Sa kaniyang pahayag na pinamagatang “It's the economy, student!”, muling pinagmalaki ni Arroyo ang pag-unlad ng ekonomiya ng Pilipinas noong siya ang nakaupong presidente. Ang kaniyang pahayag ay sumentro sa mga “achievements” base sa abstraktong estadistika at mga resulta ng kaniyang polisiya gaya ng health cards, imprastraktura, paglago ng mga business process outsourcing, at kung ano-ano pa.
Para kay Arroyo, kung hindi dahil sa “paglagong” ito ay lalong malulugmok ang bansa sa kahirapan dahil tila walang direksyon ang pamamalakad ni P-Noy pagdating sa ekonomiya. Para kay Arroyo, hindi sapat ang islogang “Kung walang korap, walang mahirap.”
Kung tutuusin, may punto naman si Arroyo. Ano nga naman ang mapapala ng masa kung ang lalabanan lamang ng administrasyong Aquino ay ang korapsyon? Oo't napakulong ni P-Noy ang mga dating kurakot, kasama dun si Arroyo, pero may nagbago ba ang buhay nating mga nagko-commute at umuutang sa 5-6? Baon pa rin sa utang ang Pilipinas, pataas nang pataas ang presyo, kontraktwal pa rin ang mga trabahong inaalok sa mga bagong manggagawa, at pataas nang pataas ang tuition ng mga estudyante.
Utang. Kontraktwalisasyon. Deregulasyon ng presyo. Pribatisasyon ng mga mahahalagang industriya. Ito ang economic policies ni P-Noy. Pero teka, siya ba ang orihinal na may pakana nito?
Dito makikita ang kabalintunaan (at kabaliwan) ng pahayag ng propesor na si Arroyo. Hindi ba't ito ang economic policies sa ilalim ng kaniyang administrasyon? Sa puntong iyan ay tama si Arroyo: pinagpatuloy naman talaga ni P-Noy ang “Strong Republic” policies niya.
Himayin natin. Ayon sa Freedom from Debt Coalition, ang utang sa ilalim ni Arroyo (as of 2007) ay nasa P3.54 trilyon. Nahigitan pa nito ang pinagsamang utang ng Pilipinas sa ilalim nina pangulong Cory Aquino, Fidel Ramos, at Erap Estrada.
Sa ilalim ni Arroyo, lumago ang industriya ng mga call centers o ang tinatawag na business process outsourcing. Dala ito ng kagustuhan ng mga mayayamang bansa na mamuhunan ng Pilipinas dahil lubhang maliit ang sweldo rito kaya cheap ang paggawa. Oo't dumami ang nagkaroon ng trabaho, yun nga lang, trabahong magdamagan (graveyard shift) at patayan (bawal umihi kapag nasa floor). Mas mabuti pa ang graveyard work sa Bagbag Cemetery.
Sa ilalim ni Arroyo, namayagpag ang cartel ng mga oil companies kaya sa halip na magkaroon ng kompetisyon, eh nag-enjoy ang Shell, Petron, at Caltex na magpataasan ng presyo. Namayagpag din ang Meralco, Maynilad, at Manila Water sa pagpapataas sa presyo ng kuryente at tubig. At sa ilalim ng administrasyong Arroyo, pumalo nang P30 hanggang P50 ang presyo ng isang kilo ng bigas. Ang malala pa rito, ang dating mamisong yelo, naging tatlong piso na.
Sa ilalim ni Arroyo, bagsak ang agrikultura. Naaalala niyo pa ba ang matinding rice shortage noong mga nagdaang taon? Sa sobrang bagsak ng agrikultura ay kailangang pang mag-import ng Pilipinas ng mga produktong agrikultural sa kabila ng ekta-ektaryang palayan at bukirin dito.
Kaya ang sagot ng mahihirap kay Arroyo, “Look who's talking, praning?” Ikaw rin ang nagpalala ng ekonomiya ng Pilipinas, to begin with. Wala kang pinag-iba kay P-Noy!
Sa kabilang banda, suriin natin ang ekonomiya ng pobreng bansang Cuba, isang bansang di-kasundo ng US. Sa Cuba, libre ang edukasyon (hanggang Ph. D.) at pagpapagamot at sinisiguro ng gobyerno na may rasyon ng pagkain (kahit dyeta meals ito) sa hapag kainan ng bawat Cubano dahil may food subsidy. Bukod pa riyan, walang iskwater sa Cuba dahil lubhang mura ang pabahay (wag nga lang asahan ang mala-mansyon na bahay, pero garantisadong may libreng kuryente at tubig naman).
Mayorya ng mga manggagawa sa Cuba ay nagtatrabaho sa ilalim ng gobyerno, dahil hawak ng gobyerno ang mga pangunahing industriya. Ibig sabihin, walang kontraktwal at walang boss na nanininigaw sa mga manggagawa. Di rin nila kailangang mag-manufacture nang mag-manufacture nang labis-labis (yung may malaking quota) dahil serbisyo at hindi negosyo ang mga industriya. No wonder kung bakit one percent lang ang unemployment dun, di gaya rito na seven percent.
Ganun ang modelong economic policy, Gloria Arroyo at P-Noy! Polisiya kung saan sinisiguro ng gobyerno na matutugunan ang pangangailangan ng bawat mamamayan. Polisiyang nakatuon sa serbisyo at hindi sa paglago ng negosyo ng mga bilyonaryo. Polisiyang hindi palaasa sa dikta ng mayayamang bansa bagkos ay nakikipagtulungan sa kapwa mahihirap na bansa para sabay-sabay silang umasenso.
Simple lang naman ang solusyon para magkaroon ng epektibong ekonomiya—kung ito ay planado at hindi inaasa sa takbo ng merkado. Kung hindi pahuhulaan sa mga stock brokers ng Makati ang takbo ng ating ekonomiya. Kung hindi pahahawakan kina Lopez at Pangilinan ang kuryente at tubig. Kung gobyerno ang may kontrol sa presyo ng langis. Kung malaki ang budget para sa agrikultura nang sa gayo'y di na tayo mag-import. Kung may regular na trabaho para garantisado ang benepisyo ng mga manggagawa. Kung may sapat na badyet sa edukasyon para lumaking matalino ang susunod na henerasyon.
Ngunit di naman pinapangako na mapapayaman ng ganitong klaseng ekonomiya ang lahat ng mamamayan. Una sa lahat, hangga't pandaigdigan ang krisis sa ekonomiya, mahirap umahon sa kahirapan. Magkagayunman, garantisado naman sa isang planadong ekonomiya ang pangangailangang sapat para sa lahat.
Ngunit magtiis muna tayo dahil sa ngayon, ang ekonomiya ng bansa ay nakasalalay sa mga Madam Auring na naka-Amerikana't nasa de-aircong opisina. That's our stupid economy, students!
Ang kuro-kuro rito na batay sa nakakabaliw na balita ay sariling opinyon ng may-akda at hindi sinasalamin ang tindig ng patnugutan ng POC. Mababasa ang statement ni Gloria Macapagal-Arroyo rito. Kung mas trip nyong magbasa ng straight news, i-click ito.
Twitter
Digg
Del.icio.us
Reddit
Yahoo
Googlize this
Facebook









