Sinasabing ang kamatayan ay ang katapusan. Ngunit para sa mga naulila ni Gerry Ortega, ito ay isang simula.
Kung sakaling manalo bilang 2011 WikiPinoy of the Year si Gerardo “Gerry” Ortega, ito ang magiging kauna-unahang WikiPinoy of the Year na igagawad sa isang namatay na nominado. Namatay sa ika-24 na araw ng unang buwang ng taong 2011, ang beterinaryo at mamamahayag na mas kilala sa tawag na “Doc Gerry” ang pinakaprominenteng biktima ng pagpaslang sa isang mamamahayag sa ilalim ng administrasyong Noynoy Aquino.
Karapat-dapat bang manalo ang isang nominadong pumanaw nang maaga sa taong 2011 o ang kaniyang nominasyon ay dala ng kaniyang pagiging martir?
Una at higit sa lahat, si Doc Gerry ay hindi lamang isang martir. Isa siya sa mga pinakaagresibong komentarista at aktibista laban sa pagmimina sa tinatawag na “last frontier” ng ekolohiya sa Pilipinas at ang tahanan ng isa sa mga bagong Seven Wonders of the Natural World—ang kapuluhan ng Palawan. Nagkaroon ng matibay na pagtindig at pagpanig ni Ortega para sa mamamayang Palaweno at sa pangangalaga sa likas na yaman ng Palawan sa kabila ng matinding kagustuhan ng mga malalaking kompanya ng pagmimina na minahin ang mga kagubatan at kabundukan ng probinsya.
Isa sa mga malalakas na boses laban sa pagmimina sa Palawan, isiniwalat din ni Doc Gerry ang mga di umano'y iregularidad sa mga transaksyon sa pagitan ng lokal na gobyerno (na noo'y pinamumunian ni gobernador Joel T. Reyes) at ng mga malalaking kompanya ng pagmimina at enerhiya na nais mamuhunan sa probinsya.
Biglang pinaslang si Doc Gerry nang kaniyang sinimulan ang malawakang kampanya laban sa pagmimina sa Palawan. Kung siya nga ay pinaslang ng mga alipores ng mga kumpanya ng pagmimina at ni governor Reyes upang mapatahimik ang kampanya kontra sa pagmimina, mukhang bigo ang mga pumaslang sa kaniya. Sa katunayan, lalong lumawak ang kampanya kontra pagmimina. Ang No to Mining in Palawan Campaign, isang malawakang signature campaign na inilunsad noong Pebrero 2011, ay nakakalap na ng tatlong milyong lagda sa buong Pilipinas. Bukod sa pangangalap ng lagda, naging lunsaran din ito ng mga kampanya at edukasyon para sa pangangalaga ng kalikasan at sa wasto at sustenableng paggamit ng likas na yaman.
Di gaya ng mga malalaking paid advertisements ng Chamber of Mines ng Pilipinas, ang kampanyang No to Mining in Palawan, na resulta ng kabayanihan ni Doc Gerry, ay nakaambag sa malayang daloy ng impormasyon sa bansa, partikular ang impormasyon hinggil sa kalikasan. Gamit ang tradisyonal at makabagong midya at mga daluyan ng impormasyon, naabot ang mas malayang pamamahagi ng impormasyon at pagkalap ng suporta para sa kalikasan.
Bagamat hindi na kailanman masasaksihan ni Doc Gerry ang paglawak ng kampanya at kilusan laban sa pagmimina, ang kaniyang kamatayan ang nagsilbing inspirasyon para sa ordinaryong mamamayan na labanan ang pansariling interes ng iilan.
Minsan nang sinabi ng napaslang na aktibistang si Lean Alejandro, “The place of honor is the line of fire.” Sa karahasang sinapit ni Doc Gerry, nabigyang dangal ang mamamayang Palaweno at ang mamamayang Pilipino.
Karapat-dapat bang maigawad kay Gerry Ortega ang 2011 WikiPinoy of the Year? Kung oo, iboto siya rito (huwag kalimutang i-add ang WikiPilipinas Org sa Facebook).
Twitter
Digg
Del.icio.us
Reddit
Yahoo
Googlize this
Facebook









