapanalo ng kanyang obra.
“Tumawag agad sa akin si Boots [Agbayani-Pastor, isa ring scriptwriter] para ipaalam na nanalo ang ‘Lola.’ Tapos, si Brillante, tumawag din sa akin at hindi raw niya ma-contain ang kanyang kasiyahan,” pahayag ni Lynda.
Aminado si Casimiro na hindi madali ang paggawa ng “Lola” dahil sa maraming limitasyon ng pagsu-shoot nito.
“Kailangang gumamit pa kami ng artificial rain kahit na maulan noong nag-shoot kami,” pahayag ni Lynda.
Hinalaw ni Casimiro ang kuwento ng “Lola” mula sa isang balita sa telebisyon tungkol sa dalawang lola na nag-aaway sa presinto nang mahuli ang apo ng isang lola na nakapatay at napatay naman ang apo ng kabilang lola.
“Mas epektibo ang kuwento pag galing sa tunay na buhay. Kaya nga ang mga news items, magandang source ‘yan ng istorya sa pelikula,” sabi ni Casimiro.
Babalik ngayong araw na ito, Huwebes, si Mendoza, kilala rin sa tawag na Dante Mendoza, mula sa Dubai.
Ayon sa website ng DIFF, ipapalabas ang “Lola” sa Cinestar sa Mall of the Emirates sa Dubai sa Biyernes, ika-18 ng Disyembre, 2009.
Maraming pumuri sa “Lola” sa Dubai kaya ipapalabas ito sa buong mundo.
Twitter
Digg
Del.icio.us
Reddit
Yahoo
Googlize this
Facebook









