Pagkatapos mag-uwi ng pinakamataas na karangalan sa ika-62 Cannes Film Festival sa Cannes, France noong Mayo para sa pelikulang “Kinatay (The Execution of P),” nagwagi muli si Brillante Mendoza sa ika-42 Sitges International Film Festival sa Catalonia, Spain malapit sa Barcelona noong ika-12 ng Oktubre, 2009.
Pero hindi nakarating ang premyadong direktor sa Sitges dahil nakababad siya sa miting sa mga international distributor ng “Kinatay (The Execution of P)” sa Paris, France kung saan ipapalabas ang pelikula sa Nobyembre.
“Sayang. Kasi, naipit lang ako sa mga miting sa Paris otherwise, hahabol sana ako sa filmfest nila sa Sitges,” pahayag ni Mendoza.
“Pero I’m happy dahil na-recognize na naman ang isang Filipino film sa ibang bansa. Mas maganda ito dahil may mileage na naman ang Pilipinas sa foreign land,” sabi ni Brillante, kilala rin sa tawag na Dante Mendoza.
Kung Palm d’Or Best Director ang napanalunan ni Brillante sa Cannes, tahasang Best Director din ang kanyang napagwagihan sa Spain Film Festival na inaaring pangunahing sa buong Europa sa pagtatanghal ng mga genre fantasy films.
Pinuri ng mga hurado sa Sitges ang “Kinatay (The Execution of P)” kaya naman walang mapagsidlan ng kasiyahan si Brillante.
Nanalo rin sa Best Soundtrack ang kanyang sound engineer na si Teresa Barrozo na talaga namang mahusay maglapat ng tunog.
“I am very proud of Teresa dahil kailangan niyang ma-recognize sa buong mundo,” wika ni Mendoza sa kabilang linya ng telepono habang nasa Paris.
Ayon sa batambatang direktor, ibinalita pa ng kanyang mga kasamahan sa Centerstage Productions mula sa Maynila na siya ay nagwagi sa Espanya kaya naman namangha siya sa kapangyarihan ng komunikasyon na makapagbalita ng mga pinakahuling kaganapan kahit na saanman.
“Inihahandog ko ang aking karangalan sa mga mamamayan sa buong Pilipinas at sana ay magpatuloy pa ang ating tagumpay,” wika ni Dante.
Twitter
Digg
Del.icio.us
Reddit
Yahoo
Googlize this
Facebook









