The Philippine Online Chronicles

The POC
Thursday
May 24
Home News Elections 2010 Ang baklang PCOS at nagmaldita

Ang baklang PCOS at nagmaldita

eleksyon_pilaDear Lady S,


Isang pawisan at nanlalagkit na araw sa inyo. Sumulat po ako upang ilabas ang aking ngitngit sa eleksyon nitong Mayo 10. Sa totoo lang, hindi ko na nakuhang magmumog at maligo upang makaboto lang ng maaga dahil ayokong sumabay sa buhos ng tao. Pero malay ko po ba namang abutin ng halos walong oras sa pilahan na hindi halos gumagalaw! (7:00 nakapila. Alas tres pasado, nakapila pa rin) Ika-331 po ako sa boboto eh alas tres y medya na po, walang pang singkwenta ang nasa unahan ko. Kung hindi lang po ako die hard fanatic ni Noynoy e malamang na nilayasan ko na ang nagliliyab sa init na presinto! Dito po ako bumoto sa Bagong Silangan, Quezon City.

Lahat na yata ng klaseng tao - bata, matanda, tomboy, bakla, bungal, kalbo, hindi naligo, amoy kilikili ay kasama ko sa pilahan. Ang mga thunders naman, walang humpay sa pagtutungayaw. Napakainit po, mabantot, umaapaw sa tao at walang humpay ang ingay at bulyawan ang paligid ko. Ang iba namng nabwisit na, nagsi-uwian na po habang nagmumumog ng mura. May mga hinimatay din at mukhang mamamatay na nang tuluyan sa sobrang init.

Naki-tsika ako sa mga nakaboto na at ito ang nakalap kong isyu: halos kalahati ng mga bumoto nung umaga pa ay hindi validated ang mga balota dahil may mga patak o dumi ng hinlalaking ginamit pang thumbmark. Kaya nagmaselan ang machine at nag-inarte-isinuka ang mga balota na ipinasok sa kanya dahil madumi daw po. Wala namang nag-orient sa mga tao na bawal madumihan ang balota. E dahil nga po nag-thumbmark muna sila, natural na magka-mantsa ang balota. So si Picos ay walang ginawa kundi sumuka!

Anong klaseng sistema po ito? Ang daming balota ang hindi tinanggap at hindi na rin po sila binigyan ng tsansang makaboto muli. Aba'y swertihan na lang po kung ang kandidatong ibinoto ay mas marami ang tinanggap kaysa isinuka ng mahiwagang makina.Sa palagay ninyo po ba ay maka-tao ang ganitong sitwasyon?

Please, Lady S. Aliwin po ninyo ako. Ang ending, hindi na kinaya ng powers ko ang sistemang iyon kaya bago ako mag-amok sa presinto at mabanatan ang PCOS machine ay umuwi na ako at naligo ng tatlong beses pagdating ng bahay.

 

Tumaas ang high blood,

Pistachio

 


Dear Pistachio,

 

Hindi lamang ikaw ang may ganitong karanasan sa makasaysayang eleksyon na ito. Mas grabe pa ang iba. May nanakawan, may natsansingan, may halos nasiraan ng bait sa magkakasamang init, ngitngit at kunsumisyon sa haba ng pila.

Unawain na lamang natin na unang pagkakataon ito sa Pilipinas na nagkaroon tayo ng automated election. At dahil kinapos tayo sa kahandaan, expected na maging ganito ang resulta. Ang naghuhumiyaw na isyu na lamang dito ay paano na pagkatapos ng eleksyon? Papayagan ba ang ganito? Anong mga paraan ang dapat na gawin upang ituwid ang lahat ng pagkakamali?

Maghintay pa tayo sa mga susunod na pangyayari. Hindi natin masasabi sa ngayon ang desisyon. Naging napakagulo ng sitwasyon at ang tanging magagawa na lamang natin ay ang magdasal na sana naman ay tingnan lahat ng anggulo sa mga nangyari at ang lalabas na desisyon ay kung ano ang matuwid.

Hwag ka nang maghinagpis at hindi ka nag-iisa. Ipagpasalamat mo rin na buhay ka pa nang lumabas ng presinto, hindi ka na-rape at hindi naman dumanak ang dugo. Ang masasabi ko lang, hindi dayaan ang naging isyu sa eleksyong ito kundi kakulangan ng paghahanda at higit sa lahat, ang dapat ay maayos at malinaw ang impormasyon para hindi na lost ang mga tao. Sigurado ako, konting-konti na lang at maaatake na ang mga botante sa biglang pagsirit ng blood pressure.

Maligo ka uli para sure na hindi ka maimpeksyon sa pawis at laway na dumikit lahat sa balat mo. Malamig na shower lang ang katapat niyan.

 

Lady S

 


Photo by Elai Abigan-O. Some rights reserved.



Add this page to your favorite Social Bookmarking websites
Digg! Reddit! Del.icio.us! Google! Live! Facebook! StumbleUpon! Newsvine! TwitThis
 
Comments
Add New RSS

Disclaimer: Comments posted here reflect our readers’ views and not the opinion of The Philippine Online Chronicles.

Write comment
Name:
Email:
 
Title:
Please input the anti-spam code that you can read in the image.

!joomlacomment 4.0 Copyright (C) 2009 Compojoom.com . All rights reserved."

Share on facebook