Dahil hindi pa naipapasa ang Reproductive Health Bill, inaasahan ng isang non-governmental organization na lolobo ang populasyon ng Pilipinas siyam na buwan pagkatapos ng Oktubre 11.
Kaya pinaaalalahanan ng grupong Freedom from Deathmetal Coagulation (FDC) ang publiko, lalo na ang mga mag-asawa, na gumamit ng contraceptives kung sakaling di maiwasan ang mga (re)produktibong gawain sa gaganaping Power Off protest sa Oktubre 11, 7:30 hanggang 8:00 ng gabi. Ito ay upang maiwasan ang kinakatakot na “baby boom.”
Paliwanag ng kalihim ng FDC na si Ovaltine “Boy Next Door” Maraming-Tungkulin, ang gaganaping malawakang pagpatay ng ilaw ay bilang protesta sa tumataas na singil ng kuryente, na ang pangunahing dahilan ay ang butas-butas na batas na Excruciating PahIRAp (EPIRA).
“Ay teh, Purita Kalaw na aketch at ang Egay Billones (kahit 95 milyon pa lang - ed) na Pilipino eklavu nationwide. Haggardness ang pa-Erap na EPIRA, Lucrecia Kasilag na aketch sa balaj at mahalia jackson na presyo ng kuryente tsenes! Eh ang rumi-Rica Peralejo lang ay ang mga bozanians ng PERALCO at mga Isa Pang Pahirap (IPP)! Imbyerna!” ani Maraming-Tungkulin, na naa-agit na habang hinahawi ang kaniyang smooth and silky long hair.
Depensa naman ng NAumit ang POwer KO, Rar (NAPOKOR), kailangang mabayaran ang tinatawag nilang “stranded” debts ng kumpanya sa mga IPP dahil di ito makabyahe gawa ng sunod sunod na bagyo.
Ayon naman sa power disturbance, este, distributor na PERALCO, may kapalit na serbisyo naman ang pagtaas ng singil sa kuryente. “Para matuwa ang aming mga consumers chenes, nag-hire natchi ng maraming vumbay ang peralcetch paratchi jula na mismetch ang magpunta sa sokawng mga bahay. Pwede ring mabayaran nang 5/6 ang jokawng mga overdue natchi bill,” ani Money Vakler Pinanggigigilan sa isang ekslusibong interbyu sa Poorly Overgrown Cuticles (POC) BALIW-TA.
Dagdag pa niya, pansamantala lamang daw ang pagtaas sa singil ng PERALCO dahil kailangan umanong mabayaran ang airtime at ang talent fee para sa sandamakmak nilang commercial at mga overpaid na manlalaro sa kanilang basketball team sa Putok Baktol Anghit (PBA).
Paunawa: Sadyang nakakabaliw ang mga balita ngayon, kaya nababaliw na rin ang ilang manunulat ng Philippine Online Chronicles. Para sa seryosong bersyon ng balitang ito, silipin ang Wiki-Balita ng WikiFilipino.
Twitter
Digg
Del.icio.us
Reddit
Yahoo
Googlize this
Facebook









