The Philippine Online Chronicles

The POC
Wednesday
May 23
Home News Breaking Stories Kilalanin ang mga nominado sa 2011 WikiPinoy of the Year: Ericson Acosta

Kilalanin ang mga nominado sa 2011 WikiPinoy of the Year: Ericson Acosta

Ericson_acosta_picPiita'y bahagi ng pakikilamas, Mapiit ay tanda ng di pagsuko.

-Isang Dipang Langit ni Amado V. Hernandez

 

Mahigit limampung taon na ang nakalilipas mula nang mailimbag ang makasaysayang tula ni Amado V. Hernandez ngunit patuloy na nagiging totoo ang bawat berso ng tulang iyan dahil hanggang sa ngayon, di pa rin napapalaya ang humigit kumulang 300 bilanggo at detinidong politikal sa bansa. Kasama sa mga detinidong politikal sa Pilipinas si Ericson Acosta na, kagaya ni Gat Amado, ay isang manggagawang pangkultura at makabayang aktibista.

Bagamat matagal nang manunulat at artista sa teatro, ngayon lang muling umugong ang pangalan ni Ericson Acosta nang siya'y madakip ng mga militar noong 13 Pebrero 2011 sa San Jorge, Samar. Inakusahang mataas na pinuno ng komunistang Bagong Hukbong Bayan o NPA, di umano'y marahas siyang tinanong at tinortyur ng mga militar bago isalang sa panimulang pagsisiyasat sa tagapaglitis. Kasalukuyan siyang nakapiit sa Lungsod Calbayog sa Samar kung saan nahaharap siya sa kasong iligal na pagdadala ng armas.

Ang natatangi sa kaso ni Acosta ay ang kaniyang patuloy na paglikha ng sining sa kabila ng pagkakapiit. Ang kaniyang blog na pinamagatang Jailhouse Blog ay naglalaman ng kaniyang mga bukas na liham sa mga kasama at kaibigan, gayundin ang kaniyang mga saloobin hinggil sa karapatang pantao, sining, at mga personal na repleksyon. Ang kaniyang album na Prison Sessions, na nirekord sa loob ng kulungan, ay naglalaman ng mga makabayan at progresibong awitin at pagtatanghal na sumasalamin sa kaniyang kalagayan bilang detinadong politikal.

Bagamat hindi mabuti para sa isang inosente (kung siya nga ay inosente) na makulong, ang kaniyang pagkakapiit ang nagpanumbalik sa panawagan ng pagpapalaya sa mga bilanggo at detinadong politikal na kinulong hindi dahil sa krimen o kasamaan, kundi dahil sa kanilang ideyolohikal at politikal na adhikain at pakikibaka, kung pagbabatayan ang pananaw ng mga progresibong pwersa at mga human rights group.

Dahil sa kaniyang pagkakapiit, naisiwalat ang galit ng ilang pwersa sa militar laban sa progresibong ideolohiya, partikular ang komunismo (na unang akusasyon laban kay Acosta), bagamat dapat ay malayang nakapipili ang mga mamamayan ng kaniyang paniniwalaan sa ilalim ng isang demokrasya. Isiniwalat din dito ang kawalang aksyon ng kasalukuyang administrasyon ni Noynoy Aquino sa mga bilanggo at detinidong politikal, di gaya ng administrasyon ni Corazon Aquino kung saan agad niyang pinalaya at binigyan ng amnestiya ang mga bilanggong ito.

Higit sa lahat, isiniwalat ni Acosta sa kaniyang pagkakapiit ang matapang at matikas na diwa ng isang alagad ng sining gaya ng ipinamalas noon ni Amado V. Hernandez: “ Di habang araw ang api ay api/ tanang paniniil ay may pagtutuos/ habang may Bastilya'y may bayang gaganti.

Samakatuwid, sa kabila ng pagkakapiit ay nagsisilbing paalala si Acosta sa mga mamamayan na ipaglaban ang karapatang pantao at ipaglaban ang sining at kultura ng tunay na pagpapalaya.

 


Karapat-dapat bang maigawad kay Ericson Acosta ang ''2011 WikiPinoy of the Year''? Kung oo, iboto siya rito (huwag kalimutang i-add ang WikiPilipinas Org sa Facebook).

 



Add this page to your favorite Social Bookmarking websites
Digg! Reddit! Del.icio.us! Google! Live! Facebook! StumbleUpon! Newsvine! TwitThis
 
Comments
Add New RSS

Disclaimer: Comments posted here reflect our readers’ views and not the opinion of The Philippine Online Chronicles.

Write comment
Name:
Email:
 
Title:
Please input the anti-spam code that you can read in the image.

!joomlacomment 4.0 Copyright (C) 2009 Compojoom.com . All rights reserved."

Share on facebook