Mahalaga ang bawat sentimo.
Ito ang diwang kailangang panghawakan ng mamamayan, lalo na't panahon ngayon ng krisis pinansyal dala ng walang puknat na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at mga pangunahing serbisyo. Ito rin ang diwang dapat panghawakan ng mga namumuno sa gobyerno—sa pambansa at lokal ne lebel—upang matiyak ang tapat na serbisyo at pangangalaga sa kapakanan ng taong bayan.
Ngunit tila nakatanim na sa kultura ng pamamahala sa Pilipinas ang katiwalian. Bukod sa malawakang kakurakutan gaya ng mga proyektong labis sa wastong presyo, mga ghost employees, mga gastusing di nalilikida, at ang direktahang pagnanakaw sa kaban ng bayan, ang katiwalian sa gobyerno ay nasa anyo rin ng mga proyektong di naman kailangan ng mga mamamayan, mga magagarbong piging, at mga nakakainis na mga tarpaulin at anunsyo ng mga opisyal ng gobyerno hinggil sa proyektong sinimulan daw nila.
Kung hitik sa mga akusasyon ng katiwalian ang pambansang gobyerno sa ilalim ng dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, malala rin ang mga di umano'y katiwalian sa lokal na gobyerno na, kahit ipinapangako ng kasalukuyang administrasyon ni Noynoy Aquino ang paglaban sa katiwalian, ay tila nagpapatuloy pa rin. Ang ganitong pambabastos sa pinaghirapang perang inambag ng bawat mamamayan ang siyang tinutukan ng TransparencyReporting.net, o ang Philippine Public Transparency Reporting Project.
Isang investigative news website na bitbit ang adbokasiya ng paglaban sa katiwalian, ang TransparencyReporting.net ay isang pinagsanib na proyekto ng mga independenteng mamamahayag at civil society groups upang masusing siyasatin ang paghahawak ng pondo ng bawat yunit ng gobyerno.
Higit sa pagbabalita ng mga di umano'y katiwalian, misyon ng TransparencyReporting.net na palahukin ang ordinaryong mamamayan, o ang tinatawag na concerned citizen, na iulat ang anumang kaso o hinala ng katiwalian sa kaniyang bayan yamang ang proyektong ito ay hindi eksklusibo para sa mga mamamahayag.
Dahil walang iisang ahensya, korporasyon, o organisasyon na may hawak sa TransparencyReporting.net, bukas ang website na ito para sa lahat ng gustong makilahok sa malayang pagdaloy ng impormasyon hinggil sa wastong pamamahala sa kaban ng bayan. Bilang pinagsanib na proyekto sa pagitan ng mga mamamahayag at ng mga concerned citizens, naisapraktika ng TransparencyReporting.net ang diwa ng citizen's journalism--pamamahayag na nagmumula sa mga mamamayan at tumutugon sa kinakailangang impormasyon ng mga mamamayan.
Nakalulungkot lamang na nitong Agosto 2011 ay tinigil ang operasyon ng TransparencyReporting.net ngunit nananatili pa rin namang bukas ang website. Ito sana ang isa sa mga mabisang lunsaran ng mamamayan sa pagsisiyasat sa katiwalian at pamamahala habang hindi pa naipapasa ng Kamara ang Freedom of Information Bill.
Sa kabila ng pagtigil ng TransparencyReporting.net, nawa'y mamulat ang mamamayan hinggil sa karapatan nilang magkaroon ng tapat na gobyerno. Nawa'y naiparating nito ang adbokasiya sa paglaban sa katiwalian bilang isa sa mga susi sa pag-unlad. Nawa'y dumami pa ang mga concerned citizens na siyang masasandigan sa adbokasiyang ito at nawa'y lalong lumawak at lumaya ang pagdaloy ng impormasyon hinggil sa kaban ng bayan na hawak ng ating pamahalaan.
Sapagkat mahalaga ang bawat sentimo ng ating buwis. Dahil pera natin 'to!
Karapat-dapat bang igawad sa TransparencyReporting.net ang 2011 WikiPinoy of the Year? Kung oo, iboto sila rito (huwag kalimutang i-add ang WikiPilipinas Org sa Facebook).
Twitter
Digg
Del.icio.us
Reddit
Yahoo
Googlize this
Facebook









