Ano nga ba ang napapanood natin ngayon na sports sa free tv? Basketbol? Football? Boksing? Volleyball?
Masyadong limitado ang naiaalok ng mainstream media pagdating sa sports. Mas ginagawang popular ang mga palakasang may kaakibat na mga tatak ng mga produkto at kumpanya. Mas natatampok ang mga (personal) na buhay na mga atleta. Mas nilalako ang pangalan ng mga koponan at mga atleta. Mas sinusubaybayan ang mga bangayan, iringan, at inggitan sa pagitan ng mga opisyal at mga koponan.
Kailan ba nagkaroon ng sports coverage na ang sinusubaybayan ay ang mismong laro at ang pag-develop ng mga atleta at koponan?
Ito ang sinubukan ng Facebook page na SEA Games 2011: Team Philippines News Updates. Gamit ang social media, ang mga ordinaryong sports fans mismo ang nagbalita—nang libre, malaya, at walang kinikilingang koponan—sa lahat ng kaganapan sa kampanya ng Pilipinas noong nakaraang Southeast Asian Games (SEA Games) sa Indonesia.
Malaking kaibahan ang naging coverage ng Facebook page na ito kumpara sa coverage ng mainstream sports media sa Pilipinas, maging ang coverage ng mismong opisyal na website ng SEA Games. Bagamat hindi perpekto, nagawa ng page na ito na ibalita nang mabilis at patas, kahit sa napakaliit na espasyo ng Facebook, ang bawat detalye ng kompetisyon kung saan kasali ang Pilipinas, lalo na ang mga kompetisyong di naaabot ng telebisyon at ibang daluyan ng balita sa Internet.
Malaki ang naitulong ng SEA Games 2011: Team Philippines News Updates upang mabuo ang artikulo ng WikiPilipinas hinggil sa kampanya ng Pilipinas noong SEA Games—isang komprehensibo at kumpletong artikulo na may pang-araw-araw na tala, medal standings, medals per sport, at power rankings per sport. Marahil, malaki rin ang naitulong ng page na ito sa totoong Pinoy sports fan na humahanga at sumusuporta sa tunay na diwa ng palakasan.
Nananatiling anonimo kung sino ang nagtayo ng SEA Games 2011: Team Philippines News Updates. Malamang ay kahit manalo ito bilang WikiPinoy of the Year, hindi niya aakuin ang parangal at ang kaniyang pararangalan ay ang mga sports fans na nagbayanihan upang maiparating sa publiko ang tagumpay at hamon ng pambansang koponan.
Bagamat hindi ito likha ng mga propesyonal na mamamahayag, ipinakita ng SEA Games 2011: Team Philippines News Updates ang serbisyong tunay—serbisyong di humihingi ng kapalit. Ganito dapat ang katangiang taglay ng mga namumuno sa sports sa bansa upang umunlad ang ating pambansang koponan.
Karapat-dapat bang maigawad sa SEA Games 2011: Team Philippines News Updates ang 2011 WikiPinoy of the Year? Kung oo, iboto sila rito (huwag kalimutang i-add ang WikiPilipinas Org sa Facebook).
Twitter
Digg
Del.icio.us
Reddit
Yahoo
Googlize this
Facebook









